National Women’s Month Celebration
Bustos Municipal Hall, Bustos, Bulacan

Maraming salamat po. Magandang hapon sa inyong lahat! [applause

Ayan, bago po ako magpatuloy, pagbigay-galang muna sa mga opisyal po nating kasama at pagpapasalamat na rin. Unang una siyempre, sa ating minamahal na ama ng bayan ng Bustos, palakpakan po natin, Mayor Arnel Mendoza [applause]; at saka po iyong kaniyang maybahay, Ma’am, magandang hapon po; alam ko po nandito rin si Doktora, iyong mahal na nanay ng ating mayor, palakpakan po natin, [applause] Dra. Lilia, ayan; at saka siyempre po ang susunod na mayor ng bayan ng Bustos, aking kababayan, palakpakan po natin, Vice Mayor Ading Leoncio [applause]

Actually po iyong kababayan ko iyong kaniyang misis. Pero madalas din kasi siyang umuwi sa amin. Kaya kanina po nagkuwe-kuwentuhan kami, ang pinagkuwe-kuwentuhan namin iyong pagsakay sa bus. Kasi kapag umuuwi raw siya, sumasakay siya sa bus. Ako, hanggang ngayon, nagbubus din po ako kaya pinaguusapan namin na napakakomportable ng bus pauwi. At saka sabi niya, nagkakilala pala sila ng misis niya doon sa amin sa Naga. Ayan, kaya kababayan na rin kita, Vice Mayor Ading. 

Siyempre po iyong mga members ng Sangguniang Bayan, magandang hapon po sa inyong lahat. Kanina po na-meet ko po sila, nandoon sila sa likod; iyong ating mga barangay captains sa pangunguna po ng ating APC President Kapitan Martin Angeles, magandang hapon po sa inyo [applause]; iyong ating MSWTO, ayan, nagsalita siya kanina, Ma’am Telly Bustamante; Ms. Armie Celia Artero; iyong Konsehong Pambayan para sa Kababaihan President. Sabi sa akin ni Mayor iyong mga naka-pink daw, mga pangulo ng iba’t ibang women’s club dito sa Bustos. Sabi ko, napaka-aktibo pala ninyo. Kaya palakpakan po natin iyong sarili natin. [applause] Siyempre po iyong ating mga napakagaganda na mga kandidata ng Ginoong Bustoseña—ay, Ginang pala—Ginang Bustoseña. Sabi ko kanina, in-introduce ko sila, mukha namang mga binibini. ‘Di ba parang mga dalaga pero mga ginang. Ginang Bustoseña pala sila. So sa inyong lahat na mga kinatawan ng iba’t ibang mga organisasyon dito po sa Bustos, magandang, magandang hapon pong muli sa inyong lahat. 

Napakasaya pong nakabalik ako. Inaalala namin ni Mayor kung kailan po iyong pinakauna kong pagpunta dito sa inyo noong Minasa Festival noong January 2017 tapos ito po iyong pangalawa. At nagpapasalamat po ako kay Mayor kasi kahit po napaka-short notice, na-accomodate po kami. Alam niyo po mayroon po kasi kaming mga partner communities diyan po sa Bocaue, Pandi, at saka sa Norzagaray. Sila po iyong madalas nating mapuntahan kasi inaasikaso po natin iyong mga relocation communities diyan. Ngayon pong araw, mayroon pong okasyon doon kaya sabi namin, didiretsuhin na namin dito sa Bustos. At napaka-masuwerte po namin kasi ito pala iyong unang araw ng celebration of Women’s Month at sabi din ng Mayor, unang public appearance din ng mga kandidata natin sa Ginang Bustoseña. Ayan, kaya palakpakan po ulit natin sila. Napakagaganda. [applause]

Alam niyo po nagkuwe-kuwentuhan po kami ni Vice Mayor Ading kanina. Ang kinuwe-kuwento po ni Vice Mayor Ading, kinukumusta ko po siya. Sabi niya, “Mahirap iyong laban kasi wala akong pera. Ang kalaban ko mayayaman.” Ako po dumaan din po ako sa ganiyan. Hindi ko lang alam kung pamilyar po kayo sa kuwento ko pero alam niyo po, hindi naman po ako politiko. Ang politiko po sa amin iyong asawa ko. Iyong asawa ko po matagal na nag-mayor doon sa amin. Halos benteng taon kasi six terms po siyang nag-mayor. Tatlo muna, tapos nagpahinga, tapos tatlo ulit. Noong mayor po iyong asawa ko, ako po ay abogada. Actually, tinatanong ko nga kay Mayor kanina kasi matagal ko pong kasama sa NGO ng mga abogado na taga-Bustos, si Atty. Marlon Manuel. Taga-rito rin po siya sa Bustos. Magkasama po kami. Kami po ang mga nag-a-abogado sa mga mahihirap kaya kami po iyong mga abogado. Hindi po kami naghihintay sa mga opisina namin. Pumupunta po kami sa mga communities. Ang ina-abogaduhan po namin mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa, mga urban poor, mga kababaihan, etc. Matagal pong panahon ganoon iyong ginagawa ko. Iyong asawa ko iyong politiko, ako nasa likod lamang ako. Ganoon naman kadalasan sa mga kababaihan, ‘di ba? Parang supporting role tayo ng mga asawa natin. 

Pero noong 2012 po, habang DILG Secretary pa iyong asawa ko, naaksidente iyong eroplanong sinasakyan niya. Bigla-bigla nawala po siya sa amin. Nawala po iyong asawa ko na walang paghahanda. Noong namatay po iyong asawa ko, 54 years old na po siya. Tatlo po iyong anak namin na babae. Iyong bunso po namin 12 years old lang noong time na iyon. Tapos hindi po kami—wala po kaming idea na mangyayari iyon dahil napakahealthy naman po ng asawa ko. Walang sakit, walang kahit ano, pero nangyari iyong aksidente. 

Noong naaksidente po iyong asawa ko, mag-e-eleksyon na noon—iyong 2013 election, mag-e-eleksyon. Bigla po nawalan ng ulo iyong mga kakampi niya doon sa amin. Hindi pa po dalawang buwan matapos siyang mamatay, bigla na lang po kandidato na ako. Noong kandidato na po ako, wala akong paghahanda, wala akong ka-pera-pera. Iyong kalaban ko pa po incumbent. Iyong kalaban ko incumbent, napakadaming pera. Alam niyo po noong nag-umpisa na iyong kampanya, hindi po ako makaarkila ng sarili kong sound system. Naghahanap po ako ng sound system, sabi po sa akin, ang arkila raw 7,000 [pesos] bawat gamit. Sabi ko po noon, wala naman akong 7,000 [pesos] so hindi na lang ako mag-aarkila. Noon po dahil kalaban ko ay incumbent, iyong amin pong distrito 186 barangays. Ano po iyon, Naga City plus seven towns. Alam niyo po, iyong kakampi ko lang na mayors sa walo, isa lang—iyong mayor lang po ng Naga. Iyong walo po, kontra sa akin. Sa 186 po na barangay, ang kakampi ko pong kapitan bente-siyete lang, 27 lang. 

Noong nag-uumpisa nga ako wala akong kapera-pera, iyong kaunti ko, sabi ko magpapa-imprenta na lang ako ng mga tarpaulin. Hindi pa ako pinapahiram ng mga barangay ko, hindi pa ako pinapahiram ng facilities ng barangay, wala akong pang-arkila ng sound system. Parang awang-awa po ako sa sarili ko kasi talagang walang-wala. Lakad lang po ako nang lakad maghapon. Hindi po ako maka-sponsor ng mga rally kasi hindi ko nga kakampi iyong mga tao. Bahay-bahay po iyong mga pinupuntahan ko. Mayroon po ako noong rechargeable na [sound system] na may maliit na mic, pero nakakarinig hanggang benteng tao lang. So sa mga bahay-bahay lang po ako nagpapa-meeting. Tapos kinalaunan, sinasabayan po ako ng kalaban ko. Ang lakas-lakas ng sound system nila. Mayroon silang mga singers, mayroon silang mga dancers, mayroon po silang mga pamigay na gift packs. Paminsan mayroon pa silang kasamang artista, mayroon pang pa-raffle ng mga appliances, lahat na tao pumunta sa kanila. Iyong naiwan po sa akin, kaunti-kaunti. 

Pero tiniyagaan ko. Pagdating po ng eleksyon, landslide naman iyong aking panalo. [applause] Kaya sinasabi ko po kay Vice, iyong sinasabi ko kay Vice, ang isa sa aral na nakuha ko noong eleksyon noong 2013, mahalaga siguro iyong pera sa eleksyon pero hindi naman siya iyong susi ng lahat. Iyong mga tao po karamihan kinukuha lang iyong pamigay—sa amin po, grabe iyong vote-buying—kinukuha lang iyong pamigay pero iyong binoboto pa rin nila iyong gusto nila, ano. Kaya iyon siguro, Vice, iyon siguro iyong mensahe ko sa iyo, Vice: huwag kayong mag-alala. Kasi iyong tao, kapag binibigyan po ng pagpipilian, parating ang pipiliin niya iyong nalalapitan niya, ‘di ba? Ang tao, kapag binigyan ng pagpipilian, iyong pipiliin niya iyong mas maayos, iyong mas mahusay. 

Iyon po iyong sa harap ng maraming kahirapan… Sa pagiging VP ko po alam niyo naman siguro na hindi naging madali, pero parati ko pong sinasabi na habaan lang po natin iyong pasensya natin dahil sa huli, parating tama at mabuti iyong mananaig. Sabi ko, nakatulong siguro na ako, babae, nakatulong siguro na ako naging maybahay, dahil ganoon naman tayong mga babae, ‘di ba? Ganoon naman tayong mga babae: sanay na sanay tayong nagpapasensya. Sanay na sanay tayong nagpapagod. Sanay na sanay tayong hindi nagrereklamo. Sanay tayo na nandiyan lang tayo sa likod at tahimik. Pero kinakailangan bumoses, kaya din natin bumoses. Kapag kailangan lumaban, kaya rin natin lumaban. 

Kaya mabuti po na may Women’s Month, ‘di ba? Mabuti naman na mayroong Women’s Month kasi kapag Women’s Month, pinapaalala na hindi lang tayong mga kababaihan, pero pinapaalalahanan din iyong mga kalalakihan na dapat, parang hina-handle tayo with respect—iyong respeto, iyong pagmamahal. Dapat ito naman iyong panahon natin. Madalas sa araw-araw, sa loob ng bahay, ‘di ba, hindi ko alam kung sino dito iyong mga biyuda pareho ko, pero iyong—ayan, marami palang mga miss na ulit dito—pero napakahirap maging biyuda, ‘di ba? Napakahirap maging biyuda lalo na iyong itataguyod mo iyong mga anak mo na solo—ikaw iyong tatay, ikaw iyong nanay. 

Pero kahit iyong mga hindi biyuda, mahirap din. ‘Di ba sa loob ng bahay, sino ba iyong pinakaunang gumigising sa umaga? ‘Di ba tayo? Tayo iyong pinakaunang nagigising sa umaga. Gigising iyong iba, handa na lahat. Sa gabi, sinong pinakahuling natutulog? Tayo rin, ‘di ba? Kasi hindi tayo natutulog hangga’t hindi pa ayos lahat. Tapos sa susunod na araw, kayod na naman. Ang iba sa atin nagtatrabaho sa labas ng bahay. Pagdating ng loob ng bahay, trabaho pa rin. Sabi ko nga, ang suwerte naman ng mga lalaki, ‘di ba? Kapag galing sa trabaho, iyong mga lalaki, kung uminom sa labas, okay lang iyon. Pero ma-imagine niyo, pagkatapos ng trabaho iyong babae iinom sa labas, sasabihin ng mga tao, masamang babae tayo, ‘di ba? Kasi ang inaasahan, kapag galing tayo sa trabaho, uuwi na kaagad sa bahay para mag-trabaho na naman.

Kaya iyong March, ngayong sine-celebrate natin iyong Women’s Month, pagpapaalala lang iyong kahalagahan ng bawat babae sa loob ng bahay. Parati kasi… parating iyong mga lalaki, tayo iyong kanilang mga guardian angels, ‘di ba? Mahirap iyong buhay ng lalaki kapag wala iyong babae. Kasi tayo iyong nag-aasikaso ng lahat. Pero ito, ngayon pong pagbalik ko sa Bustos, pagpapaalala lang ulit. Pagpapaalala kung ano iyong mabuti, kung ano iyong tama, ano iyong masaya, sa gitna ng napakaraming kaguluhan, parating iyong pagpapahaba ng pasensya, pagpapalawak ng intindi. Talagang parating kabutihan iyong dapat manaig sa huli. 

Kinuwe-kuwento ko kina Mayor kanina, ngayon po kinakampanya ko iyong Otso Diretso. Pero hirap na hirap po ako kasi iyong mga kandidato po namin, pareho ko rin noong 2013, pareho rin ni Vice Mayor—mga wala ring pera, ano, mga wala ring pera. Kaya ako, kahit walang pera iyong aming mga kandidato, sinisipagan ko na lang po magkampanya nang magkampanya. Gaya po noong nakaraang linggo, marami po akong probinsyang pinuntahan: galing po ako sa Negros Oriental, galing po ako sa Cavite, galing po ako sa Nueva Ecija, galing po ako sa Pampanga, galing ako sa Cebu, nangangampanya para sa kanila. 

Pero bakit po napakasigasig ko sa pagkampanya, kasi alam ko na iyong kinakampanya ko mga karapat-dapat na maging lingkod-bayan. Hindi man kilala lahat, kapag kinakampanya ko sila sasabihin pa nila, “Kilala namin si Mar Roxas lang at saka si Bam Aquino. Iyong iba, hindi na namin kilala.” Kaya parati pong pakiusap ko, kilalanin. Kasi kapag panahon ng eleksyon, ‘di ba, kapag panahon ng eleksyon ang daming lalapit sa atin, lahat sasabihin, “Mahal ko iyong mahihirap.” ‘Di ba kapag panahon ng kampanya, ganoon? Marami iyong—bigla na lang marami iyong umaasikaso sa atin, maraming madaling hingian, maraming nagsasabing, “Mahal ko iyong mahihirap.” 

Gaya po dito sa Bustos, kapag hindi kampanya, sino ba iyong nalalapitan natin? Kasi kapag kampanya ang daming puwedeng lapitan. Pero ang tanong, kapag hindi na panahon ng kampanya, sino iyong nalalapitan natin? Kapag hindi na panahon ng kampanya, sino iyong tumutulong sa atin? Ganoon din po iyong pakiusap ko sa aking mga kinakampanyang mga kandidato para Senado. Parati ko pong sinasabi, alamin, kilalanin natin iyong mga kandidato, iyong mga nagsasabing, “Mahal ko iyong mahihirap,” noong wala pang eleksyon, nasaan sila? Noong wala pang eleksyon, ano ba iyong ginagawa nila? Noong wala pang eleksyon, papaano nila pinapakita iyong pagmamahal nila sa mga Pilipino? 

Iyong sa amin po, pagpili po namin noong walo, talagang pinagpilian namin nang husto. Pinagpilian namin iyong hindi naman kami ipapahiya. Kaya [ang mga] kinakampanya po namin maliban po kay Mar Roxas at Bam Aquino, Alejano—congressman po siya ngayon—Congressman Erin Tañada—dati na rin po siyang congressman—Attorney Romy Macalintal, Attorney Chel Diokno, Samira Gutoc, Pilo Hilbay. Sino pa ba nakakalimutan ko? May isa pa ba akong nakakalimutan? Nasabi ko na yata lahat. 

So iyon po, mga kinakampanya po namin. Iyong pakiusap ko lang po sa inyo, hindi lang iboto sila. Pakiusap ko po kilalanin din. Dahil alam ko po na kapag kinilala natin, ito iyong mga taong may kampanya o wala, parating naglilingkod sa mga mahihirap. 

Ito po, paalala lang po ulit dahil Women’s Month, dapat buwan-buwan Women’s Month, ‘di ba? Bakit March lang iyong Women’s Month? Pero dapat buwan-buwan, pinapahalagahan naman iyong tayong mga kababaihan. Dapat buwan-buwan, narerecognize iyong kontribusyon ng mga kababaihan hindi lang sa loob ng bahay, pero sa community. At dito po sa Bustos, kinuwe-kuwento po sa akin ni Mayor at saka ni Mayora kanina, napaka-active daw ng mga women’s organizations. Malaking, malaking ginhawa po iyon dahil iyong mga organisasyon po kagaya niyo, nagbibigay ng haven, nagbibigay ng parang sandalan, nagbibigay ng sandalan sa mga kababaihan na lalong palakasin iyong sarili. 

Noong matagal na panahon po na nag-a-abogado ako para sa mga kababaihan na naaabuso, madalas po may mga kababaihan na nabubugbog sa loob ng bahay, madalas po irerescue po namin pero kapag magkakaso na, ayaw na nila. Kapag magkakaso na, ayaw na nila. Gusto nila titiisin na lamang iyong pang-aabuso sa kanila sa loob ng bahay. Kapag inalam natin kung bakit gusto na lang nilang tiisin, parati po ang dahilan nila, “Kasi hindi ko kayang itaguyod iyong mga anak ko.” 

Kaya iyong sabi ko, parating iyong kampanya namin economic empowerment ng mga kababaihan—bigyan ng hanapbuhay, bigyan ng paraan para may sariling kita iyong mga kababaihan kasi kapag kumikita siya, lalong malakas iyong loob niya para itaguyod hindi lang iyong kaniyang mga anak, pero iyong sarili niya. 

Pero iyon po, itong hapon na ito, magpapasalamat po kami kay Mayor sa pagbibigay sa amin ng pagkakataon na makausap kayo ngayong hapon; nagpapasalamat po tayo kay Mayora for gracing us with your presence; siyempre kay Doktora, Doktora, kanina ka pa raw dito. Pasensya ka na po nahuli po kami kasi galing pa po kami ng Bocaue; kay Vice Mayor, siyempre sa members ng council, sa mga kapitan po, sa pakikiisa sa atin.

Sana po hindi ito ang huli na pagbisita ko dito sa Bustos. Sana sa susunod na panahon, marami pang pagkakataon na makabisita ulit ako sa inyo. Sa uulitin po, magandang hapon po ulit at maraming, maraming salamat. 

Mabuhay po kayong lahat! [applause]