March 08, 2024
Mga kababayan, Assalamu Alaykum!
Magandang pagkakataon ang International Women’s Day at National Women’s Month upang ipagmalaki at ipagdiwang natin ang mga kahanga-hangang kontribusyon ng mga kababaihan sa ating pagsulong bilang isang malayang bansa.
Para sa atin, dapat ay laging may puwang, oportunidad, o kalayaan ang mga kababaihan para magpasya at ipakita ang kanilang kakayahan, dunong, lakas, at mga taglay na katangiang mahalaga sa ating buhay.
Ngunit panahon din ito upang tukuyin at pag-usapan pa nating muli ang mga sanhi ng kasawian at hirap ng mga kababaihan — katulad ng karahasan at trahedya.
Isaisip natin si Dr. Sharmaine Baroquillo na isang kawani ng pamahalaan na biktima ng karahasan at ang abogadang kasapi ng New People’s Army na namatay sa Bohol habang pinaglalaban ang bulok na ideolohiya ng terorismo at pagpapabagsak sa pamahalaan.
Nariyan din ang mga ina ng mga kabataang inarmasan at biktima ng panlilinlang ng NPA na hanggang ngayon ay nawawala o di kaya umuwi nang wala ng buhay.
Huwag din nating kalimutan ang mga ina, asawa, o kapatid ng mga pulis at sundalong nagbuwis ng buhay para matiyak lang na ligtas tayo at ang ating bayan.
Marami tayong magagawa para sa mga kababaihan.
Makiisa tayo sa mga biktima. Isulong natin ang sapat at angkop na edukasyon para sa publiko. Tulungan ang mga grupong tunay na tagapagtanggol ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan. Suportahan natin ang mga batas para sa kababaihan.
At bilang mga pamilya, tandaan po natin na pundasyon ng isang ligtas, patas, at maunlad na lipunan ang ating mga tahanan.
Mga kababayan, patuloy tayong maging MATATAG tungo sa pagtaguyod ng isang Bansang Makabata at mga Batang Makabansa.
Ang lahat ng ginagawa natin ay para sa Diyos, sa Bayan, at bawat Pamilyang Pilipino.
Shukran.
Sara Z. Duterte Vice President of the Philippines Secretary of the Department of Education