Ang 6.4% inflation rate noong Agosto ay kumpirmasyon sa ating matagal nang babala: patuloy ang pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas kung walang epektibong hakbang mula sa pamahalaan at lalong bibigat ang pang-araw-araw na pasanin ng mga pamilyang Pilipino dahil dito.
Lalo nating pinaiigting ang nauna na nating panawagan sa administrasyon na hanapan ng agarang solusyon ang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino. Kabilang ang gutom at kahirapan – na parehong pinalalala ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin – sa mga malalim na problemang hinaharap natin sa bansa; at ito ang dapat na bigyan ng tutok ng ating gobyerno sa lalong madaling panahon.
Nananawagan tayo sa gobyerno na itigil ang pagmamaliit sa epekto ng inflation, at sabihing isa ito sa mga tanda ng paglago ng ekonomiya. Walang katuturan ang paglago ng ekonomiya kung hindi natatamasa ng mga nasa laylayan ang bunga nito. Hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang pasanin ng ating mga kababayan, lalo na ang mga naghihirap. Ang presyo ng mga pagkain at inumin ang pinaka-nagtaas at ang mga ito ang pangunahing pinagkakagastusan ng bawat pamilya.
Sa panahon kung saan ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan ang nakataya, lugi ang taumbayan kung lulustayin lamang ang kapangyarihan sa mga hakbang na nagdudulot ng pagkakawatak-watak, tulad ng pagwalang-bisa sa amnestiya ni Senador Trilllanes, kaysa gamitin ito para magpatupad ng mga totoong solusyon.
Ang kailangan ng taumbayan ngayon ay ang pagtutulungan ng mga nasa gobyerno sa pagtugon sa mga probema: ang stabilisasyon ng ating suplay ng bigas, sa pamamagitan ng pagluklok ng isang mapagkakatiwalaan at mahusay na pamunuan sa NFA; ang pagsusuri muli sa excise tax sa gasolina at sa mga nakaambang pang pagdagdag; at ang pagtitiyak na sapat ang mga unconditional cash transfers na nakasaad sa batas, at tiyakin na lahat ng mga nararapat na benepisyaryo ay makakakuha na ng ayuda. Sa umpisa pa lamang, dapat naikasa na ang mga ayudang ito para sa kapakanan ng mga pinaka naaapektuhan ng pagtaas ng mga bilihin.
Hindi na uubra ang mga salita na lamang upang isantabi ang mga tunay na hinaing ng ating mga kababayan – aksyon na epektibo at may malasakit ang inaasahan ng taumbayan mula sa kanilang mga pinuno.
Sa halip na patahimikin ang mga taong pumupuna ng mga pagkukulang nila, gamitin sana itong pagkakataon ng administrasyon na patunayang kaya nilang pababain ang presyo ng mga bilihin. Walang makikinabang sa patuloy na pamumulitika, lalo na ang ating mga kababayang ramdam nang lubos ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang kailangan ng bansa ngayon ay isang gobyernong nagtatrabaho para sa interes ng nakakarami, at hindi sinasayang ang kapangyarihan at kaban ng bayan para manindak ng mga kalaban.