Search

PAHAYAG PATUNGKOL SA MGA DONASYON PARA SA BUDGET NG OVP

Mga Kababayan,

Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong kabutihang-loob at hangaring magbigay ng mga donasyon bilang suporta sa Office of the Vice President (OVP). Maliban sa nakakataba ng puso, isa rin itong patunay ng inyong dedikasyon sa ating mga adhikain.

Subalit sa pinsalang dala ng bagyong “Enteng”, hinihikayat namin na kung may nais kayong i-donate, nawa’y ito’y ibigay na lamang sa mga kapwa nating kababayan na kasalukuyang lubos na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha. Malaking bagay ang anumang tulong upang maibsan ang kanilang pinagdadaanan at makabangon muli.

Kasabay pa nito, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin, nais rin naming ipabatid na higit na mahalaga ang unahin ninyo ang inyong mga sariling pangangailangan at ang kapakanan ng inyong pamilya. Nauunawaan namin ang mga hamon na hinaharap ng bawat isa, at naniniwala kami na ang inyong mga pinagkukunan ay mas marapat gamitin para sa inyong kapakanan sa panahon ng ganitong mga pagsubok.

Ang inyong patuloy na suporta at tiwala sa aming mga programa ay labis naming pinahahalagahan. Mananatiling tapat ang aming Tanggapan sa paglilingkod sa inyo at sa pagtugon sa mga isyung mahalaga sa ating bansa.

Muli, maraming salamat sa inyong walang kapantay na suporta at kabutihang-loob.

SARA Z. DUTERTE Vice President of the Philippines