Search

Pahayag: January 19, 2024

Mga kababayan, ang isinasagawang “Pera kapalit ng pirma para sa People’s Initiative” ay patuloy na nangyayari araw-araw sa siyudad ng Davao at sa iba pang bahagi ng bansa.

Isa itong repleksyon ng pagkahilig ng mga politiko na bumili ng boto tuwing eleksyon.

Ito ay pagsasamantala sa kahirapan ng ating mga mamamayan at kawalan ng respeto sa kanilang karapatan na magdesisyon nang malaya, walang takot, o impluwensya gamit ang salapi.

Usa kini ka pagpanamaytamay sa dignidad sa mga yanong katawhang Pilipino.

Sinasalamin din nito ang kawalan ng pakialam ng mga politiko sa tunay na kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino.

Para sa mga Pilipino, alalahanin din natin na maaaring ang sukli sa suhol kapalit ng pirma sa people’s initiative ay may seryosong konsekwensiya sa ating buhay, kalayaan, at kinabukasan.

Ang patuloy na pagsulong sa people’s initiative at charter change, sa kabila ng laganap na kahirapan at kawalan ng katiyakan sa ating kapayapaan at kaayusan, ay masakit na palatandaan sa kabiguang matukoy ang tunay na mga problema ng mga Pilipino at solusyonan ang mga ito.

Bilang isang Mindanaoan, nababahala ako sa travel advisory na kamakailan ay inilabas ng pamahalaan ng Canada laban sa pagbyahe sa ilang bahagi ng Pilipinas — dahilan umano ng mga insidente ng krimen, terorismo, armadong sagupaan, at kidnapping.

Ang mas higit na nakakabahala ay ang mga pangamba na maaaring hudyat lamang ito ng parating na mas seryosong mga problema sa seguridad at kaayusan sa ating mga komunidad.

Sana ay unahin nating pag-usapan ang kapakanan ng mga Pilipino kaysa sa pagpapapasok sa mga dayuhan sa ating bansa. Unahin muna natin ang Pilipinas.

Ingatan po natin ang ating Saligang Batas.

Shukran.