This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Pilipinong May Lakas, Talino at Buhay

    Speech at the Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa

    SMX Convention Center, Pasay City

    Thank you very much. Kindly take your seats.

    Mayor Jaime Fresnedi; Councilor Stephanie Teves; Dr. Elena Fresnedi, OIC President of the Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun); Dr. Teresita Fortuna, PLMun Vice President for Academic Affairs; Dr. Reynaldo Samson, President of the MPC-PLMun Alumni Association; mga dekano ng iba’t ibang mga kolehiyo; mga miyembro ng University Board of Regents; Lt. Col. Louie Aguinaldo, Infantry, Philippine Army, PLMun University ROTC Commandant; mga guro at kawani ng PLMun; mga magulang; ang ating mga magsisipagtapos; mga kapwa ko lingkod-bayan; mga minamahal kong mga kababayan: Magandang umaga sa inyong lahat! [applause]

    Bago po ang lahat, nais ko pong magpasalamat sa inyong paanyaya para makasama kayo sa napakahalagang araw na ito. Umpisa ngayon ng isa na namang bagong kabanata ng inyong buhay. Kaya sa ating mga magsisipagtapos: Congratulations sa inyong lahat! [applause]

    Alam kong hindi naging madali ang inyong pinagdaanan para marating ang tugatog ngayon ng inyong tagumpay. Kayo ang patunay na sa sipag, tiyaga, at sapat na determinasyon, kaya nating tuparin ang ating mga pangarap.

    Hindi rin magiging posible ang pagdiriwang natin ngayon kung wala ang suporta ng inyong pamilya, mga kaibigan, at mga guro—sila na inyong naging sandigan at katuwang sa mga hamon sa araw-araw. Lalo na sa mga kasama nating mga magulang ngayon: batid po naming lahat ang inyong sakripisyo para makapag-aral ang inyong mga anak. Sa mahal ng bilihin at pamasahe, dagdag pa ang baon at school supplies, ramdam po natin na kahit pa na nag-o-overtime ay hindi na sapat para sa ating pamilya. Kaya’t ang araw na ito ay para sa inyo rin. [applause] Ang tagumpay ng inyong mga anak ay tagumpay niyo rin.

    Higit pa sa pagiging isang araw ng selebrasyon, ngayon ay isang araw din ng pasasalamat. Sa paghahanda natin sa mga darating pang bukas, sana ay kunin rin ninyo itong pagkakataon upang balikan at ipagpasalamat ang mga biyayang ating natanggap. Ngayong umaga, napapaligiran tayo ng mga taong hindi tayo kailanman iniwan, sa hirap man o ginhawa.

    Pagkakataon ito upang muli nating balikan kung saan lahat nag-umpisa: Bakit nga ba ninyo pinili ang inyong mga kurso? Ano ba ang nagtulak sa inyo para pasukin ang larangang ito? At para kanino kayo lubos na nagpapasalamat sa paglalakbay na ito? Sa mahabang panahon na nandito kayo sa PLMun, ito na ang inyong naging pangalawang tahanan at kanlungan. Ngunit ngayon, kailangan na nating magbitaw at lumundag, para tuparin ang mas malaki at mas matatayog pa nating mga pangarap.

    Naniniwala ako na malaki ang inyong maiaambag sa ating bansa. Tatak na ng inyong lungsod ang mga katagang: lakas, talino at buhay. Sa pagtahak natin ng bagong landas, bukas at sa mga susunod na araw, sana’y isapuso natin ang mga katagang ito. Ito ang magsisilbing gabay at paalala, saanman kayo pumunta: na ang bawat isa sa atin ay may sapat na lakas, galing, at husay, para ialay ang ating buhay para sa iba—para sa mga bagay na mas higit pa sa atin.

    At naniniwala akong hinanda kayo ng PLMun sa susunod ninyong paglalakbay. Higit pa sa itinuro sa inyo sa inyong mga klase, hinasa rin kayo na maging handang makipagsabayan sa iba, sa loob man o sa labas ng bansa. Hinubog at sinanay kayo na maging mga propesyunal na may husay at puso sa lahat ng inyong ginagawa.

    Ngayon, nakaatang na rin sa inyo ang responsibilidad na higit pang pagyamanin ang mga tinuro sa inyo ng inyong mga magulang at inyong mga guro. Sa inyong paglabas sa bulwagang ito, kayo na ngayon ang pinagmamalaking produkto ng Muntinlupa, mga tanglaw ng pag-asa. [applause] Ehemplo na kayo ngayon para sa iba pang mga mag-aaral, para sa inyong komunidad, na nagagawang posible ang imposible—basta’t mayroong sipag, tiyaga, at tiwala sa sarili.

    Kami mismo sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay naniniwala na ang pag-asa ay may kapangyarihang magbigay ng lakas at inspirasyon sa ating lahat. Sa katunayan, isa sa aming mga programa ay ang Istorya ng Pag-asa, kung saan naghahanap kami ng mga Pilipinong may mga natatanging kuwento. Mga kuwento ng paghihikahos at pagpupunyagi; mga kuwento ng araw-araw na kabayanihan sa harap ng mga kahirapan ng buhay. Ito ang mga kuwento ng ordinaryong Pilipino na nagpakita ng lakas ng loob at katatagan sa kabila ng pinagdaanang hirap sa buhay, at ngayon ay nagsisilbing inspirasyon para sa ating lahat.

    Isa na dito ang kuwento ni Ave, na nanggaling sa isang napakahirap na pamilya sa Masbate at maagang naulila sa ina.

    Dahil sa kapos sa pera, at para lang makapagpatuloy ng pag-aaral, namasukan si Ave sa napakamurang edad bilang kasambahay ng kaniyang mga guro. Ito ang tumulong sa kaniya para makapagtapos ng high school.

    Naging scholar siya noong college, ngunit dahil tuition lang ang libre, nagtrabaho siya bilang janitress sa kaniyang paaralan para lang may makain siya araw-araw at may matirahan. Janitress siya sa araw, estudyante sa gabi. Sabi niya, madalas ay may hawak siyang notebook sa isang kamay, nag-aaral habang naglilinis ng banyo ng eskuwelahan. Sa gitna ng hirap, nakapagtapos si Ave ng college at nakahanap ng trabaho bilang court stenographer.

    Dahil sa kaniyang trabaho, na-engganyo siyang kumuha ng abogasya, kaya nag-enroll siya sa College of Law habang patuloy na nagtatrabaho. Kaya naging court stenographer siya sa araw at law student naman sa gabi.

    Pagkatapos grumaduate, pumasa siya ng Bar exams at naging mahusay na abogado. Ngayon, si Ave ay isa nang judge—siya na ngayon si Judge Ave Alba ng Municipal Trial Court ng Daraga, Albay. [applause]

    Ang susunod ko sa inyong kuwento, si Aling Charing, isang street cleaner doon sa amin sa Naga. Single parent po siya na may limang anak. Dahil sa paglilinis sa kalsada, napaaral niya ang lahat na mga anak. Noong nakapagtapos na ang mga ito, naisip ni Aling Charing na siya naman ang bumalik sa paaralan.

    Sa umaga, walis ang hawak ni Aling Charing para sa kabuhayan. Siya po iyon, iyong nasa screen na iyon. Sa gabi, libro naman ang hawak niya. Kumuha siya ng night classes para makapagtapos ng high school. Grumaduate siya sa edad na 50 years old—ang pinakamatanda sa kanilang batch.

    Hindi pa dito natapos ang kuwento ni Aling Charing. Nag-enroll pa siya sa kolehiyo. Sa edad na 54, grumaduate po siya—isang patunay na walang imposible sa pagsisikap at pagtitiyaga. Dahil nakapagtapos na siya ng college, na-promote na siya: mula pagiging street cleaner sa kaniyang bagong trabaho sa City Assessor’s Office.

    Sa kabila ng hirap ng buhay, hindi nagpatalo si Judge Ave at si Aling Charing. Alam kong alam ninyo ang mga kahirapan ng buhay ngayon—mula sa mataas na presyo ng bilihin, mga kailangang bayaran sa bahay, mga pangmatrikula. At minsan, marahil nawawalan tayo ng pag-asa; na wala na tayong kalaban-laban sa kahirapang ito. Ngunit magsilbi sanang huwaran si Judge Ave at si Aling Charing sa ating lahat ngayon, na ginamit nila ang kanilang lakas, pagtitiyaga, at determinasyon upang malagpasan ang pinakamalupit na unos ng buhay.

    Lahat tayo dito, may kuwento ng kahirapan na pinagdaanan. Ngunit ngayong araw—ang inyong pagtatapos sa kolehiyo—ay kuwento ng pag-asa para sa marami nating mga kababayan. Ang ilan sa atin, marahil kapareho ng kuwento ng pagsubok nina Judge Ave at Aling Charing. Ang iba siguro, mas higit pa ang pinagdaanan na hirap bago marating ang araw na ito. Ngunit ang kanilang halimbawa ang dapat na magpapaalala sa atin ng ating pinaglalaban, at bakit natin kailangang magpatuloy sa mga ginagawa natin. Tayo ang nagsisilbing inspirasyon sa isa’t isa na magpatuloy lumaban at magpunyagi. Iba-iba man ang ating pinanggalingan, magkakasalungat man ang ating mga pinapaniwalaan, buhay na buhay sa bawat isa sa atin ang lakas, katatagan, at liwanag ng pag-asa.

    Pagdating ng panahon, marahil marami sa inyo ay papasok na sa iba’t ibang propesyon: pagiging titser, abogado, pulis, accountant, o manunulat. Ang ilan, baka pasukin pa ang pagnenegosyo, o siguro ang pulitika. Saan man kayo dalhin ng tadhana, sana ay ibahagi ninyo ang lakas, talino, at husay na ipinabaon sa inyo ng pamantasang ito. Huwag ninyong kalimutan ang lahat ng inyong pinagdaanang hirap at sakripisyo, dahil ang mga ito ang magpapatatag ng inyong paninindigan.

    Ngayon ang unang araw ng inyong paglalakbay tungo sa isang napakagandang buhay—isang buhay na sana ay ialay rin ninyo para sa inyong kapwa, para sa Muntinlupa, at para sa ating mahal na bayan.

    Mabuhay kayo, Class of 2018! Congratulations! Maraming salamat sa inyong lahat! [applause]

    Posted in Speeches on Jun 25, 2018