This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Talumpati ni Vice President Leni Robredo sa General Trias Youth Leaders’ Summit

    14 December 2016

    Lyceum of the Philippines University (LPU), Bayan ng Cavite

    Isang karangalan ang makasama kayong lahat ngayong hapon. Natutuwa akong malaman na napakarami nating youth leaders na handang mag alay ang kanilang pawis at panahon, talino’t dedikasyon – makapagsilbi lamang sa mga susunod pang henerasyon.

    Alam po nating bantog ang ating lalawigan ng Cavite sa kanyang mga bayani, at harinawa’y sa pagtitipong ito, patuloy ninyong bigyang-pugay ang kanilang pag-aalay at pagsasakripisyo.

    Hindi niyo po naitatanong, halos kalahati ng aking staff ay mga bata pa. Pag kayo ay bumisita sa aking opisina, bukas ang aming opisina, hindi niyo mabibilang sa isang kamay ang makikita niyong matatanda.

    Siguro ako po ang pinaka matanda doon. Siguro ang average po ng edad ng staff ay nasa less than 30, lahat talaga, halos lahat sila, mga bata.

    Kung kaya naman may ituturing pa na marami sa kanila ay gaya ninyong mga millenials. Katulad ninyo, aktibo rin sila sa social media at mulat sa dulot na ginhawa ng teknolohiya. Ako po, matanda na po ako pero active pa rin ako sa social media.

    Sa halos anim na buwan naming pagsasama, nakita ko kung papaanong buong puso at bukas-palad nilang pinaglilingkuran ang ating bayan. Binibiro ko nga po ang aking mga staff, kasi mula’t 7AM nasa opisina na, pag umaalis ako ng opisina, 10PM o 11PM na nang gabi, nandoon pa sila.

    Paminsan may naiiwan ako, babalik ako halos midnight na, nandoon pa rin sila, nagtratrabaho. Kaya sabi ko po pag sila ay nawalan ng love life, kasalanan ko iyon lahat. Kasi lahat ng oras at panahon, nasa pagsisilbi sa bayan.

    Alam po natin na kakaiba ang panahong ito. Ang kasaysayan ay pilit binibihisan at ang karapatang-pantao ay tila isinasantabi’t iniismidan na lamang. Napapansin ba ninyo na ba sa kabataan humuhugot ng tapang ang ating bayan ngayon?

    Sa isang panahon na tilang walang imik iyong maraming matatanda gaya namin, ang mga malalakas na loob iyong mga kabataan. Hindi mo matatawaran ang alab ng iyong damdamin.

    Tunay nga: kung may isang bagay na pumupukaw sa sambayanang Pilipino ngayon ay ito – ang masidhing pagnanais ng kabataang Pilipino na baguhin ang mundo at magsilbing liwanag sa dilim.

    Sa gitna ng takot at kawalan ng pag-asa, patuloy nawa kayong maghangad ng isang magandang Pilipinas. Ng isang bansa na isinusulong ang katarungan at pagkakapantay-pantay. Ng isang bayan na hindi nalilimutan ang mga aral ng nakaraan. Ng isang pamahalaan na pinangangalagaan ang buhay ng walang laban, maging ang mga minsang naligaw ang landas.

    Sinasabi nila na ang panahon ng kabataan ay panahon ng pagsubok sa mga bagong bagay, ng pagtataya sa pag-ibig, ng paghahanap ng inspirasyon.

    Naalala ko pa noong ako’y estudyante pa lamang nang aking makilala ang mga taong babago sa aking buhay. Sophomore ako noon sa UP College of Economics – nang pumutok ang balita ng pagpaslang kay Ninoy Aquino sa airport. May kung anong pumukaw sa aming mga damdamin nang una naming makita ang mga litrato ng duguan niyang katawan sa tarmac. Ngunit imbis na pangunahan ng kaba, pinaghugutan ito ng isang buong bayan ng tapang upang magtipon at umaksiyon.

    Malinaw ang naging mensahe noon para sa amin: kailangan nang wakasan ang mapang-aping rehimen. Kailangan nang marinig ang sigaw ng taumbayan.

    Kaya lang, nagpasimuno noong mga panahong iyon ang administrasyon ni Marcos ng isang agresibong information campaign upang ipalabas na ang bansa ay nasa rurok ng kaunlaran.

    Ipininta nila ang isang maganda at booming na ekonomiya. Golden age sa isang Bagong Lipunan. Ngunit batid ng marami na ito ay isang malaking kasinungalingan.

    Sa loob mismo ng aming mga silid-aralan, nanguna ang aming mga guro sa pakikipaglaban. Pinagpasa-pasahan namin ang isang white paper na inilantad ang mga kabulaanang nilikha ni Marcos. Dito kami namulat at natutunong magtanong. Magsiyasat, mangalap ng impormasyon, at mangarap nang dilat.

    Sa panahon na ang pagsasalita laban sa gobyerno ay maaari ikapahamak ninuman – ang katapangang ipinamalas ng aming mga guro ay nag-iwan ng matinding marka sa aming mga kabataan.

    Aming napagtanto: totoo ngang may kapangyarihan ang sinumang nasa panig ng katotohanan. Kung hindi dahil sa white paper na iyon, kung hindi dahil sa mga patagong pag-oorganisa ng student leader noon, sa mga tahimik na pagmi-miting ng student orgs sa di-oras ng gabi, sa magmamartsa at pagwewelga sa kalye, sa mga dula at pelikulang pulitikal, sa pagsulpot ng alternatibong media at mosquito press, ito po ang tawag noon sa patagong media – matagal na sanang naibaón sa limot ang kalayaang matagal nating ipinaglaban.

    Kung walang nagtangkang sumalungat sa naghaharing sistema, hindi sana nagyabong at bumulaklak ang ating demokrasya. Kung hindi tayo umusal ng pagtutol – ’di sana’y pinamumunuan pa rin tayo’t tumatalima sa isang diktador.

    At sa bawa’t pagkakataon tila namumuong muli ang mga ulap ng dilim, panahon ito na tayo ay muling magmatyag at magbantay. Nakita natin ito noong patagong paglilibing kay Ginoong Marcos ay isang tawag para sa kabataang Pilipino na manindigan muli.

    Sa loob ng nakaraang tatlong dekada, nakita natin kung papaanong pilit na kinikitil ng korupsyon ang ating idealismo, kung papaanong ang ating mabubuting hangarain ay binabahiran ng pag-aalinlangan, at ang tama ay binabaluktot upang pagsilbihan ang nasa kapangyarihan.

    Sa gitna nito – manatili nawa kayong matatag at matapang.

    Huwag sana kayong magsasawang mangarap para sa ikabubuti ng bansa.

    Mahalaga ang inyong mga pangarap: ito ang susi sa ating pag-usad. At sa pag-unlad ng ating bansa, wala nawa kayong ihuli at iwanan – lalong-lalo na silang matagal nang nakalimutan sa laylayan ng ating lipunan.

    Ngayong nahaharap muli tayo sa isang sangandaan – kinakailangan ng sambayanang pumili. Hindi batay sa kung sino ang mas malakas na panig, hindi sa kung kaninong partido ang nasa poder.

    Hindi sa kung kanino tayo may pinagkaka-utangang pabor.

    Tandaan ninyong walang pinipiling kulay, ideolohiya, o pulitika ang katotohanan.

    Ang pagiging bayani sa ating panahong ay walang pinipiling edad. Hindi ito naka-depende sa yaman ng pinagdaanan sa buhay o lalim ng pinaghuhugutan. Sapagkat minsan: kung sino pa ang bata at baguhan, siya pa ang marunong makipaglaba at manindigan.

    Minsan ko na itong nabanggit, at uulitin ko itong muli. “Bilang mga magulang niyo, aaminin ko sa inyo kung gaano kahirap, kung gaanong kabagsik ang pakikibaka at pakikipaglaban sa tiwaling asal.

    Pero sasabihin ko din sa inyo ang sekreto ng tagumpay: Hindi tamang tagumpay ko, pero tagumpay nating lahat.

    Magtiwala lang po tayo. Magtiwala sa taong-bayan.

    Manalig na kapag natulungang umangat ang ordinaryong Pilipino, ang ordinaryong mamamayan, sila na mismo ang maggagarantiyang iiral ang matino at mahusay na pamamahala.”

    May mga araw na pangungunahan kayo ng takot, pag-aalinlangan at paminsan, kawalan ng pag-asa. Ngunit huwag sana kayong panghihinaaan ng loob.

    Lagi niyong iisipin na anumang pagsubok ay kaya natin itong malampasan.

    Kinakailangan niyo lamang magtiwala at manalig – na sa dulo ng lahat ang tama at mabuti ang siyang laging mananaig.

    Muli, maraming salamat at sa pagiimbita sa akin ngayong hapon, at mabuhay ang kabataang Pilipino!

    Posted in Speeches on Dec 14, 2016