This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Ang Maging Tunay na Malaya

    11 October 2016

    Speech at the Opening of the Pagpapasinaya ng Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Casa Real, Bayan ng Malolos, Bulacan

    Magandang tanghali po sa ating lahat.

    Nagagalak po akong makasama kayo ngayong araw sa napaka-espesyal na okasyong ito. Sa unang pagkakataon, bubuksan para sa taumbayan ang isang museo na isinasalaysay ang napakayamang kasaysayang pampulitika ng ating bansa.

    Bago pa man tayo mapasailalim sa Kastila, ipinamalas na ng ating mga ninuno ang katutubong sistema ng pamamahala. Sa barangay natin unang nakita, na noon pa ma’y malalim na ang pakikipag-ugnayan ng ating mga lider sa taumbayan. Sa relasyong ito umuusbong ang katiwasayán; ito ang nagdidikta ng kaayusan. Tiwala at pagpapaubaya ang dalawa nitong sandigan.

    Ang pagpapahalagang ito sa isang liderato ang siyang nabuklod at nagbigkis sa sinaunang pamayanan – upang manatili tayong nagkakaisa, sa panahon man ng kapayapaan o digmaan.

    Sa ilalim ng pananakop ng mga dayuhan sa ating bansa, umusbong ang mga bagong lider mula sa iba’t ibang hanay ng lipunan. Minarapat ng ilan sa ating mga kababayan ang pamunuan ang mga pag-aalsa at bumaling sa madugong rebolusyon. May ilan namang nagsulong at nagtaguyod ng isang pamahalaan na dahan-dahang tumayo sa sarili nitong mga paa. Inilatag nila ang balangkas ng isang bagong estado na hinihinging kilalanin ng buong mundo. Ganito nga po ang hirap ng bumuo ng isang bansa. Ngunit hindi sila sumuko at ipinaglaban ang kasarinlan hanggang sa tuluyan na nga nating nakamit ang pinakaaasam na kalayaan.

    Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging mas malinaw na hindi lamang kalayaan mula sa eksternal na kapangyarihan ang nagbubunsod ng pagbabago. Kinailangan din itong magmula sa pansariling mga reporma upang makabangon mula sa digmaan at maiangat ang buhay ng bawat mamamayan. Ngunit sa mga susunod na dekada, naging malinaw din ang ating kalaban: ang pagkasilaw ng ating mga kababayan sa kinang ng poder at kapangyarihan.

    Ang pagdedeklara ng Batas Militar noong dekada sitenta ay maituturing na isa mga pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayang pampulitika. Sa pagnanais na mapanatili ang kapangyarihan ng buong gobyerno sa kamay ng iisang lider, binawi mula sa taumbayan ang demokrasya na matagal nitong ipinaglaban. Pinagnakawan ang kaban ng bayan at nagpakasasa ang iilan sa rikit at garbo ng karangyaan; habang nalugmok sa kahirapan ang karamihan. Dinampot, ipinakulong, at pinahirapan ang sinumang tumutuligsa sa ating pamahalaan. Ginawa tayong pipi, bingi, at bulag sa sarili nating bayan. Ang mismong kapwa Pilipino ang ating naging mga kalaban. Sa pagbabalik-tanaw po, hindi natin maiwasang itanong: hindi ba’t nariyan ang pamahalaan upang pagsilbihan ang bayan? Papaanong nangyari na nabaliktad ito – minsan sa ating kasasaysayan – na ang taumbayan ay nagmanik-luhod at nagpagapos sa isang diktador?

    Gayunpaman, naniniwala po tayo – na ang anumang pagsupil sa karapatang-pantao ay hindi kailanman mamamayani sa bayan ng mga bayani. Naging saksi po ako dito – sapagkat sa bawat bibig na binusalan, sa bawat matang piniringan, sa bawat tainga na tinakpan – ay may ilan pa ring matatapang na patuloy na nakipaglaban upang isiwalat ang katotohanan. Na sa likod ng sinasabing pagbabago ng lipunan noong panahon ng diktadorya – ay ang umaalingasaw na kabuktutan ng isang sistemang pinaiiral ng ganid at úhaw sa panandaliang kapangyarihan. Kung kaya naman, hindi nagtagal at nagising na ang taumbayan.

    Naalala ko pa po – second year po ako noon sa UP College of Economics – nang pumutok ang balita ng pagpaslang kay Ninoy Aquino. May kung anong pumukaw sa aming mga damdamin nang una naming makita ang mga litrato ng duguan niyang katawan sa tarmac. Imbes na pangunahan ng kaba, pinaghugutan ito ng isang buong bayan ng insipirasyon at tapang upang magtipon at umaksiyon. Malinaw ang naging mensahe noon para sa amin: kailangan nang wakasan ang mapang-aping rehimen. Kailangan nang marinig ang sigaw ng taumbayan. Pinasimunuan noon ng administrasyon ni dating Pangulong Marcos ang isang agresibong moro-morong information campaign upang ipalabas na ang bansa ay nasa rurok ng kaunlaran. Maganda daw ang ating ekonomiya. Golden age. Ngunit batid ng marami na ito ay hindi totoo.

    Sa amin pong mga silid-aralan, ipinapása ng aming mga economics professor ang isang white paper na inilantad ang mga kabulaanang nilikha ng dating administrasyon.

    Sa panahon na ang pagsasalita laban sa gobyerno ay maaari ikapahamak ninuman – ang katapangang ipinamalas ng aming mga guro ay nag-iwan ng matinding marka sa aming mga kabataan.

    Amin pong napagtanto: totoo ngang may kapangyarihan ang sinumang nasa panig ng katotohanan. Kung hindi dahil sa white paper na iyon, kung hindi dahil sa mga patagong pag-oorganisa, sa mga tahimik na pagmi-miting sa di-oras ng gabi, sa magmamartsa at pagwewelga sa kalye, sa mga dula at pelikulang politikal, sa pagsulpot ng alternatibong media at mosquito press – matagal na sanang naibaon sa limot ang kalayaang matagal na ipinaglaban ng ating mga ninuno.

    Kung walang nagtangkang sumalungat sa naghaharing sistema noon, hindi sana nagyabong at bumulaklak ang ating demokrasya. Kung hindi tayo umusal ng pagtutol – ’di sana’y pinamumunuan pa rin tayo’t tumatalima sa isang diktador. Kaya bago po kami gumaradweyt sa college, ipinamalas natin sa buong mundo ang isa sa pinakamapayapang rebolusyon sa kasaysayan ng buong daigdig.

    Sinasabi nila na ang Pilipinas daw ang may pinakamatandang demokrasya sa buong Asya. Ngunit atin sanang alalahanin na sa likod ng bansag na ito ang ilang dekadang pakikibaka at pakikiisa ng ordinaryong taumbayan sa pamamahala. Ang ordinaryong tao na madalas ay nilalamon ng korupsyon at katiwalian.

    Atin din pong tatandaan: na ang pulitika ay hindi lamang isang paligsahan upang makamit ang mga puwesto ng kapangyarihan. Ang tunay na galaw at layunin nito ay ang maitaguyod ang pagkakapantay-pantay ng ating mga karapatan bilang mga tao. Nakaugat ito sa kapangyarihang dumadaloy at nananalatay sa ugat ng ordinaryong mamamayan. Sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa papel ng bawat isa sa larangan ng politika natin makakamit ang tunay na diwa ng demokrasya.

    Ang pagpapasinaya po ng museong ito ay isang pangako na hindi na tayo makakalimot sa ating mga pinagdaanan bilang isang bayan. Isa itong paglingon sa nakaraan, upang hindi na maulit pa ng mga susunod na henerasyon ang ating mga pagkakamali’t pagkukulang. Sa ating pagpasok at pagtingin sa bawat nakatanghal na kuwento’t pamana ng nakaraan, mas namnamin nawa natin ang ating tinatamasang kalayaan sa kasalukuyan.

    Sa panahong tulad ngayon na pilit binabaluktot at binibigyang-bagong bihis ang ating nakaraan, magsilibi nawang gabay ang museong ito upang maituro, lalo na sa ating kabataan – ang mga aral at leksiyon ng ating kasaysayan. At tulad na lamang ng lumang bahay na ito sa atin harapan – manatili nawang matatag at matibay ang ating paninindigan na tumindig laban sa anumang hakbang na supilin ang karapatang-pantao at takasan ang pagsunod sa wastong proseso ng hustisya.

    Sa huli, patuloy pong ikukuwento ng museong ito ang bawat sakit at tagumpay na sambayanang Pilipino. Huwag sana nating biguin ang susunod na salinlahi kung papaano natin ito pagtutulungang buuin.

    Maraming salamat po at isang mapagpalayang araw sa ating lahat!

    Posted in Speeches on Oct 11, 2016