This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    BISErbisyong LENI Episode 243

    BISErbisyong LENI Episode 243

    Yearender video
    [START 03:36]
    NARRATOR: Sa bawat hamon at pagkakataon, nagkakaroon tayo ng lakas at tibay ng loob na magpatuloy dahil sa iisang paniniwala: ang ating paglilingkod ay nakaugat sa pag-angat ng buhay ng pamilyang Pilipino.
    Ito ang naging kaisipang gumabay sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa nakalipas na anim na taon. Sa pagbabalik-tanaw na ito makikita: Walang imposible sa taumbayang nagkakaisa para maabot ang kolektibo nating mga hangarin.
    [OVP Institutional Reforms]
    Mula nang maupo sa puwesto, sinikap na ng Tanggapan ni VP Leni na gawing mahusay ang opisina upang mapaglingkuran ang mga nangangailangan. 2016 pa lang, nakatutok na ito sa pagpapalakas pa ng public assistance services sa mga nangangailangan, at sinikap na abutin at dalhin ang serbisyo sa mas marami pang lugar.
    Tinutukan rin ng Tanggapan ang pagpapahusay sa mga sistema nito. Sa nakalipas na anim na taon, nakakuha ang OVP ng ISO Certification, at tatlong magkakasunod na taon na binigyan ng Commission on Audit ng unqualified opinion para sa financial reports ng Tanggapan.
    Sinikap rin ng OVP na lampasan pa ang mandato nito; sa halip na maging ceremonial office lang, itinuon ng Tanggapan ang pagkilos nito para tutukan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga nasa laylayan. Dito nabuo ang Angat Buhay, ang flagship antipoverty project ng OVP.
    [Angat Buhay]
    As of December 2021, nakipag-partner na ang Angat buhay sa higit 372 organizations at nakapagmobilisa ng ₱520 million, na nakatulong sa higit 622,000 pamilya mula sa 223 na mga lugar.
    [Angat Buhay - Universal Healthcare]
    Kalusugang pangkalahatan ang isa sa mga adbokasiyang isinusulong ng Tanggapan ni VP Leni Robredo. Katuwang ang iba’t ibang grupo at pribadong organisasyon, naglunsad ng mga proyektong tutugon sa mga nangangailangan ng atensyong medikal.
    Lampas ₱82.14 million ang kabuuang halagang na-mobilize para sa mga proyektong nakatutok sa kalusugan para sa higit 140 na mga lugar sa buong bansa.
    Halimbawa, sa San Remigio, Cebu, nakapagpatayo ng isang mental health facility kung saan may mahusay na community-based mental health program ang lokal na pamahalaan. Sa tulong ng Solanaland Foundation at ANCOP Foundation USA, nakapag-turnover rin ng x-ray machines at gamot para sa mga pasyente. Nagbigay rin ang Philippine Mental Health Association ng suporta para magabayan ang mga health workers at pamilya sa pag-aalaga sa mga pasyente. Lampas 250 na pasyente ang naseserbisyuhan nito, kabilang na ang mga residente ng mga karatig bayan tulad ng Medellin at Bogo.
    Nakapagbigay rin tayo ng iba’t ibang assistive devices tulad ng carriers, hip seats, at wheelchairs para sa mga may kapansanan, kabilang na ang mga may cerebral palsy at mga amputees.
    Maliban dito, nagbigay rin tayo ng mga hygiene kit at toilet bowls sa lugar na hirap ang access sa malinis na mga palikuran. Sa mga urban poor areas naman, nagsagawa rin ang OVP ng mga health caravan at medical mission tulad ng libreng surgery at dental check up sa mga komunidad kung saan limitado ang access sa doktor at mga ospital.
    [Angat Buhay - Food Security and Nutrition]
    Kabilang sa anim na tinututukan ng Tanggapan ni VP Leni ang seguridad sa pagkain at nutrisyon. Para matugunan ito, nakikipag-partner ang OVP sa iba’t ibang organisasyon para maglunsad ng mga feeding program sa mga komunidad kung saan mataas ang bilang ng malnourished at stunted na mga kabataan.
    Higit 44 na mga proyekto na may kabuuang halaga ng ₱39.49 million ang na-mobilize para sa mga proyektong nakatutok sa nutrisyon.
    Sa Lambunao, Iloilo, halimbawa: Higit 800 na bata ang naging bahagi ng feeding program mula 2017 hanggang 2020, sa tulong ng Negrense Volunteers for Change Foundation, Inc. Sa ilalim ng programa, tinututukan ang mga wasted, underweight, at stunted na kabataan edad 6-36 months. Higit 73 na barangay sa Lambunao ang naserbisyuhan nito.
    Ilang feeding at nutrition programs na rin ang nadala natin sa mga komunidad sa tulong ng Assisi Development Foundation, Jollibee Group Foundation, at Gawad Kalinga. Nakapamahagi rin ng food packs at mga meal packs sa tulong ng Feed the Hungry, Inc. at Rise Against Hunger Philippines.
    [Angat Buhay - Public Education]
    Layunin ng Tanggapan ni VP Leni Robredo na magkaroon ng access sa de-kalidad na edukasyon ng lahat. Ito rin ay para mabigyan ng sapat na kakayahang mag-trabaho sa iba’t ibang industry ang bawat manggagawang Pilipino. Nang dahil sa adbokasiyang ito, nakipag-partner ang OVP sa iba’t ibang ahensya at organisasyon para makapagbigay ng mas magandang buhay sa lahat.
    ₱122.96 million ang kabuuang halaga ng imprastrukturang naipatayo para sa edukasyon, kabilang ang 81 classrooms at 5 dormitories para sa mga mag-aaral.
    Halimbawa, sa Siayan, Zamboanga del Norte, nakapagpatayo ng dormitoryo para sa mga estudyante ng Siayan National High School, sa tulong ng Yellow Boat of Hope Foundation. Nabawasan ang bilang ng mga estudyanteng hindi nakakapasok sa eskwelahan dahil sa layo at hirap ng kanilang dadaanan.
    Nakapagtayo na rin tayo ng mga dormitoryo sa Sumilao, Bukidnon; Balangkayan, Eastern Samar; Salcedo, Eastern Samar; at La Libertad, Negros Oriental.
    Sa Sitio Bugtong Lubi, Hinoba-an, Negros Occidental naman, naipaayos ng OVP ang school building ng Magsaysay Elementary School, kung saan nakapagpamigay rin tayo ng mga school kits para sa mga mag-aaral.
    Maliban sa mga ito, higit 120 kabataan ang nakinabang sa mga scholarship at skills training, kabilang na ang mga out-of-school youth ng Sumisip, Basilan; mga senior high school students mula sa Panglao, Bohol at Mulanay, Quezon; at mga mag-aaral ng accountancy mula sa Mindanao State University.
    [Angat Buhay - Youth Empowerment]
    Mahalaga kay Leni Robredo ang pakikilahok ng kabataan para sa mas epektibong pamamahala. Kaya naman sa ilalim ng programang Angat Buhay Youth, naglunsad ang ating Tanggapan ng mga youth leadership summits sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang hubugin ang mga susunod na lider at makapagsulong ng mga programang mag-aangat sa kapwa nila kabataan.
    Halos ₱2.43 million ang kabuuang halagang na-mobilize para sa mga programang nakatutok sa pagpapalakas ng higit 391 kabataan mula sa 140 youth organizations.
    Pitong leadership summits na ang nailunsad, kabilang ang Angat Buhay Youth Power Up, AB Youth Mindanao, AB Young Peace Advocates Summit, at AB Young Leaders in Government. Mula rito, 46 projects ang nabigyan ng pondo para masimulan ang mga programang nakatutok sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
    Halimbawa, noong 2019, nanalo ang Federation of Elementary Educators sa AB Young Peace Advocates Summit para sa kanilang Reader of Peace project–isang board game na nagtuturo sa mga kabataan kung paano simulan ang usapin ng peacebuilding sa kanilang mga komunidad.
    [Angat Buhay - Women Empowerment]
    Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng Tanggapan ni VP Leni Robredo ang pagpapalakas sa kababaihan. Ibig sabihin: Pagbukas ng mga oportunidad at pagbibigay sa kanila ng representasyon, boses, at aktibong pakikisangkot sa lipunan. Para magawa ito, nakipag-partner ang OVP sa pribadong sektor para sa nararapat na training at skills development programs para mapaunlad, hindi lamang ang kanilang mga sarili, kundi pati rin ang kanilang mga pamilya at komunidad.
    Sa ilalim ng Angat Buhay Workshop for Aspiring Women Entrepreneurs, nabigyan ng access ang 138 na mga kababaihan sa iba’t ibang livelihood opportunities, trabaho, kapital, pati mentoring mula sa experts, para makapagsimula ng negosyo.
    Ang mga workshop na ito ay naisagawa na sa Mindanao at Visayas. Para sa mga participants mula sa Luzon, kinonvert natin ang programa sa isang online workshop para maging mas accessible sa ating nanay entrepreneurs.
    Isa sa mga natulungan ng programa ay si Nanay Laila at ang mga tennun weavers ng Lamitan, Basilan. Nagtayo ang OVP ng Angat Buhay Weaving Center para matulungan hindi lang ang kabuhayan ng mga kababaihan, pero pati ang kultura at tradisyong pinapangalagaan ng kanilang tribo.
    Kaakibat ng women empowerment ang pagsigurong ligtas ang mga espasyong kinabibilangan ng mga kababaihan. Nilunsad rin ng Tanggapan ang #RespetoNaman, sa tulong ng UN Women, Embassy of Sweden, SPARK Philippines, at Empower–isang kampanya laban sa gender-based violence, rape, at sexual harrassment. Nilunsad rin natin ang Babaenihan Talks para ma-address ang issue ng teenage pregnancy sa mga mahihirap na komunidad.
    [Angat Buhay - Sustainable Livelihood and Training]
    Makapagbigay ng matatag at tuloy-tuloy na kabuhayan sa mga nasa laylayan–ito ang isa sa mga pangunahing inisyatibo ni Leni Robredo. Binuo ang Angat Buhay Sustainable Livelihood and Training para matulungang makaahon ang mga nasa pinakamahihirap na sektor ng lipunan mula sa kahirapan lalong-lalo na sa krisis na dala ng pandemya.
    Dahil sa programang ito, nabibigyan ng access sa financial assistance at iba’t ibang training pangkabuhayan ang mga benepisyaryo upang makapagsimula o mapalaki ang kanilang mga kabuhayan. Higit ₱15.39 million ang halaga ng livelihood projects na naiturnover natin para sa 156 na mga mangingisda, magsasaka, mananahi, maliit na negosyante, riders, at kababaihan, kabilang ang 33 accredited CSOs at 11 na nanay entrepreneurs.
    Halimbawa, nakapagbigay tayo ng livelihood assistance sa mga miyembro ng PANGISDA Parañaque, para makabili ng saprahan o fish cage, tahungan, at isang service bangka na pangangasiwaan ng mga miyembro nito. Nagkaroon din ng mga capacity building training para sa financial at business management, leadership and org building, at cooperative building.
    [Angat Buhay - Rural Development]
    Pagpapaunlad ng kanayunan ang isa rin sa mga adbokasiyang sinusulong ni Leni Robredo. Layunin nitong magbibigay ng kabuhayan at pantay na oportunidad sa lahat, sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto para sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang kabilang sa sektor ng agrikultura.
    ₱47.3 million ang kabuuang halaga ng assets na nai-download sa mga magsasaka’t mangingisda, kabilang na ang mga bangka, livestock, at mga kagamitan, access to SLTcredit, at pagpapakilala sa mas malalaki’t malalawak na mga merkado.
    Isa sa mga programang sinulong natin ay ang Omasenso sa Kabuhayan, kung saan pinapalakas natin ang mga farmer associations mula sa Metro Naga, Camarines Sur. Layunin nitong maiangat ang mga maliliit na mga magsasaka at gawin silang agri-preneurs, at direkta silang naiuugnay sa mas malalaking merkado. Binibigyan sila ng skills training at farm inputs upang mapalago ang kita at ani.
    Sa kasalukuyan, 11 farmer organizations ang bahagi ng Omasenso, na nagsusuplay na ngayon sa iba’t ibang institutional buyers, mga palengke, at maging mga online marketplaces.
    Sa tulong naman ng Pilipinas Shell Foundation, natulungan natin ang higit 700 na mga magsasaka sa ilalim ng Integrated Farming and Bio-Systems Training Program. Dahil sa IFBS, dumoble ang kinita ng mga magsasaka natin sa Sumilao at Camarines Sur, at mas marami na ang klase ng gulay na kanilang naitatanim at naibebenta sa merkado.
    [Angat Buhay - Housing and Resettlement]
    Naniniwala ang Tanggapan ni VP Leni na mapapabuti ang buhay ng bawat Pilipino kung mayroon itong disenteng tirahan at access sa mga pangunahing pangangailangan. Dahil dito, naglunsad ang OVP, sa tulong ng iba’t ibang ahensya at mga pribadong sektor ng mga housing projects – Angat Buhay Village - Marawi City at ang BAHAYanihan Program sa Bicol – upang mabigyan ang mga kababayan nating nawalan ng tirahan ng magandang simula.
    Higit ₱15.4 million ang kabuuang halagang nailaan para sa mga proyektong nakatutok sa housing and resettlement, tulad ng mga pabahay, solar kits, solar panels, at construction materials.
    Noong 2017, matapos ang matinding pinsalang iniwan ng mga armadong grupo sa Marawi, nakipagtulungan ang OVP sa Xavier University - Ateneo de Cagayan, volunteers, at pamahalaang lokal para magsagawa ng rebuilding efforts sa lugar. Katuwang ang iba pang grupo, naipatayo ang unang Angat Buhay Village sa Marawi. 72 transitory shelters ang naipagawa para sa mga na-displace nating kababayan na nawalan ng matitirahan. Kaakibat nito ang iba pang programa tulad ng suporta sa kabuhayan. Sa kabutihang loob ng mga partners at private organizations, nakalikom tayo ng ₱16.79 million para maipatayo ang pasilidad.
    Sa tulong pa rin ng mga partners, inilunsad rin ang BAHAYanihan Program nitong 2020 para may ligtas na malilipatan ang mga naninirahan sa mga kinokonsiderang “danger zones.” Aabot ng 307 ang bilang ng mga transitory houses na kasalukuyang kinokompleto sa Guinobatan, Albay, at sa mga bayan ng Lupi, Sagñay, at Sabang sa Camarines Sur.
    [Angat Buhay - Disaster Relief and Rehabilitation]
    Isa ang Pilipinas sa madalas na binibisita ng maraming bagyo taon-taon, dahil na rin sa lokasyon ng bansa natin sa mapa. At taon-taon ay lumalala ang epekto nito sanhi ng climate change. Handang umagapay ang Tanggapan ni VP Leni Robredo sa pamahalaang lokal at nasyonal para makapaghatid ng tulong sa ating mga nasalantang kababayan sa pamamagitan ng relief efforts at rehabilitasyon.
    Mula 2016, ₱146.83 million ang kabuuang halaga ng mga donasyong namobilize natin mula sa pribadong partners at donors. Maliban pa ito sa ₱85.25 million na naipamahagi ng OVP para sa mga relief efforts at agarang relief assistance para sa mga matinding naapektuhan ng sakuna.
    Halimbawa, noong tumama ang bagyong Nina sa Kabikulan noong 2016, nag-turnover tayo ng mga bangka para makatulong sa mga mangingisdang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa bagyo. Sa Bula, Camarines Sur, 30 na bangka ang nabigay natin para makatulong sa kanila.
    Noong nagkaroon naman ng insidente sa Recto Bank nitong 2019 at nasira ang barko ng F/B Gem-Ver, nakapagbigay ng 12 units ng global positioning system o GPS at fish-finding equipments para sa 22 na mangingisda. Bukod pa ito sa cash assistance mula mismo sa Tanggapan at mga pribadong donors.
    Noong pumutok ang bulkang Taal noong 2020, P1.6 million ang namobilisa ng OVP para sa relief efforts na ginawa natin sa mga bayan ng Talisay, Balete, Laurel at Agoncillo sa Batangas.
    [OVP COVID-19 Response Operations]
    Taong 2020 nang binago ng pandemya ang mga buhay natin. Batid ng Tanggapan ni VP Leni ang mga hamong kaakibat ng krisis na ito, kaya agad itong kumilos para matugunan ang pangangailangan at gumaang ang pasanin ng Pilipino.
    Sa unang taon ng pandemya, iba’t ibang programa ang sinimulan ng Tanggapan ni VP Leni Robredo para matugunan ang mga pangangailangan ng Pilipino.
    ₱61.86 million ang kabuuang halagang na-mobilize ng OVP at donation drive ng Kaya Natin Movement for Good Governance and Ethical Leadership. Mula rito, ₱53.87 million ang inilaan para sa PPE daily sets, kung saan nakinabang ang 38,790 frontliners mula sa 1,490 institusyon. Maliban pa dito, nakipag-partner rin ang OVP sa 23 sewing communities mula sa NCR, Rizal, Bulacan, Laguna, Batangas, Cebu at Lanao del Sur para makagawa ng 53,004 locally-produced PPE suits. 106 individuals at organizations naman ang nag-donate ng PPE suits, at mga materyal sa paggawa nito tulad ng tela, packaging supplies, at iba pa.
    ₱7.99 million naman ang kabuuang halagang inilaan para sa food and care packages. Mula rito, 17,271 food and care packages ang naipamahagi sa 110 na mga institusyon. Maliban dito, 1,019 na institusyon sa iba’t ibang panig ng bansa ang nabigyan ng mga kinakailangan na medical supplies tulad ng surgical at reusable masks, gloves, face shields, head covers, shoe covers, sanitizers, alcohol, at disinfectants.
    Para matulungan ang mga frontliners sa panahon na ito, nagbukas tayo ng mga libreng dormitoryo at mga libreng sakay sa Metro Manila. 21 dormitoryo ang nabuksan para sa halos 800 na mga frontliners: 12 na dorm sa Metro Manila, 9 sa Cebu City, Mandaue City, Talisay City at Lapu-Lapu City.
    Nagbukas rin ng The Oasis Project, o mga temporary shelters para sa medical frontliners na itinayo sa Lung Center of the Philippines, Quirino Memorial Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute. Nakapag-allocate rin ng temporary shelters sa Manila Doctors Hospital, Chinese General Hospital, at Office of Civil Defense.
    Maliban dito, naglunsad tayo ng libreng sakay na bumiyahe sa 9 na ruta sa Metro Manila at 4 sa Cebu. Lagpas 560 volunteers at 160 OVP personnel ang na-tap para sa rollout noong tumigil ang pasada ng pampublikong transportasyon dahil sa community lockdowns. 33,174 passengers ang naihatid nito nang ligtas sa kanilang mga tahanan at pinagtatrabahuan.
    Isang global health crisis man ang pandemya, pero napakalaki rin ng epektong dulot nito sa edukasyon at kabuhayan ng mga kababayan natin. Bilang tugon, naglunsad ang Tanggapan ni VP Leni Robredo ng mga programa na naglalayong umagapay sa pangangailangan ng mga sektor na ito.
    Noong kasagsagan ng community lockdowns, nagbukas tayo ng Community Mart, isang app-based palengke service kung saan natulungan ang higit 41 tricyle drivers at 248 market vendors sa kanilang paghahanapbuhay. Nailunsad ito ng Kamuning Market sa Quezon City; Pasig Mega Market sa Pasig; at Muntinlupa City Public Market sa Muntinlupa. Lampas ₱32.64 million in sales ang na-generate nito para sa mga naging bahagi ng programa.
    Naglunsad rin tayo ng BayaniHanapbuhay para matulungan ang mga kababayan nating nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya. Binuksan natin ang SIKAP.PH, isang online job search platform kung saan mas pinadali ang paghahanap ng trabaho sa gitna ng pandemya. 29,418 na job vacancies ang na-post, mula sa 396 employers sa 48 locations.
    Para naman matulungan ang mga maliliit na negosyante, binuksan natin ang Bayanihan Mart sa iskaparate.com para tulungan silang magkaroon ng online presence at maipakilala sa mas malalaking merkado ang kanilang produkto. 56 entrepreneurs ang nakinabang sa programa, at 11 dito nakatanggap ng livelihood subsidy para mapalago pa ang kanilang negosyo.
    Sa tulong naman ng USAID at PBEd, nilunsad ng OVP ang TrabaHOPE para sa mga out of school youth. Dito, sumailalim sila sa technical at on the job training ang mga aplikante.
    Para naman matugunan ang challenges sa distance learning ng mga guro, estudyante, inilunsad natin ang Bayanihan E-skwela. ₱24.60 million worth of gadgets and equipment ang nalikom mula sa donation drive ng Kaya Natin Movement at iba pang donasyon mula sa Angat Buhay partners.
    Nakapagbukas rin tayo ng 58 na Community Learning Hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na umaagapay sa 5,000 beneficiaries sa tulong ng 1,291 volunteers at mahigit 30 partner organizations and individuals. Sa tulong ng mga volunteers mula sa creatives industry at academe, nakapag-produce ng 23 na instructional videos para sa mga guro, magulang, at mag-aaral bilang tugon sa hamon ng distance learning.
    Sa ikalawang taon ng pandemya, patuloy ang pagkilos ng Tanggapan ni VP Leni upang makatulong sa mga kababayan nating apektado ng COVID-19. Kabilang dito ang pagtulong sa COVID-19 testing efforts sa mga hotspot areas, pag rollout ng vaccination, at paglulunsad ng online teleconsultation service upang tulungang i-decongest ang mga health facilities.
    Lampas ₱45.86 million ang kabuuang halaga na allocated para sa 35,656 extraction and detection kits. Halos ₱5.32 million ang nailaan para sa 12,750 extraction kits na ibinigay sa Research Institute for Tropical Medicine.
    Sa Swab Cab project ng OVP, nagbigay tayo ng testing support sa mga komunidad na may mataas na COVID-19 transmission at infection rates upang maampat ang pagkalat ng sakit. ₱11 million ang inallocate ng OVP para sa pagbili ng 22,000 antigen test kits. Nasa 9,757 ang na-test sa natukoy na hotspot areas sa Malabon, Quezon City, Marikina City, Imus, Tuguegarao, at Naga.
    Noong Hunyo naman, nilunsad ang Vaccine Express para mapalawig at mapaigting ang vaccination programs ng mga lokal na pamahalaan. 45,896 kabuuang bilang ng nabakunahan laban sa COVID-19. Nailunsad na ang programa sa 13 na lugar: Cagayan de Oro, Misamis Oriental; Iriga at Naga sa Camarines Sur; San Pedro, Laguna; Magalang at San Fernando City, Pampanga; Capas, Tarlac; Malolos, Bulacan; Mariveles, Bataan; Catanduanes; at Manila, Pasig, at Quezon City sa Metro Manila.
    Noong kasagsagan naman ng COVID surge noong Abril 2021, nilunsad ang Bayanihan E-Konsulta–isang libreng telemedicine program na target maabot ang mga indigent at vulnerable na mga pamilya. Layunin rin nitong tulungang ma-decongest ang mga ospital at mabigyan ng sapat na atensyong medikal ang mga nangangailangan. Naging posible ang programa sa pakikipagtulungan ng 4,271 external volunteers at 1,327 volunteer doctors. Lampas 45,990 ang bilang ng naprosesong requests at 9,556 ang nabigyan ng COVID-19 care kits. Mayroon ding medical assistance service para sa mga COVID probable at confirmed cases sa loob ng NCR Plus.
    [26:21 - excerpts from VP Leni Robredo’s declaration of her candidacy]
    VP LENI: Mabigat na responsibilidad ang pagka-Pangulo, at hindi ito puwedeng ibase sa ambisyon o sa pag-uudyok ng iba. Pagdating sa pamumuno, iisa lang dapat ang konsiderasyon: Ano ba ang pinakamabuti para sa bansa natin?
    Lalong matimbang ang tanong na ito dahil sa napakalaking hamon ng pandemya. Ang dami nang namatay. Marami sa atin, ginawa na ang lahat na puwedeng gawin para lang mailigtas ang mahal sa buhay; para makahanap ng pambili ng pagkain; para maitawid ang sarili sa kinabukasan.
    Ina akong nakikita ang pagdurusa ng minamahal kong bansa. Naniniwala ako: Ang pag-ibig, nasusukat hindi lang sa pagtitiis, kundi sa kahandaang lumaban, kahit gaano kahirap, para matapos na ang pagtitiis. Ang nagmamahal, kailangang ipaglaban ang minamahal.
    Buong-buo ang loob ko ngayon: Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako; lalaban tayo.
    Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022.
    Anim na taon ang nakaraan, tinanggap ko ang hamon na tumakbo sa pagka-Bise Presidente. Ngayon, sasabak tayo sa mas malaking laban. Panata ko ngayon: Ibubuhos ko nang buong-buo ang aking lakas, hindi lang hanggang sa halalan kundi hanggang sa mga natitirang araw ko, para ipaglaban ang Pilipinas ng ating mga pangarap – isang lipunan kung saan, kapag nagbanat ka ng buto, kapag ginawa mo ang lahat ng kaya mo, makaaasa ka sa ginhawa at pag-asenso; kung saan, kapag may nadapa, may sasalo sa iyo, may aakay sa iyo patayo; kung saan ang mga plano para sa edukasyon, transportasyon, pagkain, kalusugan, katarungang panlipunan ay naipapatupad dahil may gobyernong matino at mahusay, gobyernong tapat at may pananagutan, gobyernong tunay na inuuna ang interes ng taumbayan.
    May landas tungo sa kinabukasang ito. Pero hindi ito maaabot sa pagwawalang-kibo kapag may nangyayaring hindi tama. Hindi ito puwedeng iasa sa iba habang nanonood ka lang; hindi puwedeng pumikit na lang at umasang pagdilat natin nagbago na ang mundo. Ang kinabukasan, pinipili, pinagsisikapan, ipinaglalaban. Kailangan nating piliing humakbang.
    Heto ako ngayon, humahakbang. Ipaglalaban ko kayo hanggang dulo. Itataya ko ang lahat; ibubuhos ko ang lahat na kayang ibuhos. Sama-sama tayong tumaya sa laban na ito. Buong bansa tayong tumungo sa isang kinabukasang mas patas at mas makatao; kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umasenso; kung saan ang lakas ng bawat isa ay nagiging nagkakaisang lakas ng lahat – lakas na dadaig sa anumang krisis, anumang hamon, lakas na magiging simula ng ating kolektibong pagbangon. Buong-buo ang tiwala ko, magtatagumpay tayo. Buong-buo pa rin ang pananalig ko sa Diyos at sambayanang Pilipino.
    [31:50 - Excerpts from pre-recorded interview with VP Leni Robredo]
    VP LENI: Akala ko magiging malungkot ‘yung kampanya. Completely overwhelmed each and every time na bumababa on the ground, kasi talagang ‘yung energy ng tao hindi mo talaga sukat akalain. May mga sumisigaw, sumasayaw, tumatalon, umiiyak, kumakanta—so, lahat ng emosyon mararamdaman mo every time bumababa sa ground.
    Ilang eleksyon na pinagdaanan ko. Sanay ako ‘dun sa mas conventional na kami nag-oorganize, kami ‘yung nagpu-push. Ngayon, baliktad. Halimbawa, ‘pag nasa caravan kami, bukas ang pinto, kumakaway ako, natatapos ‘yung caravan, punong-puno ‘yung aming sasakyan, iba-iba ‘yung binibigay. Pati ‘yung creativity ng tao ramdam na ramdam mo. Parang celebration siya each and every time.
    ‘Yung conventional campaign kasi, tinutulak mo ‘yung kandidato mo para manalo. Ngayon ibang-iba ‘yung pakiramdam. Nakikita naman natin lahat ng supporters sobrang invested.
    ‘Yung recognition na ‘yung 2022 elections, parang, it’s the fight of our lives—hindi lang ako, pero ‘yung pinaglalaban dito ‘yung future ng mga kabataan, ‘yung future ng mga anak natin, ‘yung future ng mga apo natin. Kaya ‘pag nakita mo, ano talaga, eh— hindi mo kailangang i-incentivize, hindi mo kailangang i-inspire. Kasi sila ‘yung sobrang sigasig.
    Noong nag-desisyon akong kumandidato, sa kin mas simple lang is to provide an alternative, pero ngayon, after akong nag-announce, parang may nabuksan na flood gates—ito ‘yung flood gates na nag-umpisa siya sa hope, pero parang aspiration for the kind of country that we want for our children.
    I think this is what makes this election different from the previous ones. Kasi ito, hindi lang siya na ako 'yung magiging sunod na presidente, pero mas ang iniisip na kapag ako 'yung sunod na maging pangulo, ano 'yung pwedeng asahan natin?
    Pinakita ito sa trabaho namin na ‘yung parating klase na pamamahala na binibigay ko, 'yung nagbibigay ng isang mekanismo para 'yung tao empowered na mag-participate sa governance. And I think 'yung tao nakita ito, kaya excited lahat. Excited lahat kasi 'yung hope nila ay magiging bahagi sila ng change that is forthcoming.
    Meron na tayong vision na kapag tayong binigyan ng pagkakataon, ito 'yung Pilipinas na inaasahan natin: na 'yung mga naiiwan ay inaakay, 'yung mga nadadapa, ibinibitbit. 'Yung mga blessed ay sini-share yung blessing sa iba.
    Ako, very excited about it, kasi ito naman ‘yung pangarap natin, ‘di ba? Na kapag pinag-usapan natin ‘yung progress, hindi lang para sa iilan pero para sa lahat ng Pilipino.
    NARRATOR: Anumang hamon ang dumating, patuloy na tumutugon ang Tanggapan ni VP Leni para makatulong sa Pilipino. Kung mayron man tayong napatunayan nitong nakalipas na anim na taon, basta’t sabay-sabay na humahakbang tungo sa iisang abot-tanaw, kayang-kaya nating makamit ang kinabukasang pangarap nating lahat.
    [END 35:01]

    Posted in Transcripts on Jan 02, 2022