Ang pagraratipika ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ay isang makasaysayang tagumpay na dapat ipagmalaki ng lahat ng Pilipino, lalo na ng mga kapatid nating mula sa Mindanao.
Bantayan at suportahan natin ang patuloy na pagsulong ng prosesong ito, dahil hindi pa dito nagtatapos ang laban para sa kapayapaan.
Kailangan pang siguruhin ng pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang mga sektor, na maging pundasyon ang ratipikasyong ito sa pagpapalakas ng mga institusyong magdadala ng maunlad na ekonomiya at responsableng mga lokal na pamahalaan sa bagong tatag na Bangsamoro.
Sa matagal na panahon, marami marahil ang nagsabing mananatiling pangarap lamang ang kapayapaan sa Mindanao. Ngayon, pagkatapos ng ilang taon ng pagsisikap at pakikipag-usap, sakripisyo at paniniwala, sa wakas, ang pangarap na ito ay abot-kamay na rin natin.
Buong-buo ang aking pananalig na kapayapaan ang magdadala sa bawat mamamayan ng Bangsamoro ng magandang buhay.