Naga City, Camarines Sur

REPORTER 1: VP, paghahanda po ba ito sa presidential elections sa 2022?

VP LENI: Masyado pang matagal iyong presidential elections. Iyong kasaysayan pinapakita na sa loob nga lang ng isang taon, ang dami nang nangyayari. How much more iyong tatlong taon? Iyong pagkandidato ko ng Congress, last minute umiba iyong sitwasyon. Iyong pagkandidato ko ng VP ganoon din. Iyong sa akin, dapat hindi ito paghahanda for 2022. Pero paghahanda sa lahat na dumadating ngayon kasi iyong laban ngayon, eh. Depende kung papaano mo hinarap iyong mga issues, iyon iyong magshe-shape ng 2022. Kaya tingin ko useless na paghandaan iyong 2022 kasi marami pa talagang puwedeng mangyari. Maraming mag-e-emerge pa na mga possible na kandidato. Marahil iyong mga frontrunners ngayon, later on hindi naman sila iyong mga kakandidato. So ang para talaga sa akin, paghandaan iyong present kasi maraming mga issues na dumadaan na hindi nakakareact na maayos dahil hindi handa. Gaya na lang nitong mga problema sa teritoryo natin, iyong mga problema sa mga mangingisda. Maraming… maraming mga bagay na kailangang ayusin ngayon. 

REPORTER 1: Pero posible ito, VP?

VP LENI: Ang alin?

REPORTER 1: Iyong pagtakbo po ninyo sa 2022? 

VP LENI: Lahat naman posible. Lahat posible dahil iyon nga, iyong history pinakita na—ako, hindi ko naman pinlano kahit ano, eh. Tingin ko kasi iyong presidency, ano iyon, destiny. Kahit anong paghahanda mo, kung hindi iyon para sa iyo, hindi iyon… hindi mo iyon… hindi talaga para sa iyo. Kaya tingin ko talaga, hindi… hindi tama na maghanda ka na ngayon. Halimbawa sa akin, mayroon kaming anti-poverty program sa Office of the Vice President. Kapag pagkandidato ng 2022 ang aking iniisip, iyong lahat na gagawin ko, pulitika na at masisira iyong programa namin. So dapat iyong iniisip iyong ngayon, papaano makakatulong, papaano pagbubutihin. Kung after three years na bumuti iyong sitwasyon, bakit hindi? Pero ngayon, useless talaga na paghandaan iyon. 

REPORTER 2: Ma’am, update lang po natin, reaction po doon sa sinabi ni [Foreign Affairs Secretary] Teddy Locsin?

VP LENI: Sinabi ko na ito kahapon na hindi ako pumapatol—hindi ako pumapatol ever since sa bastusan. Kapag ang usapin may halong kabastusan, hindi ko iyon papatulan kahit kailan kasi hindi naman tayo ganoon. Hindi ganoon ako, hindi ganoon iyong Pilipino. Dapat hindi binibigyan ng buwelo iyong mga ganoon. Sobrang dami noong mga issues na kailangang ayusin ngayon. Iyon na lang iyong pagtuunan natin ng pansin. 

Halimbawa na lang iyong… iyong issue tungkol sa cancellation ng diplomatic passports, mayroon tayong batas. Mayroon tayong batas—Republic Act [No.] 8239. Bakit hindi iyon ang pag-usapan? Imbis na magsabing mali ako o bobo, bakit hindi tingnan ano ba iyong mga probisyon ng batas? Sino ba iyong tama iyong sinasabi? Kasi hindi naman ito spekulasyon kasi ang batas nakasulat, eh. Iyong batas, pinasa ng Kongreso. Hindi naman ito—hindi ko naman ito mababago at hindi mababago ng kung sinong opisyal. So ano ba iyong mga probisyon ng batas? Iyon iyong tingnan. 

REPORTER 2: Nag-apology na po sa inyo. Tinatanggap po ba niyo? 

VP LENI: Ay, wala… Sa akin, hindi ko naman pinapansin—hindi ko pinapansin iyong mga ganoong usapin kasi tingin ko, waste of time iyon. 

REPORTER 1: VP, iyong sinasabi po na pagiging malambot ni President Duterte sa isyu ngayon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas?

VP LENI: Iyong sa akin kasi aasikasuhin ko na lang kung ano iyong puwede kong gawin. Hindi ko kayang kontrolin iyong gagawin ng ibang tao. Basta ako iyong kaya kong gawin, gagawin ko. Kung may pagsalungat ako sa mga polisiya, ipapahayag ko iyong aking pagsalungat. Kung may puna ako, ipapahayag ko iyong puna. Pero iyong… iyong pag-criticize ng kung ano-ano, iniiwasan ko iyon dahil tingin ko, hindi siya beneficial sa lahat. Basta sa akin, kapag tingin ko may maling ginagawa, sasabihin ko. 

REPORTER 1: So ano pa po ang kailangan ng mga mangingisda natin sa—

VP LENI: Marami pang kailangan iyong mga mangingisda. Although maraming tumutulong, ang pinaka-immediate concern nila na maayos iyong kanilang bangka, iyong kanilang boat, iyong kanilang fishing vessel. Maayos para makalayag na ulit sila. Kasi habang hindi pa iyan naaayos, wala pa silang hanapbuhay. 

Pero tingin ko iyong mas malaking concern—hindi lang nila pero ng marami pang mga mangingisda dito kasi sila iyong pinakamahirap na sektor sa lipunan—papaano ba sila matutulungan? Mayroon tayong fisheries code na ang implementasyon hindi maayos. Papaano ba natin mapo-protect iyong mga maliliit laban sa mga malalaki? Karamihan sa mga maliliit na mangingisda, hindi maka-buwelo sa kanilang hanapbuhay dahil wala silang kalaban-laban kapag pinapasok na ng mga malalaki. Iyong ating exclusive economic zone sabi ng ating Konstitusyon, exclusive enjoyment at saka utilization ng natural resources ay nasa mga Pilipino pero hindi iyon nangyayari kasi alam nga natin na— Ano ang ginagawa isang Chinese fishing vessel doon sa isang area na dapat sana sa mga mangingisda natin? So iyon iyong mas malaking concern. Papaano ba natin iyon i-a-address? 

REPORTERS: Thank you po!

-30-