Masugid akong sumusuporta sa panawagan ng COMELEC na ibalik ang batas laban sa maagang pangangampanya o premature campaigning.
Matapos maisabatas ang RA 9369, idineklara ng Korte Suprema sa kaso ng Penera v COMELEC na wala nang pagbabawal sa maagang pangangampanya. Dahil sa desisyong ito, nakikita natin na halos isang taon bago mag-eleksyon, laganap na ang mga billboard, tarp, at mensahe sa TV at radyo, ng mga nagbabalak kumandidato.
At magmula dito, lalong naging magastos ang pagtakbo. Nakalalamang din ang mga kandidatong kayang gumastos ng malaki para sa kampanya, lalo na’t hindi nababantayan ng COMELEC ang gastos bago magsimula ang opisyal na kampanya, 90-araw bago ang eleksyon.
Ang pagpigil muli sa maagang pangangampanya ay kailangan para maging mas patas ang pagtakbo.
Nanawagan ako sa ating Kongreso na dinggin ang panawagan ng COMELEC, at muling ibalik ang batas laban sa maagang pangangampanya.