This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Mensahe ni VP Leni Robredo sa Misa ng Taumbayan Para kay PNoy

    Mensahe ni VP Leni Robredo sa Misa ng Taumbayan Para kay PNoy

    Nakikiisa ako sa lahat ng kasama natin ngayong araw sa Misa ng Taumbayan para kay PNoy. Kasabay nito, inaalala rin natin ang anibersaryo ng pagpanaw ni dating pangulong Cory Aquino. Napakasuwerte natin  bilang sambayanan na magkaroon ng dalawang Pilipinong buong-pusong ibinigay ang sarili sa kanilang pamumuno. Ngayong araw, ginugunita natin ang mga buhay nila, at kinikilala ang lahat ng kanilang ginawa para sa atin. 

    Una kong nakilala si PNoy dahil kay Jesse. Sa mga kuwento ng asawa ko noong nabubuhay pa siya, parang nakilala ko na rin ang kaibigan niya: Simple, disente, masipag, makatuwiran. Dahil din sa pagkawala ni Jesse, lumalim ang pagkakakilala ko kay PNoy. Naramdaman namin ang suporta at pagkalinga niya sa amin, lalo na sa mga anak ko. Siya mismo ang namuno ng search and rescue para sa nawawalang eroplano, at siya mismo ang personal na nagbibigay sa amin ng updates tungkol sa operasyon. Siya mismo ang nag-uwi kay Jesse sa Naga matapos makita ang katawan niya. Hanggang sa noong nagpumilit akong makita si Jesse sa huling pagkakataon, nandoon siya; kasama ko sa loob ng embalming room, nasa likod ko noong hinawakan ko ang asawa ko sa huling pagkakataon, tahimik akong binibigyan ng espasyong magluksa. ‘Yung quiet, dignified presence niya, napakahalaga. Hindi siya nawala sa tabi naming mag-iina, kahit noong dinala ang mga labi ni Jesse sa Malacañang, hanggang sa iuwi at ilibing ito sa Naga. Lagi kong ipagpapasalamat ang suportang ibinigay niya sa amin noong panahon na iyon.

    Noong nasa Kongreso na ako, personal ko ring nasaksihan kung paano siya bilang pangulo. Totoo ‘yung mga kuwento ng staff niya: Kapag may meeting na kasama siya, kailangan lagi kang handa dahil mabusisi siyang magtanong. Mahirap makipagdebate sa kaniya, dahil memorized niya hanggang sa last digit ang mahahalagang numero at detalye. Pero dahil rin dito, naging madali ang trabaho. Mapa Agrarian Reform man, Bangsamoro Basic Law, o West Philippine Sea ang usapan—kampante kami dahil alam naming seryoso  siya sa trabaho at matibay na kahanay sa paniniwala.

    Bumalik lahat ng ito nang nawala si President Noy noong nakaraang buwan. At hindi ako nag-iisa sa malalim na pag-alala: Kung paanong pagkain ang love language niya—alam namin ito nina Aika, Tricia, and Jill, dahil pinapadalhan pa niya kami ng pagkain, miski noong private citizen na siya. Kung paano siya bilang mabait na kapatid at matalik na kaibigan. Kung paano siya bilang boss, ayon sa mga dating katrabaho niya sa gobyerno—mula sa kaniyang gabinete hanggang sa mga kabataang naging close-in staff niya. Maging mga ordinaryong mamamayan, nagbalik-tanaw sa kung paano niya iniangat sa ginhawa ang buhay ng karamihan. Kung paano niya tayo tinuruang mangarap muli.

    Iba-iba man ang pagkakilala natin sa kaniya, hindi maipagkakaila ang katotohanan: Mabuti, mahusay, at marangal siyang Pilipino. Naging tapat siya sa kaniyang tungkulin bilang pangulo. Itinuring niya tayong Boss.

    Narinig natin ito mismo mula sa kanya, at alam natin, hindi lip service ito, kundi tunay at malalim na pilosopiya na nag-uugat sa mismong pagkatao niya. He rolled up his sleeves and went to the frontlines kapag lindol o bagyo o kapag may gulo; nakipagpuyatan siya kasama ang staff at Gabinete; walang briefer na hindi niya sinuyod, dahil tayo ang boss niya. Walang wang-wang, dahil tayo ang boss niya. Ang pera ng taumbayan, napunta sa taumbayan lamang, dahil tayo ang boss niya. Never siyang nagbalandra ng pangalan sa mga billboard, never nagnakaw o nagsinungaling, at nanatili siya sa tuwid na daan, dahil tayo ang boss niya. He always carried himself with honor and dignity, dito man sa Pilipinas o kaharap ang ibang heads of state, dahil alam niyang his words and actions reflect who we are as a people. Tayo ang Boss niya.

    Ngayong araw, sa pag-alala natin sa buhay ng isang PNoy, humaharap din tayo sa mga tanong: Ano ang kaya nating gawin, dito at ngayon, para ipagpatuloy ang mga nasimulan niya? Ano ang posible pa nating makamit para maabot ang mas malalaki pa nating hangarin? Tayo ang boss—so how do we prove ourselves worthy na matawag na boss ng isang taong katulad niya? Paano tayo tutugon?

    Ang sagot, marahil, ay nasa bawat isa rin sa atin: Sa pagtugon natin, nasa araw-araw nating pagdesisyon at pagkilos—kung ano ang pinipili nating ipaglaban, kung paano tayo magkawanggawa at makipag-ugnayan, kung paano natin tinutulungan ang kayang tulungan. Ang sagot natin, nasa pagpapaalala sa isa’t isa na walang Pilipinong kailangang humarap sa anumang laban na mag-isa. Tayo—tayong lahat, bilang kolektibo, bilang isang bansang Pilipinas—ang boss ni PNoy, kaya ang tugon natin, nakaugat dapat sa mga pangarap na nagbibigkis sa atin: Isang mundo na mas patas, mas makatao at mas makatarungan, kung saan lahat nasisilungan, lahat naaaruga, lahat ipinaglalaban.

    Ito na rin siguro ‘yung pinakamagandang tribute na puwede nating ibigay kay PNoy: Ang mahanap ang lakas ng loob na tumindig at pandayin ang Pilipinas na pinangarap niya para sa atin. Tayo ang Boss—tayo ang may kakayahan, hindi tayo passive observer lang sa demokrasya, kundi may responsibilidad na makilahok. Bawat isa may sapat na liwanag para makita ang mga susunod na hakbang tungo sa mas magandang bukas. Ito ang paniniwala ni PNoy mula pa noong umpisa. Dito tayo humuhugot ng lakas ngayon, at dito rin tayo huhugot ng lakas sa mga darating pang panahon.

    Maraming, maraming salamat, PNoy. Kung worth fighting for kami, mas lalo kang worth fighting for. Worth fighting for ang legacy mo, worth fighting for ang mga prinsipyo mo, worth fighting for ang Pilipinas na pinangarap mo.

    Gabay ka namin. Bukal ka ng lakas ng loob namin. Umasa ka: Hindi ka namin bibiguin.

     

    #

    Posted in Speeches on Aug 01, 2021