Search

Pahayag: January 31, 2024

Mga kababayan, Assalamualaikum.

Taos-puso po akong nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang patuloy na tiwala at kompyansa sa akin bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Mahalaga ang kanyang pagkilala sa papel ng lahat ng bumubuo ng Department of Education sa pagsulong ng 8-point Socioeconomic Agenda ng Marcos administration para sa isang Bagong Pilipinas.

Nagpapasalamat din ako kay Apo BBM sa kanyang paggalang sa aking mga paninindigan.

Katulad na lang ng aking pagtutol sa “Pera kapalit ang pirma sa People’s Initiative” dahil insulto ito sa kahirapan ng ating mga mamamayan at paglabag sa kanilang karapatang magpasya ng malaya. At sa halip na charter change, lutasin muna natin ang kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho at hanap-buhay, seguridad at marami pang ibang isyu na pasan-pasan ng mga Pilipino.

Ang paggalang ay isang natatanging asal na ipinakita ng Pangulo sa ating lahat, kung kaya’t galangin din sana natin ang opinyon at paniniwala ng ibang tao, kasama na ang ating mga kamag-anak.

May respeto ako sa mga pananaw at opinyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pati na ng aking mga kapatid. Ngunit, katulad ng posisyon ko sa maraming mga isyu, hindi kailangan na sumasang-ayon ako sa lahat ng mga ito. Pinalaki ako ng aking mga magulang na may pagpapahalaga sa malayang pag-iisip at pagpapasya.

Para sa akin, laging nangunguna ang katapatan ko sa paglilingkod sa bayan.

Uunahin ko ang edukasyon ng ating kabataan at kapayapaan ng bayan.

Uunahin ko ang Pilipinas.

Shukran.