This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Ang Hamon sa Kabataan Ngayon

    Message at the Senior High School Graduation Rites of the Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System

    Minor Basilica of the Immaculate Conception, Intramuros, Manila

    Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat. Fr. Marion Mark Munda, School Director RCAM-ES (Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System) Clusters 3 and 4; Fr. Leo Angelo Ignacio, Assistant School Director of RCAM-ES Clusters 3 and 4; mga punong guro—Dr. Henry Davalos, Dr. Evelyn Tallod, Mrs. Maria Christina Nicolas; mga guro; mga magsisipagtapos; mga magulang at bisita; mga kababayan; magandang umaga sa inyong lahat! [applause]

    Unang-una sa lahat, isang mainit na pagbati sa inyo, Batch 2019 and congratulations for a job well done! [applause]

    Ngayong araw, pinatunayan ninyo na ang bawat pangarap ay kayang abutin, basta’t handang magtiyaga at magsakripisyo. Ipinakita ninyo na walang imposible sa taong nananalig sa Diyos at naniniwala sa sarili.

    Proud na proud kaming lahat sa inyo, dahil alam naming hindi naging madali ang inyong pinagdaanan para makarating sa puntong ito. Sa dami ng mga pangalan at dates na kailangang i-memorize sa Hekasi, sa dami ng mga formula at equations na ipinapa-solve sa inyo sa Math, at sa dami ng essays na ipinapasulat sa English at Filipino—sino nga bang mag-aakala, na sa isang iglap, tapos na ang senior high school? At nandito kayo ngayon, inaani na ang lahat ng inyong itinanim at pinaghirapan sa loob ng anim na taon.

    Totoong napakaraming hamon ang inyong hinarap. Pero hindi kayo sumuko; hindi kayo pinanghinaan ng loob. Lumaban kayo at nagpatuloy! At sa dulo, nakamit ninyo ang minimithing tagumpay.

    Pero alam natin na hindi ninyo mararating ang araw na ito kung wala ang mga taong nagbigay ng suporta at naniwala sa inyo mula sa umpisa—ang inyong mga guro na nagsilbi ninyong gabay at [ang] inyong mga magulang na nagsikap at nagsakripisyo para kayo ay maitaguyod.

    Bilang mga magulang, inuuna natin lagi ang kapakanan ng ating mga anak. Iniisip natin araw-araw kung saan kukuha ng pamalangke, pamasahe, at pambaon ng mga bata. May mga gabing hindi tayo makatulog at inaalala ang matrikula sa susunod na semestre. Nagdarasal na hindi tayo magkasakit at mawalan ng trabaho. Na sana ay laging ligtas ang ating mga anak.

    Iyong iba po sa atin, kinakailangan dala-dalawa or tatlo pa ang trabaho. Ang iba naman, hindi pa sumisikat ang araw, nagsisimula nang kumayod. Ang ilan, inaabot na ng hatinggabi sa trabaho. Sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at patong-patong na gastusin, hindi po natin maiwasang mag-alala para sa ating mga pamilya.

    Ang bawat sakripisyo, pagtitiis, at patak ng pawis at dugo natin ay hindi napunta sa wala. Napagtapos ninyo sa senior high school ang inyong mga anak. Kaya sa mga magulang pong nandito ngayon: Congratulations din po sa inyo! [applause]

    Mga minamahal kong magsisipagtapos, kayo ngayon ay nahaharap sa isang mahalagang sangandaan. Anuman ang tatahakin ninyong landas, lagi ninyong tatandaan: Ang bawat isa sa inyo ay mga tanglaw ng liwanag sa kabila ng kadilimang tila bumabalot ngayon sa mundong ating ginagalawan.

    Isa po sa mga programa ng aming opisina ay ang Istorya ng Pag-asa. Layunin nito ang maghanap ng mga kuwento ng mga ordinaryong Pilipino na nagpapakita ng lakas at tatag ng loob sa harap ng maraming pagsubok. Ang hamon natin sa isa’t isa: bakit hindi natin tapatan ng mga kuwento ng inspirasyon ang negatibismo na bumabalot sa ating bansa?

    Isa sa mga kuwento na aming natagpuan ay ang kuwento ni Ave. Ipinanganak si Ave sa isang mahirap na pamilya. Maaga mang naulila sa ina, ipinangako ni Ave na siya ay magtatapos sa pag-aaral.

    Ngunit hindi naging madali ang lahat para kay Ave. Para matustusan ang sarili, namasukan siya bilang kasambahay ng kaniyang mga guro sa Elementary at High School. Pagtapak sa college, nagtrabaho siya bilang janitress sa paaralan kung saan siya nag-aral. Madalas may hawak siyang libro sa isang kamay habang hawak ng isa pang kamay ang panglinis ng banyo. Pero alam ninyo? Pagdating ng college graduation, summa cum laude si Ave.

    Pagkatapos grumaduate, nag-apply si Ave bilang isang court stenographer. Dito niya naisipang kumuha ng abogasiya at mag-enroll sa College of Law. Sa araw, siya ay court stenographer; sa gabi, law student naman.

    Dahil sa determinasyon, pumasa siya ng Bar at naging isang mahusay na abogado. Ngayon, si Ave ay kilala na bilang judge—siya na ngayon ay si Judge Ave ng Daraga, Albay!

    Tulad ni Judge Ave, may ilan din siguro sa inyo na humaharap sa maraming pagsubok. Huwag kayong panghinaan ng loob. Lagi ninyong alalahanin, na mas pinatitibay tayo ng mga dagok na ating natatanggap sa buhay. Ito rin ang mahalagang aral na natutunan ni Vejiel.

    Si Vejiel Velez ay miyembro ng Ata tribe. Siya ay tubong Don Salvador Benedicto, Negros [Occidental]. Dahil lamang sa kulay ng kaniyang balat at sa kulot niyang buhok, madalas ay tinutukso siya ng kaniyang mga kaklase. Pero hindi nagpatinag si Vejiel. Nagsipag siya at pinagbutihan ang pag-aaral. Nakatanggap siya scholarship para makapag-aral sa University of St. La Salle sa Bacolod at nagtapos siya bilang cum laude sa kursong Elementary Education. Ngayon, nagtuturo siya sa isang preschool sa Bagac, Bataan. Ito raw ang kaniyang paraan para magpasalamat sa lahat ng mga taong tumulong para siya ay magtagumpay sa buhay.

    Ang pinakahuling ikukuwento sa inyo ay tungkol sa dalawang batang lalaki mula sa Siayan, Zamboanga del Norte. Ang Siayan ay nakilala bilang isa sa pinakamahirap na lugar sa buong Pilipinas mula 2003 hanggang 2009.

    Noong una kaming bumisita doon, nalaman namin na isa sa pinakamalaking problema ng mga taga-roon ay kung gaano kataas ang dropout rate sa High School. Gustong sabihin, napakaraming mga mag-aaral ang hindi tinutuloy ang kanilang pag aaral. Ang dahilan, sobrang layo sa paaralan ng mga inuuwian ng mga bata. Naghanap kami ng partner para makapagpatayo ng dormitoryo sa loob mismo ng Siayan National High School kung saan puwedeng tumira ng libre ang pinakamahihirap na estudyante na pinakamalalayo ang inuuwian.

    Noong Pebrero 2018, bumalik kami sa Siayan para buksan ang nasabing dormitoryo. Doon ko nakilala si Rain-Rain. Si Rain-Rain ay 17 years old at nasa Grade 10. Walong kilometro ang layo ng kaniyang bahay sa paaralan, kaya naglalakad siya ng mahigit isang oras araw-araw at tumatawid ng dalawang ilog. Naikuwento niya, kapag malakas ang ulan, siguradong absent na siya sa klase dahil tumataas ang tubig sa ilog, at nagiging delikado itong tawiran. Gumigising siya ng alas-tres o alas-kuwatro ng umaga, pero dahil kailangan pa niyang maghanda ng almusal, madalas ay late na siyang dumarating sa klase. Nakakauwi siya sa kanila, gabi at madilim na. Masaya siyang nakatira sa dorm dahil hindi na siya kailangan maglakad ng napakalayo araw-araw.

    Nakilala rin namin si Junrey Marinog. Dalawampu’t dalawang taong gulang na si Junrey, pero nasa Grade 10 pa rin siya. Sabi niya, makailang beses na nga siyang huminto sa pag-aaral para suportahan ang kaniyang pamilya.

    Naging construction worker siya sa Dipolog sa loob ng tatlong taon, at pagkatapos naman ay naging habal-habal driver. Parehong may sakit ang kanyang mga magulang, kaya sa murang edad—si Junrey na ang tumatayong padre de pamilya.

    Kapag naaalala ko ang hirap na pinagdaraanan ng marami nating kababayan katulad nila Junrey, masakit isipin na sa simpleng problema tungkol sa traffic at mabagal na Internet, panay reklamo na ang ibang mga kabataan. Sila nga, tumutulong pa sa kapwa kahit hirap na hirap sa buhay.

    Pakapulutan sana ninyo ng inspirasyon ang mga kuwento nina Judge Ave, ni Vejiel, ni Rain-Rain, at ni Junrey. Sa mga panahong pinanghihinaan kayo ng loob, balikan ninyo ang kanilang mga kuwento. Humugot kayo ng tapang at lakas sa mga katulad nila na nagpursige sa gitna ng matinding sakripisyo.

    Lagi ninyong tandaan: kayo ang susunod na henerasyon ng mga doktor, mga abogado, mga guro, mga arkitekto, pulis, sundalo, negosyante, journalist, at lingkod-bayan ng ating bansa. Kapag dumating ang panahon na iyon, piliin sana ninyong maglingkod nang tapat. Piliin ninyong ipaglaban ang karapatan ng mahihina at naaapi. Ipagtanggol ninyo ang mga walang boses, at pangalagaan ang dangal ng pagiging isang tunay na Pilipino.

    Gawin ninyong inspirasyon ang inyong mga guro. Isabuhay ninyo ang kanilang sipag, katapatan, at dedikasyon sa trabaho. Pakinggan ninyo ang inyong mga magulang. Alalahanin ninyo ang kanilang mga itinuro sa inyo: ang wastong asal at pag-uugali, takot sa Diyos, at respeto sa kapwa.

    Marami ang ating magagawa kung tayo ay nagkakaisa. Huwag nating iatang ang reponsibilidad sa balikat ng iisa lamang na lider. Sa ating mga sarili magsisimula ang pagbabago. Hindi iisang tao lamang ang kailangan ng bayang ito para magbago. Hindi iisa—kundi bawat isa.

    Kaya sulong, Batch 2019! Kayo ang aming pag-asa.

    Maraming salamat! Congratulations at happy graduation sa inyong lahat! [applause]

    Posted in Speeches on Mar 28, 2019