29 November 2017
Community-based rehabilitation, isinusulong
VP Leni, hinimok ang simbahan, komunidad na tumulong sa kampanya kontra droga
Hinimok muli ni Vice President Leni Robredo ang iba’t ibang sektor, kabilang na ang simbahan, na tumulong na sugpuin ang problema sa ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpapagaling ng mga nalulong sa droga na nais nang magbago.
Iginiit ni Robredo na hindi solusyon sa suliranin ng droga ang karahasan, base sa numero ng mga drug dependents, na nagpapakita na mas marami ang nangangailangan ng community-based rehabilitation.
“Pinapakipaglaban po natin, mula pa noong umpisa, na dapat sana iyong mga komunidad ay magkaisa. Kasi hindi po ito problema na kaya ng nalululong [sa droga], hindi po ito problema na kaya ng pamilya lamang. Pero isa itong napakakomplikadong problema na dapat bawat isa sa atin ay umako ng responsibilidad,” wika niya.
Nitong Martes, dumalo ang Bise Presidente sa pagtatapos ng 28 recovering drug users na sumailalim sa Bayang May Ugnayan at Kalinga sa Pamilya Laban sa Droga, o BUKAS-PALAD, isang community-based treatment program para sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Ang programang ito ay sinimulan ng Ako Ang Saklay, Inc. sa San Antonio, Nueva Ecija, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor, kabilang na ang simbahan, mga ahensya ng pamahalaan, mga volunteers, at maging ang lokal na pulisya.
Sa ilalim ng programa, namamalagi ang drug dependents sa Saklay Center mula 30 hanggang 45 na araw, upang dumaan sa rehabilitasyon, mga intervention, at skills training. Mga 300 na recovering drug users na ang nagtapos sa programa, at nasa ilalim naman ng aftercare program, kung saan binabantayan ang kanilang rehabilitasyon matapos makauwi sa kanilang pamilya at pamayanan.
Sa kaniyang mensahe, pinakiusapan din ni Robredo ang kapulisan at ang militar na tumulong sa pagpapagaling ng mga recovering drug users, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pakiramdam na sila ay ligtas.
“Sa atin pong kapulisan, sa ating kasundaluhan: sa inyo po kami huhugot ng pag-asa,” she said. “Alam po namin na mas marami iyong matitino. Alam po namin na mas marami iyong bukas ang puso sa mga kasama niyo,” aniya.
Para naman sa mga nagtapos, sinabi ng Bise Presidente na sana ay “huwag sayangin” ang pangalawang pagkakataon na naibigay sa kanila, at patuloy na pagbutihin ang sarili.