Maligayang Pasko po sa inyong lahat, mula sa akin, sa aking mga anak, at sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Lumamig man ang simoy ng hangin, walang papantay sa init ng pagmamahal ng pusong Pilipino para sa Kapaskuhan. Kaliwa’t kanan ang mga salu-salo, at kahit saan, ramdam ng bawat isa ang ligayang hatid ng simpleng pagbibigayan.
Ang Paskong Pilipino ay panahon ng pagkakaisa at pasasalamat, pagmamahalan at pagpapatawad—sa loob ng pamilya, sa mga kaibigan, at sa ating bayan. Saan man tayo naroroon—sa lupaing may snow, sa gitna ng karagatan, sa disyerto, sa mga bulubundukin o ‘di kaya sa iba’t ibang siyudad ng mundo—patuloy nating isabuhay ang halaga ng Paskong Pilipino.
Ngunit sa kabila ng kasaganahan at kasiyahan, alalahanin natin ang mga kapatid nating nasa Marawi. Nagsisimula pa lamang silang bumangon mula sa gulo ng hidwaang naganap ngayong taon. Para sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay o ‘di kaya ay nagpapagaling pa lamang sa mga karamdamang dala ng bala at pulbura, mahirap harapin ang Pasko. Ngunit sa pagkakaisa, maiibsan ang lungkot na dala nito.
Ang Kapaskuhan ay alay natin sa Batang Sanggol sa sabsaban, na siyang pumiling ipanganak kasama ang mga mahihirap. Katulad Niya, sa pagsisilbi rin natin mararamdaman ang tunay na saya ng pagdiriwang ng Pasko.
Muli, isang mapagpalang Pasko sa ating lahat!