MENSAHE NI KGG. LENI ROBREDO
Noong nagdeklara ako, tinanong ako ng media kung pink na daw ba talaga ang brand colors natin. Ang sabi ko, sa totoo lang, hindi pa namin ito pinag-uusapan, dahil biglaan ang naging desisyon natin. Pero sa taumbayan na mismo nanggaling ang direksyon.
Pink ang kulay ng pag-asang nagising sa loob nating lahat. Nakita natin ang pagbaha ng pink sa mga social media feed natin, ng mga ribbon sa poste, ng mga litrato ng mga taong nagsuot ng pink para magpakita ng pakikiisa sa ipinaglalaban natin.
Kaya maraming, maraming salamat sa pakikiisang ito. Mahaba pa ang lalakbayin natin. Kaya may panawagan ako sa inyo: Ipakita na ang pink, hindi lang basta kulay; uri siya ng pamumuhay. Hindi lang siya damit o ribbon; kulay siya ng pagkatao na bukas, nakikinig, nagmamahal.
Tayong lahat ang nagdadala nito. Kailangan nating isalamin ang tunay na ibig sabihin ng pink habang suot natin ito. Gumawa ng mabuti, magpaabot ng tulong sa kapwa, maging mahinahon sa pagbabahagi ng ating mensahe.
Tandaan: Madaling makipagtalo; mas radikal ang magmahal. Hanapin ang mga damdamin at sentimyentong nagbibigkis sa bawat Pilipino, at mula doon, bigyang-liwanag ang katotohanan: Iisa ang pangarap nating bukas; mas mapayapa at mas maginhawa, isang bukas kung saan hindi magkakalaban, kundi ipinaglalaban ng Pilipino ang isa’t isa.
Rosas ang kulay ng bukas, at pag-ibig ang magdadala sa atin doon. Pag-ibig ang magpapanalo sa atin sa laban na ito. #