Mariin po nating kinokondena ang pananambang sa government physician na si Dr. Sharmaine Ceballos Barroquillo noong Pebrero 3, 2024.
Walang sinuman sa atin, lalo na ang mga responsableng mamamayan at kawani ng pamahalaan na katulad ni Dr. Barroquillo na tunay na naglilingkod sa mga Pilipino, ang dapat na dumanas ng karahasan sa kamay ng mga kriminal.
Ang nangyari sa kanya sa Buluan, Maguindanao ay isa lamang sa mga insidente ng karahasan sa buong bansa na sumasalamin sa estado ng seguridad at kaayusan ng bansa.
Sana ay hindi tayo tumigil hanggang mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Dr. Barroquillo at managot ang mga gumawa nito sa kanya.
Ang ating panawagan ay tiyakin ng mga responsableng ahensya ng pamahalaan na ligtas ang ating mga mamamayan laban sa banta ng mga kriminal, terorista, at iba pang pwersa na nagnanais na takutin ang ating mamamayan at pahirapan ang ating bansa.
Magtulungan po tayo at huwag nating hayaang maghari ang mga kriminal sa ating mga komunidad.
Tandaan natin na sa peace and order nakasandal ang ating kalayaan at ang kaunlaran ng ating bansa.
Shukran.
Sara Z. Duterte Vice President of the Philippines Secretary of the Department of Education