6 October 2017
Office of the Vice President
17th National Congress of the Public Employment Service Office Managers Association of the Philippines (PESOMAP) Cauayan, Isabela
Q: Ma’am, kuhanan po sana namin kayo ng reaksyon tungkol sa pagbuo ng komisyon ng administrasyong Duterte. Iyong komisyon daw na Anti-Corrupt Commission. Ano pong reaksyon niyo dito, dahil sinasabi nakatuon daw po ito sa mga kritiko ng Pangulo?
VP LENI: Ako po, mahirap mag-comment kasi hindi ko pa naman nababasa iyong buong executive order. Parati naman tayong sang-ayon sa lahat ng anti-corruption measures. Pero marami lang sigurong tanong. Baka masagutan kapag nabasa natin iyong executive order—ano iyong saklaw, sinong mga opisyal iyong puwedeng imbestigahin—kasi baka nag-o-overlap sa functions ng mga existing na opisina.
Pero again, hindi ko pa po nababasa iyong executive order kaya mahirap mag-comment at this point.
Q: Madam Vice President, local lang po iyong questions ko. Tamang tama po kasi maganda iyong naging pagpapaliwanag, speech niyo po kanina, kaugnay ng pagtatapos niyong PESOMAP, na ginawa po kauna-unahan po dito sa aming lalawigan ng Isabela…
VP LENI: Ito po talagang tingin namin napapanahon, kasi gaya po noong kinuwento ko kanina noong ako ay nagsalita, mayroon pong programa iyong aming opisina na Angat Buhay, at ito po iyong anti-poverty program namin, pero nakita namin na iyong lahat na areas naka-anchor talaga sa kabuhayan. Kaya ngayon pong magse-second year kami, gusto naming bigyan ng malaking emphasis po iyong kabuhayan, kaya sa October 17 po, may ilo-launch kami, iyong Angat Kabuhayan. At gusto naming makipagtrabaho sa mga PESO offices, na makipagtulungan po sa kanila sa paghahanap ng available na trabaho. At hindi lang iyon: pagsisiguro na iyong available na talents natin, nagma-match sa available na trabaho.
Kasi iyong nakakalungkot po nito, sa pag-scan namin sa maraming lugar, hindi naman talaga kulang iyong mga trabahong available. Pero iyong mga trabahong available, walang nagfi-fit sa mga trabahong iyon. Kaya iyong gusto naming tingnan, paano ba natin mafi-fill iyong gap? Anong magagawa ng opisina namin as far as training is concerned, as far as matching is concerned. Tingin po kasi namin hindi lang dapat gobyerno ang nag-aasikaso nito. Kailangan iyong malaking partisipasyon din ng private sector.
So ngayon po, even before our launch, patuloy iyong aming roundtable discussions with iba’t ibang kumpanya, depende sa sektor. Gaya po ng na-mention ko kanina, tapos na kami sa construction, sa manufacturing, sa tourism, at patuloy pa po namin iyong ginagawa para tingnan namin kung paano ba talaga natin mama-match iyong supply sa demand na trabaho.
Q: Madam Vice President, mayroon pong isang malaking problema po ang atin pong mga mamamayan dito sa Isabela: ang mga farmers po namin. Gumagawa po si Gov. Bodjie Dy ng paraan para mai-lobby po ito sa mga matataas na opisyal, at sana sa pamamagitan din po ninyo, Vice President…
Ang problema po ng aming mga farmers, Ma’am, mababang mababa na po ang presyo ng aming mga agricultural products, at wala pa daw pong pondo ang NFA para bilhin po iyong ani noong aming mga farmers.
VP LENI: Kailangan po talaga assessment ng polisiya. Marami po ngayon iyong… Maraming mayroong paniniwala na baka mali na pinipilit natin iyong iilang produkto lang, kasi nagreresulta ito sa napakababang mga presyo.
Iyong tinitingnan po talaga natin ngayon, diversification. Pero not for the sake of diversification alone, pero diversification na isu-suit sa capacity ng panahon natin, ng climate saka ng lupa. Tapos diversification din sa kung ano iyong dine-demand na mga crops sa world market.
Halimbawa, example ko na lang po, coconut. Ang hinihingi po sa atin na supply, ang demand nito sa atin, 600,000 metric tons. Pero iyong—60,000 metric tons, I mean. Nasu-supply po natin 200 metric tons lang. Gustong sabihin napakalaki sana ng opportunity pagdating sa coconut, pero kaunti lang iyong nagtatanim ng coconut. Halos lahat nasa bigas. Pero baka… ‘Di ba? Parang may disconnect kasi sinusubukan nating maging sufficient sa bigas, pero kinakailangan pa din nating mag-import paminsan-minsan.
So ito po talaga iyong hinihingi natin sa Department of Agriculture. Parang re-assessment lang. Saan ba mas makakakuha ng mas malaking kita iyong ating farmers?
Halimbawa po sa amin sa Bicol, napakalaki ng market po noong Pili. Endemic iyon sa amin, pero kaunti lang iyong nagtatanim ng Pili. Karamihan sa amin nagtatanim ng bigas, pero parati namang binabagyo. Iyong mga intricacies na ganoon, na kailangan talagang pag-aralan kung ano iyong naaakma.
Q: Ma’am, hingin lang po namin iyong reaksyon niyo tungkol doon sa West Philippine Sea. Alam naman po natin, Ma’am, na may issue po tungkol sa West Philippine Sea or South China Sea. Sa palagay niyo po, Ma’am, wise decision po ba mag-build ng bagong relationship with China?
VP LENI: Ako, wala namang… wala namang masama. Wala namang masama na i-cultivate iyong relations natin, hindi lang with China, pero sa marami pang ibang mga bansa. Ako, I’m all for it. Pero iyong isa, sana iyong pag-cultivate natin ng relations, hindi at the expense of existing relations. Iyan iyong number one.
Number two, iyong maayos kasi na relationships, anchored pa din sa kung ano iyong dapat. Anchored pa din sa karapatan ng bawat… bawat bansa. Ang paniniwala ko hindi natin kailangang i-give up—hindi natin dapat i-give up—iyong ating sovereignty in the name of good relations. Kasi iyong sovereignty, primordial iyon, kailangan pinaglalaban natin. Ang tingin ko din, posible pa din iyong mabuting relasyon kahit mayroong… kahit ipinaglalaban natin iyong ating karapatan. Kasi iyong lahat naman na relasyon, anchored on respect sa pag-aari ng bawat isa.
Kaya iyong sa akin, iyon lang. Tingin ko by all means, i-cultivate natin iyong relations na iyon, pero hindi at the expense of our own sovereignty, at the expense of our relationship with other countries.
Q: Ma’am, any reaction po doon sa protesta po ni Bongbong Marcos tungkol doon sa nakaraang eleksyon?
VP LENI: Patuloy po iyon. Bawal kasing pag-usapan iyong detalye ng kaso kasi pending iyon sa Supreme Court. Pero iyong pinakamalaking issue kasi, iyong first cause of action, na-dismiss na iyon. So confident tayo. Hinihintay na lang natin. Ang wish natin, matapos na siya sa lalong madaling panahon para out of the way na iyon. At tingin naman natin, in the soonest possible time, madi-dismiss na rin iyong other causes of action.
Q: Ma’am, thank you!
VP LENI: Salamat!
– 30 –