Message at the UP School of Statistics Recognition Rites
UP Diliman Film Institute Film Center, Quezon City

Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat. 

Assistant Professor Francisco Delos Reyes, Director for Undergraduate Studies; Dr. Joselito Magadia, Officer-in-Charge of the UP School of Statistics (UPSS)—although sabi niya sa akin kanina, Tolits na lang [laughter]—Assistant Professor Stephen Villejo, College Secretary; Mr. Arthur Luis Florentin, President of the UPSS Alumni Association; Mr. Gervacio Selda, President of the UP Statistical Center Research Foundation; UP administrators, faculty, and staff; mga minamahal ko pong magsisipagtapos; mga magulang at pamilya; mga panauhing pandangal; mga minamahal kong mga kababayan; magandang hapon po sa inyong lahat! [applause]

Una po sa lahat, binabati po natin ang mga magsisipagtapos ngayong araw: Isang mainit na congratulations sa ating mga iskolar ng bayan! Ang tagumpay na inyong nakamit ay tagumpay rin ng inyong mga magulang at mahal sa buhay, kaya isang karalangan na maimbitahan ako sa araw na ito upang makasama ko kayo. 

Sigurado rin po ako: pinagmamalaki nating lahat ang inyong former dean, na katatalaga lamang bilang National Statistician at bagong head ng Philippine Statistics Authority noong May 27.

Alam kong hindi biro ang inyong pinagdaanang hirap at pagod, kasa-kasama ang mga kaklaseng katabi ninyo ngayon. Ilang taon kayong sabay-sabay na sumuong sa mabigat na course work, nagsunog ng kilay kaaaral sa samu’t saring data sets, at nagpuyat sa paggawa ng mga papers at projects. Pero kasabay ng bawat sakripisyo ay ang marami ring taon ng saya at ligaya, na siyang bunga ng sipag at pagpupursige.

Ang araw na ito ay higit na pinagyayaman ng mga alaala ng karanasan ninyo dito sa pamantasan: ang inyong mga pinagsumikapan, ang inyong mga sakripisyo, ang inyong mga tagumpay.  

Sa lahat ng itinuro sa atin ng UP, isa sa pinakamahalagang ipinababaon sa atin nito ay ang katotohanang hindi madali ang buhay—sa loob o labas man ng paaralan. Dito natin natutunan ang halaga ng pagiging matatag sa harap ng napakaraming problema, ang katapatan sa gitna ng magulong mundo, at ang kabutihan ng pagpapasensya at pagtitiyaga. Na malayo ang mararating ng mabuting gawa at sipag sa trabaho. Na ang talino at husay na mayroon tayo ay hindi natin dapat sinasarili, bagkus ay ibinabahagi sa ating kapwa. 

Palagi nating sinasabi: mahirap makapasok sa UP. Pero ang totoo mas mahirap paglabas sa UP. Isang pribilehiyo ang makapag-aral dito sa UP. Ngunit bilang iskolar ng bayan, mas malaki rin ang responsibilidad na nakaatang sa ating mga balikat. Ano ang inyong magiging kontribusyon at ambag upang baguhin ang mundong daratnan? Anong uri ng mundo ang inyong ipamamana sa susunod na henerasyon? 

Ang pagtitipon natin ngayon ay patunay na kaya nating tuparin gaano man katayog ang ating mga pangarap. Ang araw na ito ay simbolo rin ng isa na namang bagong pangako para sa ating kapwa: na sa ating paglabas dito sa pamantasan, hindi tayo titigil sa paglilingkod para sa iba. 

Ngunit paano nga ba natin maisasabuhay ang pagiging mga statistician para sa bayan? Sa isang industriyang nakatuon sa interpretasyon ng mga numero, probabilidad, at statistika, paano natin gagamitin ang ating propesyon upang makapaglingkod at mapabuti ang buhay ng kapwa nating mga Pilipino?

Ayon sa mga pag-aaral, dahil sa mabilis na nagbabagong mundo, magiging mas mahalaga ang papel ng istatistika sa ating mga pagpaplano para sa hinaharap. Sabi ni Hal Ver-yan, chief economist ng Google, and I quote: “The se xy job in the next 10 years will be statisticians. People think I’m joking, but who would have guessed that computer engineers would’ve been the sexy job of the 1990s?” 

Hindi natin maipagkakaila ang halaga ng inyong papel sa pagpapaunlad ng ating bansa. Kritikal ang mga numerong iniuulat ninyo para makapagdesisyon tayo sa mga mahahalagang polisiya at programa. At hindi lang kayo basta-basta nag-aaral ng datos, binibigyan rin ninyo ito ng kahulugan at karagdagang analysis upang mas madaling maintindihan ng publiko ang impormasyon. Kayo ang nagsisilbing gabay at pamantayan sa mga isyu na nakakaapekto sa buhay ng ordinaryong mamamayan.

Kahit sa pagiging lingkod-bayan, personal kong nakita ang kahalagahan ng masinsinang pangongolekta, pag-oorganisa, at tamang interpretasyon [ng mga datos] na nakukuha natin sa ating mga komunidad. 

Halimbawa, noong nagsilbi ako bilang kinatawan ng pangatlong distrito ng Camarines Sur, pinag-aralan namin kung ano ang mga kailangan tutukan na mga programa. Sa kalusugan at nutrisyon, nakita namin na halos lahat ng local government units, malaking bahagi ng kanilang budget ay napupunta sa mga feeding programs. Pero nagulat kami dahil sa kabila nito, napakataas pa rin ng malnutrition rate sa ibang mga komunidad. 

Sinubukan naming aralin at hanapan ng solusyon ito, ngunit nahirapan kami dahil walang mahanap na maayos na baseline data. Wala ring monitoring and evaluation system na magsusukat kung epektibo ba ang mga programa. 

Maraming naging katanungan: Bakit sinisimulan ang isang programa nang walang maayos na datos? Paano natin masasabing epektibo ang ginagawa natin kung walang paraan para masukat ang epekto nito? Paano natin malalaman kung matagumpay ang programa kung wala ang mga numerong susuporta dito? 

Kaya naman mahalagang bigyang-pansin ang pagkalap ng tamang datos at ang paggamit nito nang maayos. Sa katunayan, ang kasong ito ay hindi lamang nangyayari sa mga nutrition programs, kundi pati na rin sa ilan pang mga  programa ng pamahalaan na tumutugon sa mga pangangailangan ng ating mga mamamayan. Sa ganitong paraan, masisiguro nating sa tamang programa napupunta at binubuhos ang pera ng taumbayan. 

Hinding-hindi ko malilimutan ang aral na ito dahil sinasalamin nito ang kumplikadong kalagayan ng maraming mahihirap na komunidad sa ating bansa. Ayon sa ulat ng gobyerno: gumaganda ang ating ekonomiya—pababa na ang self-rated poverty, at umuunlad ang takbo ng mga negosyo ng ating mga kababayan. Sa kabila nito, ayon sa pinakahuling datos: isa sa bawat limang pamilyang Pilipino ay dumaranas ng matinding kahirapan. Hindi lang ekonomiya ang batayan natin sa ating pag-unlad; dapat tingnan natin ang malawak na pagitan ng mayayaman at mahihirap. Hangga’t may naiiwan pa sa laylayan, may pagkukulang pa rin tayo. 

Ang totoo: ang bilang ng mahihirap sa ating bansa ay hindi lamang simpleng mga numero. Sa likod nito ay mga mukha at kuwento kung bakit ganito ang kanilang kalagayan. May mga kapwa Pilipino pa rin tayo na kumakayod araw-araw, pero kakaunti ang natatamong ginhawa. May mga pamilya pa ring itinutulog na lamang ang gutom, dahil hindi sapat ang kinikita para makakain nang tatlong beses sa isang araw. May mga kabataang stunted at malnourished o lumalaki na kulang sa sustansya, at may mga estudyanteng pumapasok sa klase na walang laman ang tiyan. Sa katunayan, isa ang stunting sa mga problemang kailangan nating tutukan. Ayon sa pinakahuling datos, isa sa tatlong kabataang Pilipino ang stunted, at kalahati sa bilang na ito ay mula sa pinaka mahihirap na pamilya sa ating bansa.[1]Nakakalungkot at nakakaalarma ito, dahil ang stunting ay irreversible kapag lumagpas ng limang taong gulang, at makakaapekto sa kanilang pag-iisip at kakayahan paglaki.  

Ito ang mga datos at numerong kailangan nating tutukan. Kailangan nating kilalanin at pakinggan ang kanilang mga kuwento, at sikaping humanap ng agarang tugon upang maiangat silang muli sa kahirapan.

Napakalaki ng hinihinging ito, at alam natin: hindi ito kaya ng gobyerno kung siya ay nag-iisa. Kasama ninyo, nasa ating mga kamay ang kapangyarihang magbigay ng magandang kinabukasan sa ating kapwa. Ito ang dahilan kung bakit tayo gumigising araw-araw para gawin ang ating trabaho dahil naniniwala tayo na para ito sa mga magulang na nakakausap natin sa malalayong nayon, na nabubuhay sa takot dahil wala silang permanenteng kabuhayan, o wala silang mailagay na pagkain sa hapag ng kanilang pamilya. Para ito sa mga kababayan nating nagsisikap araw-araw para magkaroon ng magandang buhay. Para ito sa mga kababayan nating patuloy na naiiipit sa gulo at hidwaan. Para ito sa bawat Pilipino na naghahangad ng isang pantay at makatarungang lipunan. 

Para ito sa ibang mahihirap na lugar, gaya ng Siayan sa Zamboanga del Norte, kung saan kalbaryo ang dinadaanan ng mga estudyante para lang makapag-aral. Para makapasok sa klase, araw-araw silang naglalakad ng higit isang oras sa layo ng anim hanggang sampung kilometro papunta sa paaralan. Araw-araw tumatawid ng dalawa hanggang tatlong ilog at umaakyat ng bundok para lamang makakuha ng edukasyon. 

Para ito sa mga mag-aaral sa Balangkayan, Eastern Samar, kung saan napakataas ang bilang ng mga dropouts at kung saan naglalakad rin ang mga estudyante ng hanggang 10 kilometro para makaabot ng eskwelahan. Karamihan sa kanila, hindi na kinakaya ang araw-araw na paglalakad, kaya tumitigil na lamang sa pag-aaral. 

Mga mahal kong magsisipagtapos: Pagkatapos nating makumpleto ang mga taon ng ating pag-aaral, pagkatapos nating itala ang mga numero, at kapag nailatag na ang mga datos: ano ang gagawin natin sa impormasyong hawak natin? Paano natin gagamitin ang kaalamang ito para baguhin ang buhay ng mga kababayan nating naghihirap?  

Paano natin gagamitin ang kaalaman sa istatistika para bumuo ng isang lipunan na binibigyan ng patas na oportunidad ang bawat isa?

Nasa inyong mga kamay ang sagot. Lagi ninyong tandaan: walang malaki o maliit na ambag pagdating sa pag-aabot ng tulong sa ating mga kababayan. Sabi nila, and I quote: “numbers are cold, hard facts.” Pero para sa akin, nasa mga numero ang puso ng pag-unawa. Sa likod nito ay mga mukha, mga pangarap, at mga buhay ng ating kapwa Pilipino. Unti-unti, kailangan nating pagsumikapang maabot ang bawat isa sa kanila upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Sa ating pagkakapit-bisig, bumubuo tayo ng isang kultura ng bayanihan at pagtutulungan. Isang lipunan kung saan ang bawat isa ay may kakayahang maiahon ang kapwa mula sa kahirapan. Nasaksihan po natin sa bawat pagbisita sa pinakamalalayo at pinakamahihirap na mga lugar sa ating bansa. 

Halimbawa, ang mga kabataan ng Siayan na kilo-kilometro ang nilalakad para makapasok sa kanilang mga klase, tumutuloy na ngayon sa isang dormitory—male dormitory—na pinatayo natin sa tulong ng aming partner na Yellow Boat of Hope Foundation. Sa loob mismo ng Siayan National High School ito itinayo, at libre ang pagtira para sa mga batang mahihirap at malalayo ang inuuwian. Sabi pa nga ng isang estudyante sa atin, mula nang buksan ang dorm, nakakapag-aral na sila nang maayos, at naiiwasan na ang madalas na pag-aabsent sa klase. Sa tulong naman ng Metrobank Foundation, magkakaroon na ng female dormitory sa lugar, na bubuksan natin sa July 26 kaya excited na po tayo dito. [applause]

Para naman matulungan ang mga estudyante sa Balangkayan, mayroon na silang mga multicab na dinala natin doon para magsilbing schoolbus papasok sa eskwela. Dahil sa libreng sakay na ito, napansin nating dumarami na rin ang kabataang pumapasok ulit sa klase. Nagtatayo na rin tayo ngayon ng isang dormitory doon para sa mga mag-aaral, upang mas marami pa ang matulungan nating kabataan na bumalik sa pag-aaral.

Anumang larangan ang pasukin natin, sa gobyerno man o  sapribadong sektor, nananatili ang hamon na kailangan nating harapin. Napakarami pa rin sa ating mga kababayan ang kailangan natin abutin, at nandiyan pa rin ang mga problemang kailangan hanapan ng tugon. Ang hinihingi lamang sa atin ay makinig at sikaping maintindihan ang kanilang pinagdadaanan—sinasabi man ito sa atin ng mga datos at numero, o ikinikuwento mismo sa atin ng ating mga kausap sa mga komunidad. Makinig, makisali sa usapan, at saka sama-samang tumugon. 

Mga minamahal kong magsisipagtapos, ito ang hamon sa atin ng panahon ngayon: ang maibalik sa taumbayan ang talino, kaalaman, at kakayahan na nilinang at pinabaon sa atin ng unibersidad na ito. Bilang mga iskolar ng bayan—bilang mga statistician ng ating bayan—kasama kayo sa laban natin para sa katotohanan, lalo na sa ating realidad ngayon na napakahalaga ng tama at maaasahang impormasyon. 

Ito ang patunay na ang sablay na ito ay hindi lang para sa inyo; para ito sa mga umaasa sa inyong talino at husay. Para ito sa mga hindi natin kasama ngayon, dahil sa hirap at tindi ng kahirapan sa buhay. Para ito sa mga hindi napapakinggan at walang boses. Para ito sa bawat Pilipino na patuloy nangangarap sa isang pantay na lipunan. 

Hindi natatapos ang inyong pagiging Isko at Iska sa paglabas ninyo ng pamantasan; sa katunayan, lalo pa itong hinihingi mula sa inyo, sa inyong pagharap sa mundo. Ang mahalaga ay ang paniniwala at pagkapit natin sa tunay na ibig sabihin ng sablay: na kasama ng malaking karangalan na ito ay ang pananagutan nating maglingkod ng matino at mahusay para sa iba.  

Sa isang editoryal ng UP Collegian noong Nobyembre 1977, sa kasagsagan ng Batas Militar, isinulat ni Ditto Sarmiento Jr., and I quote: “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa?”

Ang panawagang ito ay hindi lamang limitado sa mga nangyari noong panahon ng Martial Law. Ito rin ang tawag sa atin ng panahon ngayon: ang kumilos, ang lumaban, alang-alang sa mga kababayan nating umaasa sa atin. Hamon ito para sa bawat isa, sa ating pagtahak sa mga daan kung saan tayo pinaka-kailangan, hindi lang kung saan tayo makikilala. Kabilang ang bawat isa sa atin sa hamon na ito ng paglilingkod; at sana ay sa pagmartsa natin palabas ng UP, dala-dala natin ang misyon na ito sa ating mga puso at isipan. 

Muli, congratulations sa ating mga graduates! Mabuhay ang mga bagong pag-asa ng bayan! Magandang hapon muli sa inyong lahat! [applause]


[1]National Situation Analysis of Children in the Philippines. NEDA and UNICEF Philippines, 2018. https://www.unicef.org/philippines/media/556/file/Situation%20Analysis%20of%20Children%20in%20the%20Philippines.pdf