UP Film Institute, Diliman, Quezon City

REPORTER 1: Ma’am, short lang. Iyong sinabi po ni Presidente na sa EEZ ay puwede pong makapangisda [ang Chinese fishermen]. Ano po ang inyong reaksyon doon? 

VP LENI: Sa akin kasi klaro iyong Konstitusyon natin na iyong ating exclusive economic zone ay for the exclusive use and enjoyment of Filipino citizens. Klaro naman iyon. Hindi naman mababago iyong nakasaad sa Saligang Batas puwera na lang kung magkaroon tayo ng pag-amyenda ng Saligang Batas. Pero hanggang walang amendment iyong Konstitusyon, iyong probisyon na iyon ay nandoon—na klarong-klaro na ang EEZ ay para sa exclusive use and enjoyment ng mga Pilipino. 

REPORTER 1: Na-bring up po ni Dr. [Jay] Batongbacal na impeachable offense dahil nga po nasa Konstitusyon iyon. Anong masasabi niyo po doon? 

VP LENI: Hindi na lang muna ako magko-comment kasi hindi ko narinig iyong… hindi ko narinig, hindi ko nabasa iyong statement ni Professor Batongbacal. 

REPORTER 2: Ma’am, iyong kay [Senate President] Sotto na lang, last. Baka raw galing China iyong mga isda. Parang ginagawang joke. Tama ba iyon, Ma’am? 

VP LENI: Tingin ko, medyo insensitive siya dahil mayroong mga [mangingisda] tayong na-violate iyong kanilang mga karapatan. Para sa akin, at this point, kailangan nating siguruhin na maramdaman noong mga mangingisda na hindi sila iniwan. Maramdaman nila na tayong lahat nagtutulong-tulong para makahanap sila ng hustisya sa sinapit nila. 

REPORTER 3: Ma’am, parang na-misquote kayo doon sa “anything is possible” na comment niyo with regards to 2022 presidential elections. Can you please explain that, Ma’am? 

VP LENI: Actually wala namang nabago sa sinasabi ko. Parati kong sinasabi na ang presidency, destiny. Hindi iyon napapaghandaan. Alam natin sa nakaraan na kahit anong paghahanda, kung hindi talaga iyon para sa iyo, hindi para sa iyo. Para kasi sa akin, hindi maganda ngayong Pangalawang Pangulo ako na ang tinitingnan ko na iyong eleksyon sa 2022, lalong lalo na kasi may programa kami para sa mga mahihirap, iyong Angat Buhay. Kapag iniisip ko iyong pagkakandidato ko—hindi lang sa pagiging presidente pero kahit ano pang posisyon—kapag tinitingnan ko na iyong 2022, mababahiran na ng pulitika iyong lahat na ginagawa. Lalong lalo na rin kasi ang mga communities na tinutulungan namin iyong pinaka-malalayo, pinaka-mahihirap, at kadalasan sa pinaka-malalayo at pinaka-mahihirap, ito din iyong kulang iyong botante. Kapag iniisip ko iyong 2022, baka naman hindi ko na puntahan iyong mga lugar na ito dahil kulang dito iyong mga botante. Kaya hindi makakabuti sa akin na tinitingnan na iyong 2022. Sa tatlong taon na darating, sobrang dami pang puwedeng mangyari kaya ko sinasabi na kahit ano ay posible. 

REPORTER 3: How do you feel that Senator [Imee] Marcos wants to lead the electoral reforms committee? 

VP LENI: Karapatan niya namang mag-aspire sa kung ano iyong gusto niyang posisyon na makuha sa Senado. 

REPORTERS: Thank you!

-30-