House Committee Hearing for OVP’s 2020 Budget
House of Representatives

REPORTER: Sir, how do you feel po? Were you expecting, Sir, na magte-terminate po iyong hearing for today?

USEC. PHILIP DY: Siyempre, kami sa Office of the Vice President, sa pangunguna ni Vice President Leni Robredo, masayang masaya na naging successful iyong aming budget hearing. In fact, nagpapasalamat kami doon sa naging oportunidad para ipaliwanag kung ano ba iyong mga programa ng opisina, lalo na iyong aming Angat Buhay program, kasi iyon talaga iyong tinututukan ni Vice President Leni, para marating iyong mga nasa laylayan at makapagbigay ng tulong.

Nanghihinayang nga kami kasi talagang si Vice President, lagi niyang mine-make sure na maka-attend siya sa ganitong mga budget hearing, na personally i-defend at maipaliwanag iyong aming budget at iyong aming mga programa. Nagkataon lang na na-cancel iyong flight nila ngayong umaga dahil sa masamang panahon.

So kami po ay nagpapasalamat sa ating Kongreso para sa naging pagtanggap nila sa aming mga programa at pagsuporta sa aming budget, pati pa nga iyong manifestation na kung kakailanganing increase-an o dagdagan ay suportado naman po ng ating Kongreso.

REPORTER: Sir, sa lahat po ba ng proyekto ng OVP, ano po ba iyong pinaka-focus natin? Iyon po bang Angat Buhay?

USEC. PHILIP DY: Ang pinaka-focus talaga ni Vice President Leni Robredo ay iyong ating Angat Buhay program. Ito iyong programa na sinimulan noong 2016 pa lang, noong siya ay naupo bilang Bise Pangulo, at iyong pinaka-layunin ng programa ay paano ba tayo makakabigay ng tulong sa mga parte ng bansa na hindi na kadalasang naaabot ng tulong ng gobyerno, dahil ito ay malalayo, ito iyong mga isla, ito iyong talagang kailangan mong sumakay ng barko, ng kung ano-ano pang mode of transportation, para makarating. So ito iyong pinaka-advocacy ni Vice President Leni Robredo. At nagpapasalamat tayo sa Kongreso, na sa kanilang pagbigay-suporta sa budget ng opisina ay mas marami pa tayong maaabot na mga pamayanan, sa pamumuno ni Vice President Leni Robredo, para makapagbigay ng tulong.

REPORTER: Sir, last na po from me: Magma-manifest pa po ba tayo ng increase pa po sa budget?

USEC. PHILIP DY: Sa ngayon naman, kami ay nagpapasalamat dahil iyong aming nirekomenda na budget ay more or less naibigay naman. Kung ikukumpara iyong aming pinropose doon sa nirekomenda ng DBM, hindi naman naging masyadong malayo iyong naging pagitan. Iyong original na aming pinropose ay 675 million [pesos]; iyong nirekomenda ng DBM is around 665 million [pesos]. At hindi naman na ito masyadong nalalayo doon sa budget na aming ginagalawan para sa 2019. So palagay naman namin, kung magkaroon ng pagkakataon na ibigay iyong parehong budget ay magkakaroon kami ng sapat na pondo at sapat na kakayahan para maipatupad iyong mga adbokasiya ni Bise Pangulo Leni Robredo.

REPORTER: All right, thank you, sir. 

– 30 –