This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Ang Kabataan at ang Panibagong Yugto ng Pag-asa

    Message at the 11th Commencement Exercises of Teodoro M. Luansing College of Rosario Aquamarine Recreational Center, Banaybanay, Lipa City

    delivered on 04 April 2019

    Thank you very much. Kindly take your seats.

    Rep. Lianda Bolilia of the 4th District of Batangas; Rosario Vice Mayor Leovy Morpe; Mr. Ricky Recto; Dr. Maria Camille Luansing-Ilagan, President of TML College of Rosario; Mr. Teodoro Karr M. Luansing, Vice President of TML College of Rosario; members of the Board of Trustees; the deans of the different colleges; faculty, staff, and students; my beloved graduates; parents; honored guests; ladies and gentlemen: Magandang hapon po sa inyong lahat! [applause]

    Una sa lahat, isang mainit at malugod na pagbati sa ating mga ipinagmamalaking graduates! Nagtitipon tayo ngayong araw bilang pagkilala sa inyong mga tagumpay at sa dedikasyong ibinuhos ninyo para makarating sa puntong ito. Patunay kayo na walang pangarap na hindi kayang abutin kapag tayo ay handang magsikap para makamit ito.

    Sigurado ako, hindi naging madali ang inyong pinagdaanan. Saksi ang lahat na sulok ng TML College of Rosario sa inyong mga pinagdaanan para maging mas mahusay at mas magaling sa inyong mga napiling larangan. Araw-araw, alam ko, parang kaliwa’t kanan ang mga sumusubok sa inyong kakayahan. Minsan, parang kulang ang bente-kwatro oras para sa lahat na kailangang gawin. Pero sa tulong at gabay ng mga tao sa inyong paligid, nalagpasan ninyo ang lahat na iyon.

    Nandiyan ang buong school administration at faculty ng TML College of Rosario, na naging saksi sa inyong buong paglalakbay, na inalay na ang buhay sa bokasyon na mapabuti ang inyong henerasyon.

    Nandiyan ang inyong mga kamag-aral, na nakita na siguro kayong umiyak, tumawa, magmukmok, at magpakasaya, mula pa noong unang araw ng klase. Ngayon man marahil ang huling araw na kayo’y magkakasama sa loob ng eskwela, hindi naman dito nagtatapos ang inyong mga pagkakaibigan na subok na ng panahon.

    At siyempre, nandiyan ang inyong mga mahal na magulang, na nagsumikap upang maitaguyod ang inyong mga pangangailangan. Bilang isang magulang rin, batid ko na hindi naging madali ang inyong pinagdaanan, lalo na sa hirap ng buhay. Marahil ang iba sa inyo, kabi-kabila ang kinukuhang trabaho para may makain lamang araw-araw at mapatapos ang mga anak sa pag-aaral. Pero sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayon, parang paunti nang paunti na rin ang laman ng plato natin. Na kahit anong overtime, kulang pa rin ang kinikita. Na kahit anong pagba-budget, lagi pa rin tayong gipit.

    Pero ngayong araw ay patunay na ang bawat sakripisyo at pagtitiis, at bawat butil ng pawis at dugo, ay hindi para sa wala. Ang imposible, nagawa ninyong posible. At ngayong araw, ang tagumpay nila ay tagumpay rin ninyo. Kaya sa mga magulang ng ating bagong graduates: congratulations rin po sa inyong lahat! [applause]

    Mga minamahal kong magsisipagtapos: Ngayong araw nagsisimula ang bagong kabanata ng inyong buhay. Sino ba naman ang mag-aakala na sa isang iglap, tapos na ang senior high school? Na sa isang kisapmata, tapos na ang college? Na bukas, ang buong mundo na ang inyong magiging classroom?

    Kaya naman ang araw na ito ay hindi lang isang araw ng pag-alala sa ating mga pinagdaanan. Ang araw na ito ay araw din ng pasasalamat at pagbibigay-galang sa lahat ng nakadaupang-palad natin sa eskwela, at tumulong sa atin para marating natin ang ating mga pangarap. Pagpapasalamat ito ngayon para sa mga araw na muntik na kayong sumuko, pero bumangon at lumaban ulit. Pagpapasalamat ito, para sa mga oras na kahit mahirap, kinaya ninyo ang inyong mga pagsubok, at sa mga oras na sinusuportahan ninyo ang bawat isa para lamang makapagpatuloy. Pagpapasalamat ito, para sa lahat ng aral na babaunin ninyo sa inyong pagtatapos—tinuro man ito ng mga libro o ng buhay mismo.

    Ang araw na ito ay isang bagong simula, para harapin nang mas may tapang ang mundong naghihintay sa atin paglabas ng eskwelahan. Ngayon, hindi na lang simpleng problema ng Math o Science ang kailangan hanapan natin ng solusyon. Responsibilidad na rin ninyo ang inyong mga pamilya, lalo na sa pag-aalaga sa inyong mga magulang. Bilang bahagi ng isang mas malaking komunidad, mahalaga ang boses ninyong kabataan sa mga usaping panlipunan. Ngayon, kasama na rin kayo sa mas malaking laban natin para sa ating bayan, tulad ng pagtatanggol ng ating kalayaan at demokrasya, masigurong protektado ang karapatang-pantao ng bawat isa, at pagtindig sa kung ano ang tama, at pagtakwil sa kung ano ang mali sa ating lipunan.

    Sa inyong pagharap sa isang mas magulo at mas kumplikadong mundo, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili: Ano ba ang maiaambag ko sa pagbabago ng mundo? O hahayaan ko na lang ba na ang mundo ang magbago sa akin? Ano ba ang pangarap ko para sa aking bayan?

    Marahil narinig na ninyo itong sinasabi ng mga nakakatanda sa inyo: hindi magiging madali ang buhay paglabas ninyo ng eskwela. Ngunit sa mapanghamong panahon tulad ngayon, kayo ang kailangan namin: mga kabataang walang takot at walang pag-aalinlangang lumalaban para sa kanilang mga adhikain at pinaniniwalaan.

    Mayroon po kaming programa sa aming opisina na ang tawag ay Istorya ng Pag-asa. Ito ay mga istorya at kuwento ng mga ordinaryong Pilipino, na nagdaan sa matitinding pagsubok pero nagtagumpay sa huli. Hayaan ho ninyo ako na ikuwento ang ilang istorya ng pag-asa na aming nahanap.

    Ang pinakauna, ang kuwento ni Ave Alba, na katulad ninyo ay wala ring takot at pag-aalinlangang lumaban para sa kaniyang mga pangarap. Si Ave ay isa sa mga tinatawag naming Istorya ng Pag-asa “champs” para sa programa ng aming opisina, na sabi ko nga kanina ang tawag ay Istorya ng Pag-asa. Ang pinaka-layunin po ng programang ito ay maghanap ng mga kuwento ng mga ordinaryong Pilipino na nagpapakita ng natatanging tibay sa kabila ng maraming hamon ng buhay. Ito po ang naging sagot ng aming opisina sa negatibismong laganap sa ating bansa.

    Bata pa lang si Ave, binawian na ng buhay ang kaniyang ina. Pero ipinangako niya sa sarili na magtatapos siya ng pag-aaral. Dinala siya ng pangakong iyon sa napakaraming pagsubok. Namasukan si Ave bilang kasambahay ng kaniyang mga guro at ito ang tumulong sa kaniya para makapagtapos siya ng grade school at high school.

    Naging iskolar siya noong college at kumuha rin siya ng trabaho sa kaniyang paaralan para may pantustos sa araw-araw. Janitress si Ave sa araw; estudyante naman siya sa gabi. Ang kuwento niya, madalas ay pinagsasabay niya ang pag-aaral at paglilinis ng mga banyo sa paaralan: libro ang hawak sa kanan, mop naman o basahan sa kabila. At dumating nga ang araw ng kaniyang pagtatapos. Sa kaniyang college graduation, nagtapos siya bilang summa cum laude. [applause] Napakahusay, ‘di ba?

    Pagka-graduate, nagsimula si Ave bilang isang court stenographer. Dahil sa kaniyang trabaho, na-inspire siyang kumuha ng abogasya, kaya nag-enroll siya sa College of Law sa isang paaralan sa Bicol. Kumakayod siya sa araw bilang isang court stenographer, law books naman ang pinagkakaabalahan niya kapag gabi.

    Hindi nagtagal, kumuha si Ave ng Bar exam, pumasa, at naging mahusay na abogado. Ngayon, kilala na siya bilang Judge Ave ng Municipal Trial Court ng Daraga, Albay. [applause]

    ‘Di ba napakaganda ng kuwento? Napakaganda ng kuwento ni Judge Ave. Patunay siya na hindi kailangan ng kayamanan at karangyaan para matupad ang mga pangarap sa buhay. Si Judge Ave, nangarap, nagsikap, at hindi nagpatalo sa mga pagsubok sa buhay.

    Tulad ni Judge Ave, ang kuwento ni Aling Charing ay natatangi rin. Si Aling Charing ay isang street cleaner sa aming lungsod sa Naga. Single parent siya na may limang anak, pero hindi naging hadlang ang kahirapan para mapagtapos niya ang kaniyang limang anak. At noong tapos na ang kaniyang mga anak, na-inspire si Aling Charing na siya naman ang bumalik sa pag-aaral.

    Gaya rin ni Judge Ave, pinagsabay ni Aling Charing ang trabaho at pag-aaral. Sa umaga, walis ang bitbit ni Aling Charing para sa kabuhayan. Sa gabi, libro naman ang hawak niya. Hindi naglaon, natapos siya ng high school sa edad na 50 years old. Siya man ang isa sa pinakamatanda sa kaniyang batch, hindi ito naging hadlang sa kaniyang tagumpay.

    Pero hindi pa dito nagtatapos ang kuwento ni Aling Charing, dahil pagkagraduate ng high school, nag-enroll pa siya sa college. Sa edad na 54, nagtapos na po siya—isa na namang patunay na walang imposible sa pagsisikap at pagtitiyaga. Anumang edad, anumang panahon, hindi pa huli para sa kahit kanino ang matuto at pumasok sa eskwela.

    Kanina po nagsasalita si Ma’am Camille, ang ating presidente; pinatayo niya ang isang kasama niyo. At alam niyo, ito rin ang naging simulain ng pangarap ng isa sa inyo, na sa dami ng pinagdaanan sa buhay ay kasama natin ngayon—nagtatapos din katulad ninyo. Dito mismo sa TML College of Rosario, isa ding istorya ng pag-asa iyong ating natunghayan. Iyon iyong kuwento ni Cecilia Fruelda[1], na tumayo kanina. Palakpakan po ulit natin si Cecilia. [applause] Napanood na natin iyong kaniyang video, pero si Cecilia ay isang proud na Aeta tribal leader, ALS graduate, at ngayon, future teacher ng kaniyang komunidad. [applause]

    Bago makarating sa puntong ito, napakaraming pagsubok ang pinagdaanan ni Cecilia. Para maitaguyod ang kanilang mga anak, iba’t ibang trabaho ang pinasok niya at ng kaniyang asawa: mula sa pagtitinda ng bote, paglalako ng meryenda, pagtatabas ng tubo sa bukid, at pagpasok sa patahian. Ayon sa kaniya, “kung hindi magtitinda, hindi kakain,” kaya anumang lagay ng panahon, araw-araw, kumakayod ang mag-asawa para may maihain sa hapag.

    Hanggang sa isang araw, inalok siya ng mga guro ng ALS na mag-enroll at bumalik sa eskwela. Ang kuwento ni Cecilia, mas mahalaga para sa kanilang komunidad ang magtrabaho kaysa mag-aral. Pero noong nagkaroon ng pagkakataon na bumalik sa pag-aaral, kinuha niya ito, sa paniniwalang ito ang mag-aangat sa buhay ng kanilang pamilya.

    Sa tulong ng napakaraming tao—mula sa mga guro ng ALS, sa lokal na pamahalaan, at mga kapwa katutubo—nagsikap si Cecilia sa programa at nakatapos. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo, kung saan buong puso siyang tinanggap ng TML College of Rosario.

    Sa kolehiyo, may mga araw na hindi siya nakakapasok dahil kailangang magtinda at magtrabaho para sa baon ng pito niyang anak. Kahit na may mga pagkakataon na gusto na ni Cecilia na tumigil dahil nakakadagdag sa gastos ang pag-aaral, sinuportahan at tinulungan siya ng mga guro at mga kaklase niya.

    At ngayon nakita natin, kasama ninyo, magtatapos na rin si Cecilia sa kanyang napiling kurso. Ang pangarap niya ngayon pagka-graduate: maging isang mahusay na guro sa kanilang komunidad. Umaasa siya na dahil sa kaniyang istorya, maraming katutubong kabataan rin ang babalik sa eskwela.

    Sa dami ng mga suliranin natin sa buhay, parang napakadali na lang mawalan ng pag-asa. Marahil nga, ang ilan sa inyo, nakaranas na ng mga pagsubok na simbigat, o higit pa, sa mga pinagdaanan ni Cecilia, ni Judge Ave, at ni Aling Charing. Marahil may mga pagkakataon na nawawalan tayo ng lakas ng loob at tiwala sa sarili na kaya nating lagpasan ang mga ito. Na araw-araw, parang nagpapagod tayo para sa wala. Na sa dulo ng lahat ng ito, sagad na sagad na tayo, pero parang mas dumarami pa ang problema na kailangan nating harapin.

    Ngunit ang kwento nila ay patunay na may maganda pang bukas na naghihintay sa atin, kung nandiyan ang determinasyon at sipag, kung nandiyan ang tibay ng loob. Sa mga nagdaang taon, nakita natin kung paano tayo binago ng mga pagsubok na hinarap ng ating bansa. Pero bilang mga Pilipino, lagi tayong bumabangon mula sa anumang hamon ng buhay. Nagpapatuloy tayo, alang-alang sa ating mga pamilya at para sa mga pangarap natin para sa kanila.

    Lagi ko ngang sinasabi: Ang istorya ng bawat Pilipino ay istorya ng pag-asa. Mula noon hanggang ngayon, humuhugot tayo ng lakas, suporta at inspirasyon mula sa pinagdadaanan ng isa’t isa. Kilala ang mga Pilipino sa ating kahusayan at kabutihan sa kapwa. Kilala tayo bilang bayan ng magigiting: tumitindig para sa kalayaan at demokrasya. Kilala tayo bilang isang lahi ng mga bayani—na araw-araw sumusuong sa laban ng buhay, hindi sumusuko, anuman at sinoman ang kailangang harapin.

    At nakikita ko: Tangan na ng bawat isa sa inyo ang mga katangiang ito na ating ipinagmamalaki. Sa panahon ng kawalang-kasiguraduhan, kayo ang patunay na ang kabataan ang pag-asa natin—hindi lang bukas, kundi para sa ngayon.

    Likas na sa inyo ang pagkamalikhain, na para bang napakadali para sa inyong hanapan ng solusyon ang mga problemang hinaharap natin ngayon. Sa ating kasaysayan, ang kabataan ang kadalasang simulain ng mga mahahalagang pagbabago sa ating lipunan: mula sa pagsulong ng mga isyu ng mga grupong kadalasan ay hindi napapakinggan, hanggang sa pagsisigurong ang susunod nating mga lider ay mahusay at mapapagkatiwalaan. Ngayong parating na naman ang isa pang eleksyon, higit na mahalaga ang papel na maaari niyong gampanan, sa bigat ng mga bagay na nakasalalay.

    Naniniwala tayo lagi: nasa taumbayan ang kapangyarihang magdesisyon para sa kaniyang kinabukasan. Kaya sana, gamitin ninyo itong pagkakataon para palakasin hindi lamang ang inyong mga boses, kundi pati ang mga boses ng inyong komunidad. Sa kabila ng mga pagsubok, sana ay hindi kayo panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa para sa bayan.

    Upang mangyari ito, responsibilidad ninyo na higit pang pagyamanin ang mga tinuro sa inyo ng inyong mga guro at mga magulang. Gamitin ninyo ito upang tulungan hindi lamang ang inyong sarili, kundi pati na rin ang inyong kapwa.

    Kayo ang panibagong yugto ng pag-asang ito. Pagdating ng panahon, marami sa inyo ang magiging doktor, abogado, teacher, engineer, o pulis. May ilang papasok sa pagne-negosyo at, marahil, sa pulitika. Saan man kayo dalhin ng tadhana, sana ay ipamalas ninyo hindi lang ang inyong husay, kundi lalong-lalo na ang inyong paninindigan na nahubog dito sa inyong pamantasan. Lagi ninyong tatandaan: ang kinabukasan ng ating bansa ay nasa kamay ng bawat isa sa inyo.

    Kaya mabuhay kayo, Class of 2019! Congratulations! Happy graduation! Maraming salamat po, at pagbati muli sa inyong lahat! [applause]

    Posted in Speeches on Apr 05, 2019