This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Angat Kabuhayan: Tungo sa Magandang Kinabukasan

    Angat Kabuhayan Summit

    SMX Convention Center, Pasay City

    17 October 2017

    His Excellency Sung Kim, US Ambassador to the Philippines; Senator JV Ejercito; Senator Kiko Pangilinan; Former Secretary Cesar Purisima; Former Secretary Dinky Soliman; Gov. Boy Umali of Oriental Mindoro; Ms. Kris Aquino; Cong. Gabby Bordado of Camarines Sur; Cong. Blue Abaya of Cavite; Former Cong. Gina de Venecia of Pangasinan; Cong. Edgar Erice of Caloocan; Cong. Ria Vergara of Cabanatuan City; Ms. Marilyn Manila from Community Development-Senior Director of the Center for Agriculture and Rural Development; other local chief executives and local government officials present; our Angat Buhay partners and beneficiaries; representatives from international organizations; the business community; civil society organizations; people’s organizations; the academe; the youth sector; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang-magandang umaga sa inyong lahat.

    Mula pa man noon, simple lang ang ating mga pangarap. Simple ngunit malinaw: Ang iahon mula sa kahirapan ang bawat pamilyang Pilipino, lalo na iyong mga nasa laylayan ng ating lipunan. Hanggang ngayon, ito pa rin ang sinisikap nating tuparin. Binuksan natin para sa lahat ang ating opisina, at sinikap natin na maging tanggapan na palaging nakikinig sa boses ng taumbayan.

    Upang ganap itong matupad, binuo natin ang Angat Buhay, isang programang tutugon sa problema ng gutom at kahirapan.

    Sa higit na isang taon, malayo na po ang ating narating. Literal na malayo, dahil napuntahan na natin ang ilan sa mga pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na mga komunidad sa ating bansa. Ngunit malayo na rin mismo ang narating ng Angat Buhay mula nang inilunsad natin ito noong Oktubre 2016. Marami tayong nakasalamuha sa ating pag-iikot, at bawat isa sa kanila ay mukha ng pag-asa.

    Isa sa tumatak sa atin ay ang Brgy. Diit ng Agutaya sa Northern Palawan. Mula sa mas kilalang isla ng Coron, lagpas dose oras pa ang biyahe sa laot papuntang Agutaya. Pagdating doon, sinalubong tayo ng iyak at tuwa ng mga residente. Ang sabi po nila sa amin: Minsan lang kasi sila mabisita ng mga taga-Maynila, lalo na ng isang opisyal ng gobyern, dahil sa layo ng kanilang lugar. At dahil po malayo sila sa sentro, ramdam nilang tunay silang nasa laylayan.

    Nakita natin pagpunta doon ang mga sirang classroom na sabi nila, [nasira] mula pa noong Bagyong Yolanda noong 2013. Marami po sa mga batang nakita natin ay maliliit, dahil biktima sila ng stunting: may mga Grade 5 students na kasing laki lamang ng mga Grade 1 na mag-aaral. Nang nilibot namin ang barangay, wala silang kuryente at inuming tubig. Sa kabila nito, mainit pa rin ang kanilang pagtanggap sa atin. Kahit wala tayong dalang tulong noon, malaking bagay para sa kanila ang aming pagbisita.

    Mabigat po ang aming loob nang umalis kami sa Agutaya dahil sa nakita naming tindi ng kahirapan, ngunit buo po ang ating loob na bumalik. Pagdating ng Maynila, bukambibig namin ang Agutaya. Hinikayat natin ang pribadong sektor na tumulong, at sa kabutihang palad, dumating naman agad ang lingap at ayuda.

    Isa sa mga una nating pinaabot na tulong ay solar generators para magkaroon ng kuryente ang barangay. Dagdag pa rito, nagkabit na rin ng mga solar panels sa mga bahay, sa tulong ng ating partner na ASA Philippines.

    Ang Andres Soriano Foundation naman, nangakong aayusin ang water system ng Agutaya, para mapalitan ito ng electric. Tinutulungan rin nito ang mga residente sa pagtinda ng kanilang mga produkto—iyon po ang nakita natin kanina—gaya ng mga sombrero at bag, sa katabing resort na Amanpulo.

    Ang atin namang mga mangingisda doon, nakatanggap na rin ng mga bangka para sa kanilang kabuhayan at pag-patrol sa dagat. Salamat po sa St. Theresa’s College Alumni Association na tumugon sa ating panawagan.

    Naiparating na natin sa Department of Education ang kondisyon ng sirang paaralan. Kasalukuyan nang naghahanap ng contractor para mapagawa ito.

    Ang Philippine Toy Library naman, nagpaabot rin ng tulong: Ang kuwento sa atin, paminsan, alimango lamang ang nilalaro ng mga kabataan sa tabingdagat. Nilalagyan lang nila ito ng tali. Ngayon, mayroon na silang maayos na playspace, at mga bagong laruan.

    Isa lamang ang Agutaya sa mga komunidad na ating pinuntahan. Marami pa tayong nakilala—mga mangingisda, mga magsasaka, mga katutubo, at mga kababaihan—sa ating lingguhang pagpunta sa bawat sulok ng bansa.

    Sa pakikipagtulungan ng ating mga lokal na gobyerno at mga development partners, unti-unti na nating nagawang posible ang akala nating dati ay imposible: Nakapagpatayo tayo ng mga classrooms sa pinakamalalayong mga lugar; nakapagsimula ng mga feeding programs sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga malnourished children; nakapagpailaw tayo ng mga bahay at pamayanan; at nakapagpatubig sa ilang mga barangay para may malinis na silang maiinom. Nagawa rin natin, sa kabila ng napakaliit natingi budget ito sa kabila ng maliit na budget ng ating opisina, at dahil ito sa kabutihang loob ng ating mga partners. Kaya sa ngalan po nila: Maraming-maraming salamat.

    Pero hayaan po ninyo muna akong mabigyan ng mukha ang Angat Buhay.

    Sa Cabanatuan, Nueva Ecija—nandito po ang Congressman ng Cabanatuan City—nakilala natin ang mga Sama Bajau ng Brgy. Bakod Bayan. Galing pa sila sa Sulu at namuhay sa isang pamayanang pinagkaloob ng Cabanatuan City. Nakapagtayo na sila ng mga bahay at nakapagpakabit na rin ng kuryente. Ngunit may ilan pa rin silang kulang: halimbawa, ang maayos na patubig sa komunidad. Labimpitong water pumps lang dati ang ginagamit ng 208 pamilya. Kung minsan pa, hindi lahat gumagana. Kung gumagana man, nauubos rin agad ang tubig.

    Sabi po sa amin ni Nanay Zenaida, isang parent leader ng Sama Bajau, kailangang pumila sa mga poso ng alas tres ng madaling araw ang kanilang mga anak para hindi mahuli ng pasok sa eskwela. Sila namang mga nanay, pumipila rin sa pag-igib nang maagang-maaga. Hindi rin naiinom ang tubig na ito, kaya nagbabayad sila ng dagdag para makabili pa sa bayan.

    Dahil po dito, naghanap tayo ng mga organisasyon na maaaring makatulong. Maraming salamat sa Solanaland, isang masugid na Angat Buhay partner, [dahil] nakapaglaan tayo ng dagdag na mga water pumps para sa mga Sama Bajau.

    Noong binisita natin muli si Nanay Zenaida, laking tuwa niya dahil sa malakas at malinis na agos ng tubig mula sa mga poso. Hindi na raw po mahaba ang pila. May dagdag oportunidad pa para sa mga maliliit na negosyo sa kanilang lugar. Para po sa mga Sama Bajau, tubig po ang simbolo ng kanilang bagong buhay.

    Bukod po sa Cabanatuan, tinulungan rin ng Solanaland ang isang komunidad sa Pola, Oriental Mindoro, kung saan nakapagbigay sila ng mga solar kits sa mga Mangyan ng Tadyawan community. Sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan naman, mayroon silang feeding program para sa mga malnourished na bata, kasama ang Nutrition Foundation of the Philippines. Para dito, nagpapasalamat tayo sa walang sawang pagsuporta sa atin ng Solanaland.

    Sa Hinoba-an, Negros Occidental naman, may isang komunidad sa bundok kung saan limang oras ang biyahe paakyat sakay ang habal-habal, sa isang daan na mabato at matarik. Sa tuktok, matatagpuan ang Brgy. Damutan. Sa ating pag-iikot, may nakita tayong tila bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping yero at plywood. Pero sabi po sa amin ng mga residente, ito na pala ang Magsaysay Elementary School. Ang kuwento ni Esteban Mangilan, ang PTA President, ang mga magulang at teacher ng mga bata ang bumuo ng eskwelang ito.

    Malaking bagay ang paaralan para sa ating mga estudyante, ngunit hanggang Grade 4 lamang ang Magsaysay Elementary School. Mangiyak-ngiyak po na kinuwento sa atin ni Mang Esteban ang hirap ng kanilang buhay. Pero sabi niya, patuloy ang pagsasakripisyo para makapag-aral ang mga anak, upang hindi nila maranasan ang hirap na pinagdaanan rin ng kanilang mga magulang.

    Ibang-iba na ang mukha ng Magsaysay Elementary School ngayon. Nitong Hunyo lang, nakapag-turnover na ang Negrense Volunteers for Change at Negros Women for Tomorrow Foundation ng mga school building at school kits para sa mga estudyante. Salamat rin sa Roxas Foundation, may school materials na rin ang ating kabataan para sa susunod na mga taon.

    Marami pang proyekto ang Negrense Volunteers for Change sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng Angat Buhay. Para sa hanapbuhay, nakapagbigay na po ito ng mga motor boats sa Bulan, Sorsogon; Baras, Catanduanes; Culion, Palawan; at Dinagat at Loreto sa Dinagat Islands; pati mga farm input sa mga magsasaka ng Lantapan, Bukidnon. Mayroon rin silang mga feeding program sa Lambunao, Iloilo at Maribojoc, Bohol. Bilang suporta pa rin sa edukasyon ng ating mga kabataan, nakapaglaan rin sila ng mga school kits para sa mga mag-aaral ng Pagadian at Dumingag sa Zamboanga del Sur. Kaya muli po, nagpapasalamat tayo sa inyong pakikiisa sa aming adhikain na mapaganda ang buhay ng ating mga kababayan.

    Sa Mindanao naman po, sa Brgy. Dayawan, Marawi, nakilala natin ang isang grupo ng mga kababaihang naghahabi ng landap, kilala dahil sa kakaiba nitong yari, tela, at disenyo.

    Personal pong binisita namin sila noong Marso, kung saan nakilala namin si Mocrimah Abdulrahman Mohammad. Ayon kay Mocrimah, nahirapan silang palaguin ang kanilang kabuhayan, dahil hindi nila mapaayos ang mga weaving equipment, gaya ng loom o habihan.

    Dinulog natin ito sa ating mga partners. Sa tulong po ng Metrobank Foundation at Ateneo de Manila University, nakapagbigay tayo ng livelihood assistance sa kanila. Nitong nakaraang Mayo, lumipad pa sila mula Marawi patungo dito sa Maynila para personal na tanggapin ang tulong na ito. Ngunit kinabukasan, hindi pa po nakakauwi ang kanilang grupo, nagsimula na ang gulo sa Marawi.

    Naiwan si Mocrimah noon sa Marawi, at isa siya sa mga inilikas sa evacuation center sa Iligan, kasama ang 100 pang pamilya galing sa Brgy. Dayawan. Si Mocrimah mismo ang humingi sa amin ng ayuda mula sa Angat Buhay team, na noon ay nasa Cagayan de Oro. Dahil sa kaniya, agarang nabigyan ng relief packs ang mga evacuees na mga kasama niya.

    Muli po nating binisita ang mga kababaihan noong Hunyo. Nag-turnover tayo ng mga sewing machines at dagdag na kapital para sa kanila, para makapagsimula na silang muli na magtrabaho. Dahil po sa ating binigay, nakakagawa na ulit sila ng mga mokna, hijab at iba pang damit, na binibenta na nila bilang hanapbuhay.

    Naging kasapi rin si Mocrimah ng Women Entrepreneurs’ Workshop ng Angat Buhay, at sa ilalim po ng programang ito, tinuruan sila tungkol sa pagbabudget at pagbalanse sa cash flow, pagandahin ang kanilang mga produkto, at paghahanap ng merkado para rito.

    Maliban sa Marawi, marami rin tayong lugar sa Mindanao na tinutulungan ngayon. Kasama na rito ang mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon—kanina, nakilala natin si Bajekjek—kung saan nagbigay ang Pilipinas Shell Foundation ng skills training at seed packs mula sa Latter-Day Saints Charities. Ang Latter-Day Saints Charities naman po ay isa sa mga laging nauunang magbigay ng ayuda para sa mga nasalanta ng bagyo, partikular na ang mga shelter repair.

    Katuwang rin natin ang RAF International Forwarding, sa pagtugon rin sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo. Nakapagbigay tayo ng livelihood assistance sa mga naapektuhan ng Typhoon Nina sa Tinambac, Siruma at Tiwi. Natutulungan rin tayo ng RAF International Forwarding sa pag-transport ng mga relief goods at care packages, papunta sa mga naapektuhan ng sakuna.

    Sa Kauswagan, Lanao del Norte, nakapagbigay tayo ng livelihood assistance para sa ilang asosasyon ng mga magsasaka. Kasama rin ang Kauswagan sa Busog, Lusog, Talino Kitchen program ng Jollibee Group Foundation, na atin rin pong partner, para masuportahan ang mga kabataan doon.

    Sa Siayan, Zamboanga del Norte naman, mayroon tayong mga financial literacy at entrepreneurship program mula sa Sunlife Foundation at CARD-MRI. Sa tulong rin po ng National Bookstore Foundation, nakapagbigay tayo ng libo-libong mga school kits, at mayroon na ring toy library mula ulit sa Philippine Toy Library. Nagtatayo rin doon ngayon ang ating partner na Yellow Boat of Hope Foundation ng isang dormitoryo doon sa Siayan, upang hindi na maglalakad ng apat na oras ang mga estudyante para lang makapasok sa paaralan.

    Ang mga local chief executives po ng tatlong lalawigan na ito, nasa ilalim na ng ating Bridging Leadership Program. Si Mayor Flora Villarosa ng Siayan—nandoon po si Mayor Flora, palakpakan po natin siya—isa po siyang halimbawa, sa mga hinahanggaan natin dahil sa kanilang pamumuno. Patuloy niyang binabangon mula sa kahirapan ang Siayan, kaya umaasa po tayo na magiging ehemplo siya para sa iba.

    Ang gaganda po ng mga kuwento nina Zenaida, Esteban, at Mocrimah, pati na rin ang nangyaring pagbabago sa Sumilao, Siayan, Kauswagan, at iba pang lugar. Sila ay mga mukha ng pag-asa at pag-unlad nang dahil sa kanilang pagsisikap.

    Nandirito po tayo ngayon para at dahil sa kanila at sa bawat miyembro ng pamilyang Pilipino. Hindi pa po tapos ang trabaho natin. Simula pa lang ito ng pagpapalawak ng ating programa.

    Sa ating pag-iikot sa iba’t ibang mga lugar, may nakita pa po tayong malaking problema na may malalim na epekto sa kinabukasan ng ating mga kababayan: ang kakulangan ng trabaho at hanapbuhay. Kung matutugunan natin ito, maiibsan rin ang hirap sa iba ring parte ng kanilang buhay, katulad ng malnutrition, edukasyon, at iba pa.

    Halimbawa po: Sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan. Ang magulang ng mga stunted at malnourished na kabataan doon, mayroong pagkakapareho: Hirap silang maghanapbuhay, dahil sa kawalan ng oportunidad. Kahit may feeding program na tayo para sa kanilang mga anak, kung hindi sila makakapaglagay ng pagkain sa hapag, hindi magiging epektibo ang ating programa.

    Kaya po ang ginawa natin, naghahanap tayo ng mga oportunidad para sa kanilang kabuhayan at trabaho. Ngayon, ang ating partner na kompanya, ang Vitarich, ay interesado nang magbukas ng egg farm para sa gustong magtrabaho at magnegosyo doon. Ang mga magsasaka naman nila na nagtatanim ng mga gulay, hinahanapan rin po natin ng paraan para direkta na silang magbenta sa merkado, na hindi na kinakailangang porsyentuhan pa ng mga middlemen.

    Ito ang isa pang dahilan kaya nandito tayo ngayon: Inilulunsad natin ang Angat Kabuhayan, upang makapagbigay ng trabahong marangal at disente; trabahong permanente at pangmatagalan; trabahong magbibigay ng magandang kinabukasan, dahil ito ang nakita nating daan para matuldukan ang kahirapang pumipilay sa ating mga kababayan.

    At tulad ng Angat Buhay, umaasa po tayong mahihimok po natin kayong muli bilang ating katuwang. Sa katunayan po, nakipagpartner po tayo sa UP School of Economics, Rotterdam University, at Erasmus University sa Netherlands, para sabay-sabay na pag-aralan ang mga business models na magdadala ng inclusive growth. May tatlong modelo tayong tinitingnan ngayon, na maaari nating gawing basehan at inspirasyon sa pagtalakay ng mga solusyon sa kakulangan ng trabaho at kabuhayan.

    Isa po rito ang ginagawa ng Libmanan, Camarines Sur, at PinoyME para sa mga magsasaka, kung saan nagtayo sila ng rice processing center. Sa ganitong paraan, nasisigurong maayos na naitatago nila ang mga ani, nang walang dagdag gastos. Direkta na rin nilang naibebenta ang kanilang mga produkto sa merkado sa mas mataas na presyo.

    Nandiyan rin ang modelo ng Unifrutti PH at Hineleban Foundation sa mga katutubo ng Bukidnon. Tinutulungan nila ang mga vegetable and fruit farmers at coffee farmers ng mga tribo doon na magkaroon ng direktang merkado, para mas mapalaki ang kanilang kita at mapalago ang kanilang negosyo.

    Tinitingnan rin natin ang farmer entrepreneurship program ng Jolibee Group Foundation, kung saan inaalagaan nila ang mga onion farmers ng San Jose, Nueva Ecija para mapabuti ang tubo ng kanilang tanim. Kung dati, nag-aangkat ang Jollibee ng mga sibuyas sa ibang bansa, ngayon, lahat ng sibuyas na kailangan nila, sa San Jose na nila kinukuha. Mas maayos na ang supply chain ng Jollibee, mas lumaki pa ang kita ng mga magsasaka. Kasalukuyang nasa 11 komunidad na ang Jollibee at mag-eexpand pa sila sa mga susunod na buwan.

    Ito po, damay ang ating mga magsasaka sa Kiangan, Ifugao. Nandito po si Mayor. Ang kanila pong tinatanim ay bell pepper at kamatis. Sabi po sa akin ni mayor, nagpirmahan na raw sila ng Jollibee noong nakaraan. Excited po tayong lahat sa partnership ng Jollibee at ng Kiangan.

    Maging ang lugar ni Nanay Zenaida at ni Cong. Ria sa Cabanatuan, may mga calamansi farmers na rin po na hinahanapan natin ng merkado. Nagpakita na ng interes ang Jollibee, at umaasa tayong may mga organisasyon pang sumunod dito.

    Ngayong araw po, inimbitahan natin ang ating mga lokal na pamahalaan at ang iba’t ibang mga industriya na sa tingin natin ay direct drivers of employment: construction, agribusiness, IT-BPO, manufacturing at tourism and services. Sa pamamagitan ng training at employment; kolaborasyon ng akademiya at industriya para sa tamang curriculum ng bawat kurso; at inclusive supply chains, umaasa po tayong dadami ang trabaho para sa ating mga kababayan.

    Sa industriya ng construction, halimbawa, walang sapat na training ang mga construction workers para sa mga bagong trabaho na dala ng teknolohiya. Dahil dito, kumukuha pa ang kompanya ng mga manggagawa sa iba pang mga probinsya para matapos ang kanilang mga proyekto. Ganito rin ang sitwasyon sa services at manufacturing sector.

    Kaya’t binaba natin ang mga job fair sa mga urban poor communities dito sa Metro Manila, upang direkta nang nakakapag-apply ang mga naghahanap ng mga trabaho sa mga kompanya na gusto nilang pasukan. Pinag-aaralan rin natin kung paano maikokonekta ang mga industriyang ito sa skills registry ng kani-kaniya ninyong mga LGU, para hindi na kailangang kumuha sa ibang probinsya ng mga manggagawa.

    Pangalawa, uupuan at pag-aaralan nating mabuti ang curriculum para sa mga vocational courses sa Senior High School, para maihanda sila sa pagtatrabaho. Makikipag-usap rin tayo sa iba’t ibang kompanya, para alamin ang kanilang mga batayan at requirements.

    Kasama sa kailangan rin nating pag-usapan ay ang kalidad at sistema ng On the Job Training at immersions ng mga korporasyon. Halimbawa po rito ang ating partnership na internship program kasama ang Astoria, kung saan sinasanay nila ang mga HRM students sa kanilang mga hotel.

    Panghuli namang hakbang na natukoy natin ay ang pagsigurong inclusive ang ating mga supply chains, para mabigyan ng pagkakataon ang ating mga maliliit na entrepreneurs na umasenso.

    Maliban sa programa ng Jollibee Foundation at mga magsasaka ng Kiangan at Cabanatuan, nandiyan rin ang Del Monte Philippines, na handang bilhin ang mga abaca ng mga katutubong farmers ng Manolo Fortich, Bukidnon, para sa iangkat sa ibang bansa.

    Maging ang French Baker ay nagpakita na rin ng interes na gusto nilang kumuha ng ilang mga sangkap o ingredients mula sa ating mga vegetable growers.

    Ang Bo’s Coffee, tinitingnan rin ang mga produktong kape ng ating mga magsasaka para maisama sa kanilang menu.

    Patunay po ito na hitik tayo sa mga produkto na puwedeng pagkakitaan ng mga maliliit na negosyante.

    Pinag-aaralan rin natin kung paano magkaroon ng “Über for farmers.” Siguro kayo, sumasakay kayo sa mga Über. Ngayon po, ang iniisip natin, Über for farmers, kung saan iniimbitahan natin ang ating mga logistic companies na partners po natin ngayon, na magpahiram ng mga sasakyan para mabilis na maihatid ang produkto ng ating mga magsasaka sa merkado. Dahil diretso ang bilihan at bawas sa gastos ng transportasyon, mas malaki ang perang kikitain ng ating mga magsasaka.

    Sa kabuoan, ito ang Angat Kabuhayan. Ito ang programa natin para masigurong ang bawat pamilyang Pilipino ay makakaahon sa kahirapan.

    Posible po ang lahat ng ito, dahil sa kapangyarihan ng ating pagbabayanihan. Sa ating pagkakapit-bisig, magagawa po nating posible ang lahat ng imposible. Sa ngalan ng lahat ng inyong natulungan at tutulungan pa, taos-puso po akong nagpapasalamat sa inyong suporta at kabutihang loob.

    Marami pa tayong dapat gawin; umpisa pa lamang ito. Sabi ko nga po: Walang imposible kung sama-sama tayo sa ating layunin. Labanan natin ang kahirapan, upang mabigyan ng mas magandang bukas ang bawat Pilipino.

    Muli po, maraming-maraming salamat po sa inyo, at mabuhay po kayong lahat!

    Posted in Speeches on Oct 17, 2017