This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Interview with Vice President Leni Robredo in Victoria, Tarlac

    Batang Batang Elementary School, Victoria, Tarlac

    Q: Ma’am, parating na po iyong bagyong Ompong. Ano pong advice natin sa ating mga kababayan lalo na sa Central Luzon?

    VP LENI: Wala pong makakatalo sa paghahanda. Noong mga nakaraang buwan, inabot tayo ng matinding baha; kailangan mas paigtingin pa iyong paghahanda ngayon kasi mayroong warning na mas malakas ito. Iyong sa akin po talagang kailangan paghandaan hindi lang iyong sarili pero pati iyong mga ari-arian. Iyong naaalala natin dalawang pagbaha iyong nakaraan na maraming mga napinsala. Ito, parating nakakalungkot pero maiibsan ito kahit papaano kapag pinaghandaan natin.

    Q: Ma’am, ano po ang fino-formulate na solusyon ng Malacañang para sa inflation rate na lumobo po ngayon?

    VP LENI: Ako, palagay ko dapat Malacañang iyong dapat sumagot. In fact, matagal na nating hinihingi sa kanila—marami tayong mungkahi—pero iyong hinihingi natin sana mula sa umpisa nagpakita na ng isang boses at matayog na plano para sugpuin iyong inflation. Iyong pakiramdam kasi natin, iba-iba iyong humaharap sa atin, iba-iba iyong mga sinasabi, lalong nag-aalala iyong tao na walang solid na plano. Lalong nagaalala iyong tao, lalong lumolobo iyong inflation. Iyong sa akin sana, halimbawa, kahapon noong humarap iyong ating Pangulo, iyong inaasahan sana natin pagharap na pagtanggap na may problema; pagsabi na ganito iyong gagawin. Para sana kahit papaano assurance iyon sa mga tao na ang pamahalaan on top of the situation. Kapag hindi kasi nagpapakita ng control iyong pamahalaan, iyong pagkabahala ng tao na lalong hihirap iyong buhay, talagang lalo pang tinutulak tayo sa mas matinding kahirapan.

    Iyong sa akin, sana nagamit iyong pagkakataon kahapon na humarap iyong ating Pangulo sa telebisyon na sabihin na: “Talagang may problema. Ito na iyong ginagawa natin…” Marami tayong mungkahi: halimbawa, iyong ating mga kasama sa Senado at sa House of Representatives, may hinain na mga panukalang batas na palagay natin malaki iyong matutulong para hindi na—matulungan na hindi na tumaas pang lalo iyong kahirapan. Halimbawa, iyong mungkahi ni Senator Bam Aquino sa Senado saka nila Congressman Miro Quimbo sa House of Representatives—iyong Bawas Presyo Bill—hinihingi sana nito na kung puwedeng huwag munang i-impose iyong susunod na tranche ng pagtaas ng… imposition ng excise tax sa langis, sa gasolina, dahil alam natin na isa ito sa pinaka… ‘Di ba iyong domino effect noong pagtaas ng gasolina napakalaki sa lahat ng presyo ng basic commodities.

    Iyong pangalawa, iyong hinihingi natin ma-resolbahan na sana sa lalong madaling panahon iyong krisis natin sa bigas. Parating… hindi nakakatulong na sasabihin sa atin na wala namang kakulangan sa supply pero ramdam na ramdam ng tao na mayroon. Maraming sinasabi na walang kakulangan pero ang dahilan nito hoarding pero wala namang hinuhuli, wala namang kinakasuhan. Iyong sa akin sana, kung may kakulangan, tanggapin para may gawing solusyon. Halimbawa, matagal na nating hinihingi na baguhin na iyong liderato sa NFA dahll alam natin na iyong inefficiencies sa liderato ng NFA, isa ito sa pinaka-naging ugat ng pagtaas ng presyo ng bigas. Pero kahapon, wala pa ring assurance na ganoon. Ang sinabi lang ni Pangulo, sinabi ni Mr. Jason Aquino na pagod na siya. Eh hindi dapat naka-angkla sa kung pagod na o hindi pa iyong namumuno. Pero ang pinaka-tanong, efficient ba o hindi? Kasi kung hindi, kahit hindi pa siya pagod, kailangan nang palitan. Kasi kung hindi nakakatulong sa paghanap ng solusyon sa problema—

    Galing ako sa Zamboanga last week, kasama ko si Senator Bam. Nakausap namin iyong mga kababayan natin doon. Sinabi nila kung gaano kahirap iyong buhay dahil sa kamahalan ng bigas. Nakita natin iyong mga pila sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Noong isang araw, pinakita sa telebisyon, sa diyaryo iyong mahabang pila sa Pasig; mayroong mahabang pila sa Marikina. Kahit pumunta ka sa sari-sari store sa malapit sa bahay niyo, makakapagsabi iyong mga namimili saka iyong mga may-ari mismo noong mga sari-sari store kung gaano kahirap iyong buhay ngayon dahil sa pagtaasan ng presyo ng bilihin.

    Kaya iyong hinihingi sana natin, sabihin sa atin ano iyong plano? Kasi marami na tayong mungkahi pero wala pang sinasabi kung saan tayo patutungo. Hanggang hindi ito kino-confront, lalong nababahala iyong ating mga kababayan.

    Q: Hindi ho ba humihingi ng tulong si Presidente Duterte sa inyo?

    VP LENI: Humihingi ng tulong sa akin?

    Q: Opo.

    VP LENI: Hindi po. Pero kahit kasi hindi humingi ng tulong, kailangan tayong magpa-abot ng ating mungkahi. Kaya napakahaba na noong listahan ng ating mungkahi mula pa noong Marso dahil palagay natin obligasyon din—obligasyon ng pamahalaan—na hanapan talaga ng paraan para hindi na lalong pinapabigat iyong buhay ng ating mga kababayan.

    Q: Bale, opisyal na po talagang bagsak iyong ekonomiya ng Pilipinas?

    VP LENI: Makikita po natin sa datos. Iyong sukat kasi kung kumusta ba iyong ekonomiya natin, iyong sukat, iyong pinaka-mahirap ba, ano iyong nararamdaman niya sa buhay? Kung bumuti iyong kaniyang buhay, eh ‘di masasabi nating bumubuti iyong ekonomiya. Pero kung iyong pinaka-mahirap nagsasabing lalo silang naghihirap, eh dapat hindi tayo makuntento; dapat lalo tayong enaghahanap ng paraan para mapagaan iyong kanilang paghihirap.

    Q: Ma’am, kung sakali pong papalitan si Jason Aquino sa NFA, mayroon po ba kayong imu-mungkahi na ipapalit?

    VP LENI: Alam naman po natin na iyong appointing powers, nasa Pangulo. Pero iyong sa atin lang po, sana hindi na hintayin na mapagod o sana hindi na hintayin na kung ano pa man. Kapag hindi efficient sa pagsugpo ng problema, gawan na kaagad ng paraan. Alam po natin na iyong problema natin sa bigas mula po noong sa umpisa ng taon na ito. Hanggang ngayon, hindi pa rin nahahanapan ng paraan. Parang napakatagal na yatang panahon para, ‘di ba, para ngayon pa lang iisipin kung ano iyong gagawin. Dapat sana iyong pag-iisip ng gagawin… noong paumpisa pa lang iyong problema, dapat na-foresee na magkakaroon na ng ganitong problema at hinanapan na agad ng solusyon.

    Q: Lalo na po ngayong paparating na iyong bagyong Ompong at ang mga magsasaka natin, two weeks from now, aani na sila, baka masalanta na naman po ang ating—

    VP LENI: Ito po iyong pinaka-nakakabahala sa atin ngayon: hinihintay natin iyong ating ani dahil inaasahan natin na kahit papaano, ito iyong makakagaan-gaan sa presyo ng bigas. Pero ganito na may parating na bagyo, anong mangyayari sa inaasahan na ani sa ating mga magsasaka? Siyempre, parati tayong nagsasabi na sana hindi tayo tamaan. Pero papaano kung tatamaan tayo, handa ba tayo?

    Ito po iyong assurance na kailangang ibigay sa atin, na sabihin na huwag kayong mag-alala. “Kahit tamaan tayo [ng bagyo], nakahanda tayo”—ito iyong gusto nating marinig.

    Q: Ma’am, sa palagay po ninyo ano iyong chances na mapigilan ng minority senators iyong proclamation ng revocation ng amnesty ni Trillanes?

    VP LENI: Ito, wala kasi ito sa Senado ngayon, ‘di ba? Iyong bola nasa RTC [Regional Trial Court] ng Makati. Iyon iyong desisyon ng Korte Suprema kahapon, na parang sinasabi ng Korte Suprema na nagte-take sila ng judicial notice doon sa deklarasyon ni Pangulo na hihintayin iyong korte na mag-isyu ng warrant of arrest. So gustong sabihin, walang gagalaw until may desisyon iyong RTC. Iyong pagbalik kasi nito sa Senado, depende ito sa desisyon ng RTC. Ang alam ko may hearing sa [September] 13, iyong isa ang hearing sa [September] 14. Iyon iyong inaabangan natin. Pero dahil may pending case, kailangan maiwasan na pag-usapan masyado iyong detalye kasi bawal iyon. Pero iyong sa akin, dahil nagsalita na iyong Supreme Court kahapon na hihintayin niya iyong RTC na mag-desisyon dito, maghihintay tayo until the 14th.

    Q: So sa ngayon, Ma’am, ano ang plano ng oposisyon?

    VP LENI: Kami naman mula sa umpisa, mula noong pinasa pa lang iyong proclamation ni Pangulong Duterte, nagpahayag na tayo ng suporta kay Senator Trillanes, hindi dahil sa kaniya, pero dahil palagay natin isa itong pang-aabuso ng kapangyarihan, na kahit sino man iyong maging biktima, kailangang pagkaisahan ng taumbayan na kontrahin. Kasi kung walang kumokontra sa pang-aabuso ng kapangyarihan, eh kung si Senator Trillanes ngang senador nagiging biktima, lalo na iyong pangkaraniwang mamamayan.

    Kaya iyong sa amin, noong ginawa ito ng Pangulo at nilabas iyong proklamasyon, agad-agad nagpahayag tayo ng suporta kay Senator Trillanes at hinihikayat iyong taumbayan na kahit anong hakbang na tingin natin na pang-aabuso ng kapangyarihan, kailangan talagang pigilan.

    Q: Ma’am, so may posibilidad bang magkaroon ulit ng People Power?

    VP LENI: Alam mo, mahirap sabihin iyon. Iyong pinaka-sigurado sa atin, maraming remedies na binibigay iyong Konstitusyon. Iyong isang malaking remedyo, iyong eleksyon sa 2019. At iyong eleksyon sa 2019, sana doon natin iparinig iyong ating mga boses. Iyong eleksyon sa 2019, doon natin iparinig iyong resistance natin sa anumang klaseng pang-aabuso; iyong pag-ayaw natin sa uri ng pamamalakad na tila hindi naaasikaso iyong ating ekonomiya, na hindi natutulungan iyong mga mahihirap natin na taumbayan. Iyong pinaka-malakas pa rin na boses [ay] iyong boses ng ordinaryong taong pinapahayag sa panahon ng eleksyon.

    Q: Ma’am, iyong paghahamon niya [President Duterte] sa Armed Forces, tingin niyo ba ito ay tamang gawin? Na mag-aklas, na magsagawa ng destabilisasyon?

    VP LENI: Kahit naman kasi anong paghahamon, hindi iyon mabuti kasi iyong mensahe naman napapaabot sa mas maayos na paraan. Iyong sa atin naman, parati nating isinusulong iyong isang paraan na kinikilala iyong respeto sa bawat isa, iyong rule of law, iyong mga kinalakihan natin na paniniwala na pagka-maayos—maayos sa pananalita. Buo iyong aking tiwala sa ating Armed Forces na iyong kanilang loyalty sa ating Konstitusyon, iyon naman iyong nararapat. Iyong Armed Forces na iyong loyalty sa iisang tao, iisang opisyal lang, hindi puwedeng—hindi tayo puwedeng mag-rely upon— Pinakita naman ng Armed Forces in the last few days na kinikilala nila iyong Konstitusyon, iyong rule of law, at nagbibigay iyon sa atin ng kapanatagan ng loob na mayroon tayong aasahan na iyong kabutihan ng bawat mamamayan iyong nasa isipan.

    Q: Ma’am, sa tingin natin iyong interview ng Pangulo kahapon—sa lahat ng nabanggit niyo ngayon—sa tingin niyo ba may mga nasabi ba siyang solusyon sa kahit anong problema?

    VP LENI: Maraming sinabi iyong ating Pangulo pero nasasayang[an] tayo sa pagkakataon. Iyong sa aking inaasahan sana, napakalaking pagkakataon iyon para i-address iyong pagkabahala ng taumbayan tungkol sa kahirapan na pinagdadaanan natin ngayon sa ating ekonomiya. Iyong aking inaasahan, kaya niya haharapin iyong taumbayan kahapon para sabihin nga na: “Totoong may problema tayo pero ito iyong solusyon na ginagawa ng ating pamahalaan. Huwag kayong mag-aalala at iyong pamahalaan is on top of the situation.” Iyon iyong inaasahan nating sasabihin niya kahapon.

    Hindi nakakatulong na mas pinagtuunan ng pansin iyong away nila ni Senator Trillanes. Tingin natin, iyong away nila hindi dapat nangyayari sa panahon na dapat nagkakaisa tayo, sa panahon na dapat niyu-unify iyong taumbayan dahil nagdadaan nga tayo sa matinding kahirapan. Iyong sa akin, iyong mga panahon ng kagipitan. Hindi ito panahon na pinagtutuunan ng pansin iyong politika.

    Mayroong panahon sa politika pero hindi ito iyong panahon na iyon. Panahon ito para asikasuhin iyong problema natin sa ekonomiya at iyon iyong… Hanggang ngayon, iyon pa rin iyong hinihiling natin—na sana pagtuunan ng pansin iyong ating ekonomiya kasi naghihirap iyong taumbayan.

    OVP: Okay.

    Q: Panghuli na lang po, Ma’am. Nakakaramdam po ba kayo na gumagawa ng paraan si Pangulong Duterte na hindi matuloy iyong eleksyon sa susunod na taon?

    VP LENI: Maraming usapan na mayroong ganiyang hakbang pero ayaw natin iyang bigyan ng pansin, dahil hindi naman dapat iyan mangyari. Iyong eleksyon, nakasaad iyan sa Konstitusyon. Iyong eleksyon, iyon iyong paraan ng taumbayan para ipahiwatig iyong kaniyang nararamdaman. Kung tatanggalin iyong eleksyon o hindi itutuloy, gustong sabihin tinatanggalan ng boses ang bawat mamamayan. Kaya iyong sa atin, tayong lahat kailangang kontrahin ang kung anumang hakbang para—kahit nino man—na hindi matuloy iyong eleksyon sa 2019.

    Umaasa tayo na iyong eleksyon sa 2019, tuloy na tuloy dahil mas mahalaga ito kaysa anumang pag-aalsa. Iyong eleksyon, iyon iyong pinaka-mahalagang exercise ng ordinaryong mamamayan na wala namang hinahawakan na pwesto na may kapangyarihan. Ito iyong pagpapahayag niya ng kaniyang saloobin. Kaya iyong sa atin, gagawin natin lahat para masiguro na matuloy iyong eleksyon sa 2019.

    OVP: Okay, thank you po. Thank you, Tarlac media!

    – 30 –

    Posted in Transcripts on Sep 12, 2018