Istorya ng Pag-asa – Hong Kong special event
Hong Kong

REPORTER 1: Ma’am, iyon nga po, maraming statements si Mayor Sara about you. Unang una, sinasabi po wala daw po kayong karapatan, iwasan niyo raw po ang pagsasabi about honesty and integrity; may duda daw po sa pagiging Vice President niyo, “fake VP” daw po kayo dahil mayroon daw pong massive fraud noong eleksyon ng 2016, nanakawan din nga daw sila ng mga boto. Ano pong masasabi niyo tungkol dito?

VP LENI: Ako kasi, never akong sumagot sa viciousness, never akong sumagot sa init ng ulo, kasi tingin ko hindi naman iyon nakakatulong. Kahit insultuhin ako, hindi naman nagbabago iyong paniniwala ko. Hanggang ngayon, kahit ininsulto na niya ako, paniwala ko talaga napakahalaga ng pagiging totoo, napakahalaga ng honesty hindi sa eleksyon, pero sa pang-araw-araw na buhay namin bilang mga lingkod-bayan. Hindi naman iyon nababago kahit ano pa iyong sabihin. 

REPORTER 1: Ma’am, iyong may “massive fraud” daw po noong eleksyon 2016?

VP LENI: Kung may massive fraud, isang eleksyon lang naman iyon, isang resulta. Eh ‘di lahat noong nag-eleksyon noong 2016, gusto bang sabihin kaduda-duda iyong pagkapanalo? May kaso sa korte, iyong korte ang magdesisyon.

REPORTER 1: Ma’am, nasagot niyo na po ito dati: Ayaw niyo daw pong sagutin iyong mga issues about a relationship with a married man. For the record, Ma’am, mayroon po ba kayong relasyon with a married man other than friendship? 

VP LENI: For the record, wala. At hindi totoong hindi ko iyon sinagot. Kapag binalikan nila iyong Facebook page ko, nandoon. Nandoon iyong lahat na sagot, kailangan lang mag-research. Mahirap kasi na… mahirap na patulan iyong fake news, kasi paulit-ulit lang—mula 2016 hanggang ngayon, paulit-ulit lang. Kahit sinagot mo na nang ilang beses, ang sinasabi nila hindi sinagot. Nandiyan iyong pruweba, tingnan niyo kung kailan ko sinagot, at matagal na iyon. Madaling hanapin, kasi nga nasa Facebook iyon. 

Pero iyong sa akin kasi, ayaw kong i-deflect iyong usapan. Nagsimula lang naman nito iyong debate ng mga kandidato sa eleksyon. Paraan ba ito para ma-deflect iyong isyu? Kasi hindi naman kami mga kandidato ngayon. Iyong dapat nakatuon iyong pansin ng mga tao, sa mga kandidato. Sila iyong dapat nagde-debate, hindi kami. May panahon para mag-debate kami, pero hindi ngayon, kasi kapag kami nag-debate, mawawala sa atensyon ng mga taumbayan iyong mga dapat na issues na tinatanong sa mga kandidato natin. Iyon iyong dapat pagtuonan ng pansin. 

REPORTER 1: Ma’am, kaya daw po hindi requirement ang good moral character kasi marami daw pong mga Leni Robredo sa mundo. Kung ipipilit niyo daw o na maging honest sa pagtakbo sa politika ay mag-goodbye na raw po kayo sa pangarap niyo daw pong maging pangulo.

VP LENI: Sinong nagsasabing may pangarap akong maging pangulo? [laughs] Iyong sa akin, again, ayaw kong patulan iyong init ng ulo. Ayaw kong patulan iyong masasamang pagsasabi, ayaw kong patulan iyong insulto, kasi hindi naman tayo ganoon bilang Pilipino.

REPORTER 2: Sabi ni Macalintal kahapon, done deal na iyong election contest. So as far as you are concerned, what’s the status of the election contest of Bongbong Marcos against you?

VP LENI: Kami, iyong sa election protest, naghihintay kami—naghihintay kami na magdesisyon na. Sana sa lalong madaling panahon, kasi habang hindi pa nagdedesisyon, nagkakaroon lang ng platform si Bongbong Marcos na maghagis ng mga kasinungalingan. Kapag nagdesisyon na, tapos na sana ito. Sana, iyon, sa lalong madaling panahon tapos na. Hindi naman kakandidato si Atty. Romy Mac kung hindi pa sigurado iyong kaso ko.

REPORTER 1: Ma’am, ito nga po, mayroon na namang bago si Mayor Sara. Ang sabi po niya, “Kapag umatake ka at sinagot ka ng inatake mo to question your authority to speak on integrity and honesty, do not retreat behind a ‘Robredo camp’ to answer for you and the argument you started. It says a lot about your fake courage.”

VP LENI: Again, Saleema, ayaw kong patulan, kasi hindi naman ako ganiyan. Ayaw kong patulan kahit ako, sanay na sanay na akong insultuhin. Pero iyong pagkatao ng tao, hindi naman nade-determine ng pang-iinsulto ng iba, pero nade-determine iyon ng pang-araw-araw mong pagbuhay. Kahit anong kasamaan iyong sabihin sa akin, in the end, iyong katotohanan naman iyong lalabas. Pero bakit ako makikipagpatulan sa isang laban na bastusan? Bakit ako makikipagpatulan sa isang laban na dala ng init ng ulo o, ‘di ba, masasamang salita? Hindi tayo ganiyan—at tingin ko maraming Pilipino ang ayaw ng ganiyan. Maraming Pilipino ang gusto ay katotohanan. Maraming Pilipino, gusto na ang pinag-uusapan, mga maaayos na bagay. Kaya nga nandito kami sa Hong Kong ngayon, nakita niyo naman, kasi iyong pino-promote namin iyong changing the conversation, ang pag-usapan iyong mga mabubuting bagay. So bakit papasok pa ako sa ganiyan? ‘Di ba? Tingin ko hindi naman dine-deserve ng mga kababayan natin na iyong pinag-aawayan mga wala namang—hindi makakabuti sa ating lahat. Iyong pinagmulan niyan, noong pinag-comment ako kung palagay ko ba mahalaga iyong honesty sa public service. Ako, ang sagot ko, oo. At ngayon, kahit pa ininsulto ako, pareho pa din iyong sagot ko.

REPORTER 1: Ma’am, what do you want to tell po the electorate for the elections sa Mayo, regarding nga po doon?

VP LENI: Iyong sa akin, pahalagahan, pahalagahan ang eleksyon. Paalalahanan na iyong kapangyarihan nasa kamay ng bawat Pilipino—ang kapangyarihan wala sa aming mga lingkod-bayan kundi nasa kamay ng bawat Pilipino. Na sana hindi pinapasantabi iyong kahalagahan ng eleksyon, dahil pinagdedesisyunan natin iyong kinabukasan hindi lang natin pero ng mga anak, mga apo natin.

REPORTER 3: Pero iyong Otso Diretso, you’re supporting them, right?

VP LENI: Yes, yes, Ma’am—of course! Ako po iyong number one campaigner ng Otso Diretso. Kasi naniniwala ako sa kanila. Naniniwala ako na malaki iyong kabutihan na madadala nila. Naniniwala ako na sila iyong magbabalanse sa Senado. Naniniwala ako na ipaglalaban nila kung ano iyong tama. 

REPORTER 3: Mayroon pong isang question, ano. Kasi right now mayroon pong measles outbreak, right? Also dengue scare and everything. Kasi no one at the Otso Diretso yesterday had some health expertise, you know, so hopefully mayroon po kayong alam doon po sa nangyayari sa atin?

VP LENI: Iyong outbreak kasi, contributory doon iyong scare, iyong takot sa bakuna dahil doon sa irresponsible na pagtira sa Dengvaxia. Iyong sa akin, okay naman tirahin kung mayroong isyu, pero hindi sana ito humantong doon sa ang taumbayan matatakot sa mga bagay na proven na. Kaya nandiyan iyong mga bakuna laban sa measles kasi ito na-prove na na isang deterrent para sa outbreak. Dahil natakot iyong tao, ayaw na tuloy magpabakuna. Nagkaroon tuloy tayo ng outbreak. So ngayon, parang nag-i-stop gap tayo na, parang, magkampanya ulit na mabalik ulit iyong tiwala sa bakuna, pero pagkatapos ng napakaraming namatay. Iyong sa akin lang sana, lahat maging responsable. While hindi naman mali na may punahin, sana iyong pagpupuna, hindi siya lalong nakakasama.

REPORTERS: Thank you!

– 30 –