Kahapon, nagtungo tayo sa Guimaras upang personal na makiramay sa mga pamilya ng mga kababayan nating nasawi sa pagtaob ng mga bangka sa Iloilo-Guimaras Strait. Sa ating pagbisita, ipinarating nila sa atin ang kanilang hinaing na maibalik ang sinuspindeng operasyon ng Iloilo-Guimaras pumpboats. Daing nila, labis nitong naapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, lalo na ang industriya ng agritourism na kanilang pinagkakakitaan.

Kasunod ng ating panawagan, nagagalak tayong malaman na tinanggal na ang suspensyon sa mga nasabing byahe. Nagpapasalamat tayo sa Kagawaran ng Transportasyon, sa pangunguna ni Sec. Art Tugade, sa kanilang pakikinig sa hinaing ng taumbayan. 

Umaasa tayong simula ito ng pagiging mas bukas ng pamahalaan sa pagkonsulta sa ating mga kababayan sa paggawa ng mga hakbang na mas makapagpapabuti at makapagpapagaan ng kanilang pamumuhay. Nananatiling bukas ang ating Tanggapan sa pag-alalay sa ating mga kapatid sa Iloilo at Guimaras sa kanilang patuloy na pagbangon.

– 30 –