Office of the Vice President
27 September 2017
Q: Una po, reaksyon niyo po sa postponement ng barangay and SK elections?
VP LENI: Tagalog ba? Tagalog ito, ano?
Tayo natutuwa na parang finally, nagkaroon na ng mas malinaw na pagdesisyon iyong pareho Senate saka House of Representatives tungkol sa postponement ng barangay elections, kasi ano na din… matagal nang medyo bitin. Iba-iba iyong… iba-iba iyong parang statements na lumalabas. Mayroong statement na matutuloy, may statement na hindi, may statement na hindi matutuloy pero hold-over, may statement din na hindi matutuloy pero mag-a-appoint.
Ito, finally, parang nagkasundo din naman iyong Senate saka House of Representatives na mayroon nang definite na date kung kailan siya mangyayari, which is May of next year, tapos hold-over capacity.
Tayo, natutuwa tayo na ganito iyong naging desisyon kasi natatakot tayo kapag nagdesisyon na appointment, ano ito, eh… parang kontra siya sa pinapaniwalaan natin na uri ng demokrasyang kailangang ipairal, lalong lalo na sa mga barangay.
Kung hold-over, at least iyong mga nakaupo, sila pa din iyong pinili. Sila iyong may mandato ng taumbayan, sila iyong pinili sa kanilang mga barangay. At mas wala nang kalituhan.
Q: Ma’am, may mga reactions po kasi na ang sabi nila, gusto nilang matuloy iyong elections, kasi may mga barangay officials din na involved sa illegal drugs. So ano po iyong message niyo sa mga barangay officials?
VP LENI: Iyong… Ang barangay officials kasi na involved sa illegal drugs, dapat kasuhan. Hindi dapat hintayin iyong susunod na eleksyon para mapaalis siya, kasi mayroon namang… mayroon namang mga remedies sa ilalim ng batas kung paano makakasuhan at paano matatanggal ang barangay official na gumagawa nang hindi maayos.
Q: Ma’am, recently po lumabas iyong order ng DOLE regarding doon sa pagsuot ng heels ng mga women. Ano po ba iyong mga issues confronting women na dapat ding mabigyang pansin?
VP LENI: Actually, marami pa. Marami pa ding diskriminasyon laban sa mga kababaihan sa workplace. Hindi lang iyong sa pagsuot ng heels. Iyong pag-require na pagsuot ng heels, isa lang iyon.
Pero tingin ko iyong malaki pa din, generally mas preferred pa din iyong mga lalaki. Kapag sinabi ko generally, hindi sa lahat, pero mas madami pa din na iyong preference, lalaki kaysa babae. Unang una dahil iyong lalaki, hindi nagma-maternity leave. Pangalawa, iyong babae kasi, siya iyong primary na—sa kultura natin kasi, siya iyong primary na nag-aasikaso sa mga bata, so siya iyong pine-perceive na mas maraming disturbances. Siya iyong pine-perceive na mas maraming dahilan para mag-leave sa trabaho, kaya maraming mga employers na iyong preference talaga mga lalaki.
Ito, matagal nating pinagtrabahuhan na unti-unti magbago na iyong ganitong pagtingin, at nakikita natin na malaki na din talaga iyong pagbabago. Although iyong diskriminasyon nandoon pa din.
Tingin ko important first step iyong desisyon ng DOLE na pagbawalin na iyong pag-require sa heels, pero sana matugunan pa din iyong iba pang uri ng diskriminasyon.
Q: Ma’am, so bukas po iyong death anniversary ni dating Senator Miriam Defensor Santiago, at iyong Senado may itinutulak din na magawaran siya ng highest civil service award. So ano po iyong reaksyon natin dito?
VP LENI: Natutuwa tayo. Halos lahat naman tayo pamilyar sa uri ng paninilbihan na ginawa… iginawad ni Senator Miriam sa ating lahat. Maraming posisyon na hinawakan, malaki iyong kontribusyon sa buong lipunan. Malaki iyong kontribusyon sa ating bansa, at very deserving na mabigyan ng Quezon Service Cross Award.
Naaalala ko, mayroon ding similar na award na iginawad sa asawa ko, at malaking source of pride ito sa pamilya, dahil iyong public servants naman, ang unang nagsa-sacrifice dito iyong pamilya kasi talagang shine-share mo iyong kapamilya mo sa publiko. At kahit wala na si Senator Miriam, itong pagbigay ng award na ito, isang affirmation sa kaniyang pamilya na hindi sayang iyong sakripisyong pinagdaanan nila.
Pangalawa, magbibigay ito ng inspirasyon sa ibang mga public servants na tutularan iyong mga lingkod-bayan na kagaya niya.
Q: Ma’am, minsan hinawakan mo iyong Housing. Iyong pagsasampa ng kaso doon sa kontratista ng Yolanda housing, how do you look at it?
VP LENI: Ako, nararapat iyon. Noong nasa HUDCC pa ako, iyong Yolanda housing, isa sa mga ilang beses kong pinoint out na talagang nakakalungkot. Ang problema kasi, mayroong flaws sa polisiya.
Halimbawa, iyong isang flaw sa polisiya, masyadong centralized sa NHA iyong kontrata sa mga pabahay. Dahil masyado siyang centralized sa NHA, napakalaki ng mga kontrata. Iyong aking isang natuklasan noong nasa HUDCC ako, dahil ang lalaki ng mga kontrata, iyong mga nagku-qualify, iyong mga Triple-A na mga contractors. Karamihan sa mga Triple-A na contractors, wala namang presence sa Leyte at Samar, at walang presence doon sa Yolanda areas. Dahil walang silang presence, ang tendency, sina-subcontract. At iyong nakakalungkot nito, kasi may mga natuklasan kami na pang-apat, panglima nang pag-subcontract, so anong maaasahan natin? Kapag sinub-contact mo iyan ng four or five times, talagang magsa-sacrifice na iyong quality ng mga pabahay.
Pangalawa—ito iyong talagang magbibigay ng malaking abala—dahil masyadong centralized iyong pag-i-implement ng programa, hindi kaya ng NHA na bilisan sa dami ng… sa bigat ng trabaho.
Noong nasa HUDCC ako, iyong aking proposal sana, kung puwedeng i-download na sa LGUs na kaya namang mag-implement. Kasi nandiyan naman iyong pera. Nandiyan iyong pera, nandiyan iyong nangangailangan, pero hindi nai-implement dahil overburdened iyong isang ahensya ng gobyerno. Pero nandiyan naman iyong LGU na may capacity. In fact, nagpatawag na ako ng meeting with the governors bago ako nag-resign, at sila—karamihan sa kanila—mas gusto na i-download na lang sa LGU para maasikaso nila. Kasi sila directly accountable sa mga tao, eh. Iyong pressure na… iyong pressure na mag-implement in the soonest possible time, talagang nasa kanila.
Okay?
Q: Thank you, Ma’am!
VP LENI: Thank you!
– 30 –