HANAPBUHAY PARA SA LAHAT
Napakahalaga ng hanapbuhay para sa lahat. Ang trabaho ay karapatan, hindi tsambahan. At ipaglalaban ko ito.
Ako si Leni Robredo, at ito ang plano ko.
Una: ibalik ang tiwala sa gobyerno. Tama na ang palakasan, at gobyernong walang isang salita. Gawin nating patas ang merkado.
Kung may kumpiyansa sa pamumuno, papasok ang puhunan, lalago ang negosyo, at dadami ang trabaho.
Ikalawa: gisingin ang natutulog na lakas ng industriyang Pilipino.
Halos one-fourth ng lahat ng marino sa mundo, Pilipino. Natural sa atin ang bentaheng ito, kaya ide-develop natin ang maritime industry. Isasaayos natin ang mga regulasyon. Paparamihin at papahusayin pa natin ang Pilipinong marino, at palalakasin ang shipbuilding sa bansa.
Malaking hamon ang climate change, pero pagkakataon din ito. Gagawin nating sentro ng climate industry ang Pilipinas. Sa pagtutok sa mas sustainable at mas modernong practices sa agrikultura, at pagtatayo ng green at resilient na imprastraktura, makakalikha tayo ng trabaho.
Palakasin natin ang tech industry sa Pilipinas. Sa industriyang ito, tatapatan ng mas malaking sahod ang husay ng Pilipino.
Bubuhayin natin ang manufacturing. Maglalatag tayo ng mga programa. Susulitin ang resources na meron tayo. At lilikha ng matitibay na ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang industriya.
Ikatlo: wakasan ang diskriminasyon sa trabaho.
Kung may kakayahan at handa kang magbanat ng buto, kahit may edad ka na at anuman ang natapos mo, karapatan mong maghanapbuhay. Batas na ang Anti-Age Discrimination Act. Ipapatutupad natin ito.
Sa kongreso, isa ako sa mga nag-akda ng komprehensibong Anti-Discrimination Bill. Isasabatas natin ito.
Maliliit na negosyo ang lumilikha ng trabaho sa antas ng komunidad, kung saan nagsisimula ang pag-unlad. Kaya ang ika-apat na punto ng aking plano: suportahan ang maliliit na negosyo.
Gobyerno ang pinakamalaking kustomer. Kaya imamandato natin ang pag-prioritize sa maliliit na negosyo at mga magsasaka, kung may kailangang bilhin ang gobyerno.
Gaya ng nagawa na natin sa Angat Buhay, iuugnay natin ang maliliit na negosyo sa mas malawak na merkado.
Gagawin nating mas moderno at digital ang sistema. Aaalisin natin ang red tape, para maging mas madali ang pagnenegosyo.
At ikalima: saluhin ang mga nawalan ng trabaho.
Patuloy na nagbabago ang mukha ng industriya. Mabilis ang usad ng teknolohiya. May mga kumpanyang umaalis sa Pilipinas. May mga negosyong napipilitang magsara o magbawas ng operasyon. Sa mga nawalan ng trabaho dahil dito, hindi mo kasalanan ito.
Kasama sa plano ko, isang de-kalidad na retraining at skills-matching program para makasabay ka sa makabagong kaalaman.
Lilikha rin tayo ng Public Employment Program. Sa ilalim nito, gobyerno mismo ang magbibigay ng trabaho sa iyo.
At kung mawalan ka ng trabaho nang hindi mo kasalanan, makakaasa ka ng tulong sa matibay na Unemployment Insurance Program.
Mahirap ang buhay. Gusto mong guminhawa. May mga pangarap ka. Handa kang magsikap para matupad ang mga ito. Kaya ang gobyerno, dapat hindi hadlang kundi katuwang mo. Sa araw-araw mong pagkayod, dapat kakampi mo ang gobyerno.
Ako si Leni Robredo. Ipaglalaban ko ang hanapbuhay mo.
Para sa karagdagang detalye, tumungo lang sa lenirobredo.com
(END)