Mass for EDSA People Power Revolution’s 32nd Anniversary
St. Jude Thaddeus Parish Church, Concepcion Grande, Naga City
Q: VP, message lang po para sa 32nd anniversary ng People Power Revolution?
VP LENI: Ako, ako kasi, gaya ng sabi ko kanina, hindi ito pag-celebrate lang, ng paggunita noong mga nangyari noong February 22 to 25, pero ito pag-alala ng mga aral na napulot natin galing doon. Iyong paalala, na iyong kapangyarihan nasa kamay talaga ng bawat isa sa atin, wala sa gobyerno. Paalala din na dapat iyong diwa ng EDSA 32 years ago, dapat nasa puso natin araw-araw, para hindi natin nakakalimutan iyong lahat na aral, para hindi natin payagan na dumaan muli tayo sa kadiliman. Gaya noong homily kanina ni Archbishop Tirona, pinapaalala niya sa atin na kailangang labanan iyong lahat na yumuyurak sa dignidad ng bawat Pilipino. Iyon siguro iyong pinakaaral saka paalala sa atin.
At minabuti natin na dito sa Naga mag-celebrate ngayon… Maliban sa Naga, marami ring lugar sa Pilipinas kung saan nagse-celebrate ng EDSA [anniversary], gaya noong ginawa natin—mayroon sa Baguio, sa Pangasinan, sa Pampanga, sa Iloilo, sa Romblon, sa Siargao, sa Quezon Province. Maraming mga lugar, at ito ay sinadya natin, na siguraduhin na iyong celebration hindi nakasentro sa Manila lamang, para… para ipahiwatig din iyong mensahe na iyong laban ng EDSA ay laban ng buong Pilipinas, laban ng bawat Pilipino. Hindi ito laban ng mga taga-Maynila lamang. At iyong paggunita ng araw ng EDSA, dapat ginugunita sa buong Pilipinas.
Q: Sa ngayon po ba kailangan natin na patuloy pa ring ipaglaban iyong demokrasya?
VP LENI: Ako, kailangan natin iyong gawin kasi ayaw na nating dumaan ulit doon sa pinagdaanan natin more than 30 years ago. Kaya lang naman tayo nagkaroon ng People Power Revolution kasi nasobrahan na iyong pang-aabuso, nasobrahan na iyong pagyuyurak sa bawat Pilipino, at dapat pinapaalala sa atin na hindi na dapat natin pinapayagan na dumaan muli doon. Huwag na tayong maghintay na bumigat nang ganoon iyong pinagdaanan natin na kadiliman. Ang dapat, bawat… bawat pagkakataon na mayroong… mayroong pang-aabuso, bawat pagkakataon na mayroong korapsyon, bawat pagkakataon na mayroong patayan, bawat pagkakataon na mayroong pag-tapak sa dignidad nating lahat, dapat lumaban tayo.
Q: Ma’am, reaction lang po doon sa speech ni Gov. Imee Marcos?
VP LENI: Ah, hindi ko pinakinggan. Hindi ako makakapag-react.
Q: Ma’am, sa takbo ng mga pangyayari sa bansa, sa tingin niyo pabalik na naman ba tayo sa madilim na nakaraan?
VP LENI: Nasa sa atin kasi iyon. Nasa atin kung babalik na naman tayo sa kadiliman, kung papayagan natin, siguradong mangyayari iyon. Pero kung hindi natin papayagan, hindi mangyayari. At ito iyong pinakaaral ng EDSA—na iyong kapangyarihan talaga nasa bawat isa sa atin.
Q: Thank you, Ma’am!