Pitumpu’t pitong taon na ang nakalipas nang idineklara ni Third Lieutenant Normando Ildefonso Reyes: “Bataan has fallen.” Pagkatapos ng higit apat na buwan ng matinding pakikipaglaban ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo, dinaig ang kanilang hanay ng lakas ng puwersa ng Hapon.

Patunay ang magiting na pagtanggol sa Bataan at Corregidor na ang Pilipino ay handang lumaban, hanggang sa huli. Kahit pa kamatayan ang maaaring maging kapalit ng ating paninindigan, handa nating ialay ang ating mga buhay sa ngalan ng ating bayan at kalayaan. 

Sa mahabang kasaysayan nating mga Pilipino, walang oras na hindi tayo nagpakita ng ibayong kagitingan sa pagtanggol ng ating bansa—laban man sa mga dayuhang mananakop o sa harap ng mga mapang-abusong rehimen. Duyan tayo ng magigiting. Lahi tayo ng mga bayani, ng mga tagapagtanggol ng kalayaan, at tagapangalaga sa mga naaapi. Hindi tayo pasisiil sa anuman o sinuman. 

Kinakatawan ng ating mga mahal na sundalo ang mga katangiang ito—sa kanilang pagpapamalas ng natatanging tapang, dedikasyon, at pagmamahal sa bayan. Kaya taon-taon, nagtitipon tayo sa araw na ito, upang magpasalamat sa inyong serbisyo, lalo na sa ating mga beterano. Pagsaludo ito sa lahat ng beses na nanatili kayong nakatindig laban sa mga nagbanta ng dahas at kadiliman. Ngayong araw, sa pagkilala sa inyong naging sakripisyo sa isang madilim na kahapon sa ating kasaysayan, binibigyan niyo ng inspirasyon ang bawat Pilipino na isapuso ang tunay na kabuluhan ng kagitingan. 

Ipinamalas ninyo na ang tapang ay hindi tungkol lamang sa pisikal na lakas. Kapag lumilitaw ang katapangan sa pinaka-madidilim na sandali, bumubusilak muli ang liwanag ng pag-asa. Ang katapangan ng kahit nag-iisa ay katapangang magsisindi ng mas marami pang pagningas sa dibdib ng bawat Pilipinong naniniwala pa rin sa kadakilaan ng ating bayan.

Ito ay katapangang pinakita ninyo sa mga sitwasyong tinawag kayong ibigay ang inyong sarili sa pagsilbi sa ating kapwa. Katapangan itong walang hinihinging kapalit, dahil ang lumaban para sa kapwa ay sasapat na. Katapangan itong likas sa ating mga Pilipino, mula noon hanggang ngayon. 

Ganitong katapangan ang hinihingi sa atin ng panahong ito, kung kailan napapaligiran tayo ng ibang uri ng kalaban. Matagal nang natapos ang digmaan, ngunit patuloy ang pagdurusa ng ating bayan, kaya dapat patuloy ang laban para sa isang mas magandang kinabukasan para sa lahat. 

Laban ito kontra sa gutom at kahirapan. Laban ito kontra sa abuso at katiwalian. Laban ito para sa ating demokrasya at kalayaan. 

Tinatawag tayong lahat na siguruhing ang bawat butil ng bigas ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan, na ang bawat patak ng dugo at pawis ay may kapalit na ginhawa, na napapakinggan ang boses ng bawat mamamayan, lalong-lalo na ng mga nasa laylayan, at napoprotektahan at naipapaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino.

Mahirap ang labang ito, at hindi kakayaning ipanalo kung kanya-kanya tayo. Tinatawag tayo ngayon para magkaisang lumaban nang buong tapang, dahil ganito kahalaga ang mga nakasalalay. Sa sama-sama nating pagharap sa mga labang ito, humuhugot tayo ng inspirasyon mula sa halimbawang ipinamalas ng ating mga bayani at sundalo. Hindi ito ang panahon para panghinaan ng loob o sumuko. Pagsumikapan nating tapatan ang kanilang kagitingang lumaban kahit kailanman, at hanggang sa kahulihulihan. 

Tulad ng isang katagang binigkas ng isa sa magigiting na anak ng ating bayan, “Bataan has fallen, but the spirit that made it stand—a beacon to all the liberty-loving peoples of the world—cannot fall!”

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!