Transcript of
VP Leni Robredo’s Huling Panawagan
Mga Kababayan,
Ilang araw na lang, malapit na natin makamit ang pinapangarap na pagbabago. Punong-puno ang puso ko dahil alam kong kasama ko kayo hanggang sa dulo ng krusadang ito.
Muli kong ipapa-alala sa ating lahat, kung ano ang nakataya sa laban na ito. Hindi lang natin gustong palitan ang bulok at hindi patas na pulitika nang isang gobyernong tapat at mapagkaka-tiwalaan.
Kailangan din nating mai-angat ang antas ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino, lalo na yung mga nasa laylayan na halos mawalan ng pag-asa nung kasagsagan ng pandemya.
Ang Angat Buhay Pilipino! ay isang malawak na plano para sa economic recovery. Hindi lang ito pangakong ibababa ang presyo ng bigas, kuryente o gasolina. May mga solusyon sa mga naka-ugat na problema. Ang aking paniniwala ay taongbayan ang sentro sa pagbawi ng ekonomiya.
i. Unang prayoridad ang kakulangan nang sapat na kabuhayan. Sa ating plano, kung mawalan ng trabaho, may tatlong buwang ayuda, at kung hindi pa rin makahanap ng kapalit, gobyerno mismo ang magbibigay ng trabaho sa inyo. Hindi hadlang ang edad o kasarian para makapag-hanap buhay. Maari ding mag-training para sa dagdag na kaalaman at kakayahan.
ii. Sisiguraduhin natin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Aayusin natin ang Philhealth: tatanggalin ang katiwalian at kawalan ng kakayanan para makapag-silbi nang maayos. Dapat bawat pamilya ay may access sa libreng doctor.
iii. Pagandahin pa lalo ang 4Ps. Isasama natin sa conditional cash transfer ang mga nanay at kanilang sanggol sa unang 1000 days para tiyak ang kalusugan ng mag-ina.
iv. Palalawakin ang school feeding program sa public primary at secondary schools para hindi nagugutom ang mga bata. Sa tamang paggamit ng pondo ng gobyerno, matutulungan natin ang ating magsasaka at mangingisda para ibaba ang presyo ng pagkain.
V. Susuriin natin ang ating sistema ng edukasyon at tutukuyin ang mga reporma. Bago pa man magpandemya, mayroon na tayong education crisis. Kaya ang una nating kailangang gawin: Dadagdagan ang budget para matugunan ang mga kakulangan sa sektor. Titiyakin natin ang kalidad ng edukasyon nang ating mga anak.
Iilan lang yan sa mga prayoridad ng Angat Buhay Pilipino!.
Marami pang sector ang paguukulan ng pansin. Agrikultura at pangisdaan, turismo, transportasyon, manufacturing at infrastructure. Palalakasin natin ang private-public partnership at tatawid tayo sa digital economy.
Ang aking pakiusap ngayon, mga mahal kong kababayan—walang bibitiw. Kasama kayo sa pagtatag ng isang GOBERYONG TAPAT sa May 9. At pag nai-angat natin ang lahat, lalo na ang mga nasa laylayan--- gigising tayo sa KULAY ROSAS NA BUKAS. #