Sa araw na ito, tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalilipas, nagkaisa ang sambayanang Pilipino sa pagpapatalsik ng isang diktador, para muling ibalik ang kalayaan at demokrasya sa ating bansa.
Sa pagkilos na ito, nagkaisa ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan — mga estudyante at propesyonal, manggagawa at negosyante, seminarista at sundalo, mayaman at mahirap, babae, lalake, at LGBT, kabataan at nakakatanda, laking Maynila at gaya kong tubong probinsiya. Sa loob ng apat na araw noong Pebrero 1986, naisantabi natin ang ating mga pagkakaiba, at nagkaisa tayo bilang sambayan para ipaglaban ang kalayaan.
Ang diwa ng Edsa ay hindi lamang para alisin ang isang mapang-abusong pangulo at ang kanyang gobyerno. Malaking bahagi din nito ang ating kolektibong pangarap na magkaroon ng isang lipunan kung saan ang yaman at kapangyarihan ng ating bansa ay para sa ikabubuti ng lahat. Isang bayan kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong mamuhay nang makabuluhan at matiwasay, anuman ang kanyang kasarian, estado sa buhay, o opinyong pulitikal. Isang bansa kung saan ang bawat malayang Pilipino ay maaaring mabuhay na may dangal.
Nanatiling buhay ang pangarap na ito, mahigit na tatlong dekada matapos ang People Power Revolution.
Ang pangako at pangarap ng EDSA ay hindi pa rin nabibigyan ng buong katuparan hanggang ngayon. At may mga pagkakataong hindi natin maiwasang panghinaan ng loob at isiping hindi na ito matutupad – lalo’t sa mga panahong tila napapanganib ang kalayaang ating natamasa.
Naipamalas na natin ang kapangyarihan ng nagkaisang Pilipino. Kaya buo ang loob ko: habang buhay sa ating mga puso ang diwa ng EDSA – ang pagkakaisa, katarungan, at pagsasaalang-alang sa kabutihan para sa nakararami – kaya nating makamit ang ating mga pangarap. Naniniwala ako na kung patuloy tayong magpupursige, mananalig, at hindi mawawalan ng pag-asa –maisasakatuparan natin ang hangaring mamuhay nang may dangal ang bawat Pilipino.
Ngayong araw, sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, muli nating ipinagdiriwang ang tagumpay ng ating pagkakaisa. Sa Pangasinan at Pampanga, Cebu at Siargao, Quezon at Maynila, at dito sa amin sa Naga, sama-sama nating pinagliliyab muli ang diwa ng EDSA, at binibigyang-lakas ang ating patuloy na pagkilos para matupad ang pangako nito.
Maligayang Anibersaryo at Mabuhay ang Malayang Sambayanang Pilipino!