Mahal kong mga Kababayan,
Assalamualaikum. Madayaw ug Maayong Adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.
Nakikiramay po ako sa mga pamilya ng mga biktima ng pagsabog ng bomba sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City nitong araw ng Linggo.
Kasabay nito ay ang ating mahigpit na pagkondena sa nangyaring pagpapasabog at sa mga tao o grupo na nasa likod nito.
Ang mga nasawi at mga sugatan ay mga sibilyan. Nakakabahala na ito ay nangyari sa loob ng MSU compound sa isang Katolikong pagdaraos ng misa — sa isang bahagi ng bansa na may mahaba at madugong karanasan sa terorismo.
Isa itong gawaing mapangahas ngunit malinaw rin sa atin na isa itong karuwagan.
Nananawagan ako sa lahat ng mga Pilipino, lalo na sa mga Mindanaoan, na maging mahinahon habang nagsasagawa ng imbistigasyon ang mga otoridad.
Gayunpaman, kailangan rin nating maging maingat at maging mapagmatyag upang mapigilan natin ang mga maaaring susunod pang atake sa mga sibilyan.
Alalahanin natin ang ating mga tagumpay para itaguyod ang kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa.
Noong 2016, ilang sibilyan din ang nasawi sa pagsabog ng bomba sa Roxas Night Market ng Davao City habang ako ay mayor.
Alam natin ang takot at sakit na dala ng karumaldumal na gawaing ito.
Dapat ay maging matatag tayo sa harap ng mga hamon at patuloy na banta ng terorismo.
Huwag nating hayaan na magtagumpay ang kasamaan laban sa bayang nagkakaisa para sa kapayapaan.
Shukran.