Pangungunahan ni Vice President Leni Robredo ang pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na gaganapin sa Naga City.
Dadalo si VP Leni sa isang Misa ngayong Linggo, alas-8 ng umaga, sa St. Jude Thaddeus Parish Church, Concepcion Grande, Naga City. Susundan ito ng candle-lighting ceremony at isang feeding program.
Bukas ang pagdiriwang sa publiko, at inaasahang dadaluhan ng mga lokal na opisyal at mga kasapi ng iba’t ibang sektor.
“Simple lang itong selebrasyon, pero ang ginagawa natin, ayaw nating makalimutan iyong aral ng EDSA,” ani VP Leni. “Tingin ko kasi, mahalaga ito hindi lang para i-celebrate iyong nangyari lang, pero para alalahanin iyong mga aral.”
“Ito ay pagdiriwang ng buong kuwento ng EDSA—na ito’y pagkilos di lang ng mga taga-Maynila, kundi ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” dagdag pa niya.
Isa ito sa mga Misang nakatakdang ipagdiwang sa Linggo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, gaya sa Pampanga, Pangasinan, Cebu, Siargao, at Quezon Province, na inorganisa ng iba’t ibang lokal na parokya at citizen groups para sa komemorasyon ng mapayapang pagtitipon na nakapagpatalsik sa diktadurya noong 1986.