Pagkatapos nang ilang buwan ng paulit-ulit na pagtanggi, tinanggap na ng liderato ng Bureau of Customs na may lamang shabu ang mga magnetic lifters na pinapasok nito sa bansa nung nakaraang Agosto. Sa wakas, sumangayon na rin si BOC Commissioner Isidro Lapena sa pahayag ng PDEA na ginamit ang mga lifters para magpasok ng tinatantiyang 11 bilyon pisong halaga ng shabu sa Pilipinas.
Ngayong malinaw na nakalusot ang ganito kalaking shipment ng shabu sa BOC, kailangang sundan na ito agad ng malalim at seryosong imbestigasyon ng lahat ng may kinalamang opisyal. Hindi sapat na ilipat lamang sa ibang opisina ang mga nagkulang sa kanilang tungkulin, dapat managot ayon sa takda ng batas matapos ang imbestigasyon.
Ang malakihang pagpasok ng shabu sa bansa ay ang mas malaking panganib na dapat sugpuin ng pamahalaan sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga. Kahit gaano pa kabagsik ang pagpapatupad ng “war on drugs,” kung tuloy ang pasok ng shabu sa Pilipinas, lalo na’t kung nailulusot ito sa BOC, hindi matatapos ang problema natin sa droga.
Simple lang naman dapat ang ating susunding polisiya: Kung walang drug supply, walang drug addict. Umaasa tayo na kikilusan agad ng pamahalaan ang isyung ito.