Mga kababayan, ang black propaganda ay maruming bahagi ng politika at gagamitin itong sandata laban sa akin ng mga taong nangangarap na makita tayong bigo sa pagtupad ng ating sinumpaang tungkulin sa bayan.
Nagiging mas matindi, mapangahas, at desperado na ang mga paninira sa akin ngayon. Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord.
Makikita natin ito sa pag atake sa confidential funds, pagpapalaganap ng video sa Commonwealth traffic, paggawa ng issue sa pagtatag ng security para sa opisina ng Bise Presidente, paglabas ng testigo na umanoy ako ay kaparte ng Davao Death Squad, sa malisyosong ulat tungkol sa aking mga baril, at ang pambabastos sa relasyon namin ng aking asawa.
Kamakailan lamang ay nagsusulputan din ang mga online scam sa pera sa social media katulad ng scholarship o pabaon program para sa mga mag-aaral.
Sinisiraan ako para pagdudahan, pahiyain, at panghinaan ng loob. Nais nilang isuko ko ang aking sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan. Ayaw nilang magtagumpay tayo para sa edukasyon ng mga batang Pilipino at para sa kanilang kinabukasan na nanganganib sa kamay ng korapsyon, kriminalidad, iligal na droga, at terorismo.
Taliwala niining tanan, daghang salamat sa inyong padayon nga suporta ug pagmahal. Magpadayon ko sa akong trabaho para sa kaayuhan sa nasud.
Salamat sa inyong patuloy na suporta sa aking mandato na itaguyod ang pag-angat ng antas ng edukasyon ng ating mga kabataan. Salamat po sa inyong mga dasal.
Tandaan po natin na ang mga paninirang ito ay nagkukubli ng mga personal at politikal na interes. At ang mga ito ay hindi ninyo interes, hindi interes ng bayan, hindi ito interes ng Pilipinas.
Sara Z. Duterte Vice President of the Philippines Secretary of the Department of Education